Kuwentong Kabataan

Iba na ang ihip ng hangin sa pamantasan


Hindi madaling pangibabawan ang mga pangambang hinaharap natin. Lalo ngayon, wala na tayo sa panahon ng hindi pagkibo.

Sumama ako sa mga nakalipas na pagkilos kontra katiwalian sa loob at labas ng UP Diliman na aking pamantasan. Hindi na bago sa akin ang paglahok sa mga kilos-protesta, pero iba ang hitsura ng pamantasan nitong mga nakalipas na linggo.

Sa mga nakaraang buwan, naging bahagi ako sa mga makasaysayang pagkilos na karamihan ay hindi ko akalaing mangyayari kahit gaano kasidhi ko pa ito ipanalangin.

Iba na ang ihip ng hangin sa pamantasan. Sa dalawang nakalipas na walkout, naging karanasan ko kung paanong pare-parehas ng kulay ng damit ang mga nakasabay ko sa jeep ng Ikot; itim noong Set. 21, mayroon naman noong Okt. 17. Aakalain mong arkilado ang jeep at may iisa kayong pupuntahan (marahil ay totoo naman).

Naalala ko rin kung paanong kayang himukin ng mga pagkilos ang mga propesor na magkansela ng klase dahil bilang sa isang kamay ang mga pumasok habang ang iba ay nasa AS Steps na, bitbit ang mga panawagan.

Ito ‘yong mga tipo ng mobilisasyon na kayang baguhin ang daloy ng isang karaniwang araw sa pamantasan. Ito ang mga eksenang bumubuhay sa diwa ng mga kabataang naghahangad ng makabuluhang pagbabago sa sistema. At alam ko na katulad sa akin ay nanuot din ang diwa ng mga nakalipas na walkout at protesta sa mga kapwa ko mag-aaral.

Tuwing aakyat sa mga hagdan ng Palma Hall, mahirap na hindi maalala ang mga chant at panawagan ng libo-libong mag-aaral. At kung hindi mo man maalala, ang bakas ng oplan pinta, oplan dikit ng mga aktibista sa mga pader ng bulwagan na ang magpapaalala sayo. At kahit sa pagdating sa klase, malabong hindi mapag-usapan ang paksa ng korupsiyon na malamang sa malamang ay kukuha sa pika mo.

Manunuot ang damdaming ito sa marami, at sa matagal na panahon. May partikular na sidhi ang galit na ito na magiging bara sa lalamunan habang nag-aaral ka para sa isang exam. 

Magiging pagod na magdadala sa’yo sa pagliban sa klase. Magiging palaisipan para kuwestiyunin mo ang iyong araw-araw na gawain bilang mag-aaral sa pamantasan, bilang iskolar ng bayan.

Naniniwala ako na kabahagi ko sa pakiramdam na ito ang maraming mag-aaral. Parehong pag-asa at alinlangan ang dala ng mga panahon kung nasaan tayo ngayon.

Hindi madaling pangibabawan ang mga pangambang hinaharap natin. Marahil ay mahirap tumingin lagpas sa kung ano ang maaaring hingin ng laban na ito sa atin, ngunit tayo ay wala na sa panahon ng kompromiso. Lalo ngayon, wala na tayo sa panahon ng hindi pagkibo.

Naniniwala akong hindi na tayo para bumalik pa sa panahon ng pagkakanya-kanya. Hindi na rin tayo para humanap ng paraan upang makabalik sa katahimikan at hinahon. Higit sa lahat, hindi tayo maaaring magpasindak sa mapanghati at mapanakot na kaaway. Inuudyok ng mga panahong ito ang bawat kabataan na makiisa sa laban ng mamamayan para sa katarungan at pananagutan.

Kumbaga, may mapanghamong pagsusulit na pagdadadaanan ang bawat kabataan ngayon. Pagsusulit ito ukol sa paninindigan. Pagsusulit ito na hahamon sa bawat kabataan na pag-aralan ang lipunang ginagalawan niya, lumabas sa kanyang silid-aralan at dalhin ang kanyang sarili sa militanteng pakikibaka, harapin man siya ng maraming pag-aalinlangan.

Sa dulo ng araw, umaasa rin akong makita ng mas marami ang katuwiran ng labang ito sapagkat bilang mga mag-aaral ay biktima rin tayo ng atrasadong kaayusang ito. At tayong kabataan ay nasa isang panahong mapagpasya.

Malawak man ang pamantasan, masyado itong maliit upang magpanatili ng ating galit sa isang pahirap at bulok na sistema. Malawak ang pamantasan at madaling maligaw sa abala at ingay nito, ngunit higit na malawak ang mga lansangang ating babagtasin at may lugar dito para sa bawat isa sa atin.

Patuloy kong pinanghahawakan ang mga karanasan at sentimyentong ito bilang mag-aaral. Kinaya nating bigyan ng ibayong pag-alab ang diwa sa loob ng kampus. Walang makakapigil sa lakas ng kabataan, kasama ang mamamayan, na baguhin ang lipunan.

Iba na ang ihip ng hangin sa pamantasan, ngunit panatag akong iihip ito tungo sa mapagpalayang bukas.