Main Story

Korupsiyon sa badyet, pakana ni Marcos Jr.


Ang mabigat na testimonya ni Zaldy Co ang nagbubunyag ngayon sa malawakang pagmaniobra sa pondo ng bayan na direktang iniuugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Habang lumalalim ang mga alegasyon ng korupsiyon, lumilitaw ang krisis ng pang-aabuso sa kapangyarihan sa pinakamataas na antas ng pamahalaan.

Parang magic. Wala sa plano, pero biglang may bilyon-bilyong pondong lumalabas sa pambansang badyet. At ayon mismo kay dating House Committee on Appropriations Chairperson at dating Ako Bikol Partylist Rep. Zaldy Co, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-utos nito.

Ayon sa mga dokumentong nakalap ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Budget and Management (DBM), P213.8 bilyon sa unprogrammed appropriations (UA) ang inaprubahan ng pangulo noong 2023 at 2024.

Nilalantad ng mga pagbubunyag na ito ang tanong: Saan nga ba napupunta ang pera ng taumbayan at sino ang tunay na may kontrol sa pambansang badyet?

Noong Nob. 14, naglabas ng mabigat na pahayag si Co nang aminin niyang siya mismo ang nagpasok ng umano’y P100 bilyon insertion sa panukalang 2025 national budget.

Tumutukoy ang insertion sa mga proyekto, programa o pondo na hindi kasama sa panukalang badyet. Isinisingit ito habang binubusisi ng mga mambabatas ang pambansang badyet.

Hindi raw ito sa sariling inisyatiba, kundi dahil sa direktiba umano ni Marcos Jr. at ng dating House Speaker at pinsan ng pangulo na si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.

Ayon pa kay Co, isang brown leather bag ang inabot sa kanya ni Undersecretary Adrian Bersamin na naglalaman ng listahan ng mga proyektong dapat isingit sa badyet.

Protesta ng mga kabataang estudyante sa Mendiola, Maynila noong Nob. 21, 2025. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Batay sa listahang iyon, tinatayang P81 bilyon ang inilaan sa DPWH, pangunahin para sa mga proyektong imprastruktura kabilang ang mga kalsada, tulay at flood control project.

Samantala, P18 bilyon naman ang nakalaan para sa iba’t iba pang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit 2026 sa ilalim ng Office of the President na may pondong P5.4 bilyon

Malinaw ang datos ng PCIJ—malaki ang nilabas na pondo mula sa UA na aprubado mismo ng pangulo.

Maaari lang ilabas ang UA kapag may sobra o karagdagang pinagkukunan ng pondo ang gobyerno, tulad ng utang. Itinuturing kasi itong “standby” na pondo at hindi nakatalaga sa mga nakaplanong programa ng National Expenditure Program (NEP).

Ngunit ayon kay Adolfo Jose Montesa ng People’s Budget Coalition, hindi malinaw kung totoong may “excess revenue” para maglabas ng ganyang kalaking pondo ang DBM dahil hindi naman ito pinapaalam sa publiko.

Simula nang mabunyag ang isyu ng korupsiyon sa mga flood control project, wala pa ni isang nakukulong at tila walang seryosong aksiyon mula sa pamahalaan. Kaya’t patuloy ang panawagan ng publiko na panagutin ang mga opisyal na nagnakaw sa kaban ng bayan.

Samantala, ilang lindol at bagyo na ang naminsala at kumitil ng buhay, ngunit hanggang ngayon, puro turuan at pag-iwas sa responsibilidad ang sagot ng mga sangkot sa korupisyon.

“Nagagalit ang mamamayang Pilipino hindi lang dahil usapin ito ng ninakaw na pera. Nagagalit tayo sapagkat ang naging resulta ng matinding korupsiyon ay kamatayan ng marami nating mga kababayan,” sabi ni Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson emeritus Elmer Labog.

Kasunod ng kalamidad na tumama sa mga Pilipino, isang pampolitikang kalamidad naman ang patuloy na nanalasa sa mga Marcos at Duterte.

Inakusahan ni Sen. Imee Marcos ang kanyang sariling kapatid na gumagamit ng ilegal na droga. Ayon pa sa kanya, ang pagkaadik ni Marcos Jr. ay “naging sanhi ng korupsiyon, maling desisyon, at kawalan ng pananagutan.”

Habang lumalala ang hidwaan at isyu ng katiwalian, lumabas din ang pahayag ni Co, na inilarawan kung paano siya umano ginawang “poster boy” o panakip-butas nina Marcos Jr. at Romualdez. 

Aniya, pinagtatakpan ng magpinsan ang kanilang sarili habang siya ang inilalagay sa harap bilang mukha ng katiwalian sa pamahalaan.

Iginiit niya na sila ang nasa tuktok ng kapangyarihan at patuloy na nakikinabang sa mga proyektong isinisingit sa badyet.

Habang lumalawak ang usapin tungkol sa kung paano nabubuo ang pambansang badyet, mas naging kapansin-pansin ang laki ng pondo na naipapasok sa ilang tanggapan at proyekto.

Sa pagbusisi ng listahan ni Co, binatikos ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) president Renato Reyes Jr. ang pagkalaki-laking pondo ng OP para sa Asean Summit. 

Hindi aniya makatuwiran ang P5.4 bilyong pondo kung sa 2026 pa naman gaganapin ang Asean Summit. Doble rin ang inihihirit na pondo ng OP para sa naturang okasyon sa panukalang 2026 national budget.

Naglaan lang ng P11.074 bilyong pondo noon para sa Asean Summit 2017. Tinatayang 34% lang nito ang nagastos.

Agaw-pansin din sa listahan ni Co ang malaking alokasyon na napunta sa DPWH, lalo na sa mga proyektong kalsada, tulay at flood control. 

Sentro ngayon ng imbestigasyon sa korupsiyon ang DPWH dahil sa mga ghost flood control projects at substandard na mga imprastruktura.

Sa imbestigasyon ng PCIJ, ipinakita kung paano gumagana ang UA sa ilalim ng administrasyong Marcos. Jr.

Naging pambihira ang paggamit ng adminstrasyon sa UA. Mula sa regular badyet, ililipat patungong UA ang bilyon-bilyong piso upang lumikha ng espasyo para sa lump-sum o pork barrel insertions.

Dahil hindi ito parte ng regular na badyet, hindi rin dumadaan sa masusing pagsisiyasat ng Kongreso ang pag-apruba ng bawat proyektong pinopondohan nito.

Sa mga dokumentong nakuha ng PCIJ, makikita na ang P213.8 bilyong pondo ay pangunahing inilaan para sa Eight-Point Economic Agenda ng pangulo na nakapokus dapat sa pagresolba ng mga isyu kaugnay sa implasyon at iba pang sosyo-ekonomikong problema. Special Allotment Release Orders (SARO) ang tawag sa mga alokasyong ito na aprobado mismo ng pangulo.

Ipinapakita ng datos mula sa PCIJ at testimonya ni Co kung paanong kontrolado ng pangulo ang malalaking pondo. Nakita rin ang pagmanipula sa pambansang badyet.

Kung totoo ang sinabi ni Co, malaki ang posibilidad na inabuso ni Marcos Jr. ang kanyang kapangyarihan sa Bicameral Conference Committee (Bicam), na hindi naman niya dapat pinapakialaman.

Bukod sa paglabag sa paghihiwalay ng kapangyarihan ng mga sangay ng ehekutibo at lehislatibo, lumilitaw na may malinaw na pattern ng katiwalian sa proseso ng pagbuo ng badyet.

Ibig sabihin, sa NEP pa lang, mayroon nang mga pork barrel project na maaaring napagkasunduan nina dating Budget Secretary Amenah Pangandaman at ng ilang mambabatas..

Ani Co, nagdadagdag pa ang mga mambabatas ng sarili nilang pork barrel projects. Sa House version, Senate version, at lalo na sa Bicam.

Kapag pinirmahan ni Marcos Jr. ang General Appropriations Act (GAA), nagiging daan aniya ito para mailabas ang daan-daang bilyong pisong maaaring mapunta sa mga opisyal, ahensya, pamahalaang lokal o kontratistang posibleng sangkot sa katiwalian.

“Ang testimonya [ni Zaldy Co] ay sumisira sa anumang pag-aangkin na si Marcos Jr. ay inosente o walang alam sa talamak na korupsiyon sa kanyang administrasyon. Hindi lamang siya kasangkot, siya ang punong arkitekto. Ang Pangulo mismo ang nag-aaprub sa paglalabas ng unprogrammed funds at nag-uutos ng bilyon-bilyong insertions,” sabi ng Makabayan Bloc sa kanilang pahayag kaugnay ng testimonya ni Co.

Agad namang pinabulaanan ng Malacañang at ng mga tagasuporta ng Palasyo ang testimonya ni Co na nagdidiin sa pangulo. 

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, hindi raw alam ng pangulo na ginagamit ang pangalan niya para sa korupsiyon.

Kinondena ng Bayan ang hindi kapani-paniwalang depensa ng kampo ng mga Marcos na tinawag nitong nakakainsulto at kalokohang mga pagdadahilan.

“Dalawa lang ang maaaring ibig sabihin nito, inutil si Marcos [Jr.] o isa siyang malaking sinungaling at mandarambong na ginagamit ang kapangyarihan para magnakaw. Alinman doon, dapat siyang managot,” sabi ng Bayan sa kanilang pahayag.

Ipinapakita ng mga pangyayaring ito ang lalim ng krisis sa korupsiyon na kinakaharap ng bansa. Hindi lang ito simpleng isyu ng maling pamamahala o ilang tiwaling opisyal, ibinubunyag nito ang sistemang matagal nang binabatikos dahil sa kawalan ng transparency at pang-aabuso ng kapangyarihan.

“Ginagawang gatasan ng mga burukrata kapitalista ang pag-upo sa gobyerno. Kaya mahalaga na baguhin ang sistema sa hinaharap. Kaya ang panawagan namin, ibagsak ang gobyerno ni Bongbong Marcos at Sara Duterte,” ani KMU chairperson Jerome Adonis.

Nananawagan naman ang Bayan na magbitiw sa puwesto si Marcos Jr., Pangalawang Pangulong Sara Duterte at lahat ng sangkot dahil sa kanilang pagkakaugnay sa malawakang korupsiyon.

Hindi man nabanggit ni Co si Duterte sa kanyang testimonya, bahagi pa rin siya ng mukha ng kasalukuyang administrasyon. Nasangkot na rin siya sa maanomalyang paggamit ng confidential funds at siya ang kauna-unahang bise presidente na na-impeach ng Kongreso.

Walkout laban sa korupsiyon ng mga kabataang estudyante sa Mendiola, Maynila noong Nob. 17, 2025. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Binibigyang-diin ng Bayan na hindi dapat si Duterte ang ituring na solusyon sa kung sino ang papalit kung sakaling mapatalsik si Marcos Jr. Pareho silang dapat managot sa kasalanan nila sa taumbayan.

Kasunod ng pagbaba nila sa puwesto, iminungkahi ng Bayan ang pagbuo ng isang National Transition Council upang pamahalaan pansamantala ang bansa at maglatag ng daan para sa tunay na reporma sa gobyerno.

Hindi na bagong kuwento ang pag-aalsa laban sa bulok na pamumuno. Mula sa EDSA at iba pang malalaking pagkilos na nag-ambag sa pagbagsak ng mga abusado’t tiwaling rehimen, may mga nakaraang panawagan na para sa pagbabago ng pamahalaan.

Ipinapakita ng kasaysayan na kapag nagkaisa ang mamamayan, nagkakaroon ng puwersang kayang makapagpabago ng takbo ng politika sa bansa.

“Kailangan nating i-harness ang People Power para magkaroon ng makabuluhang pagbabago na hindi natin makakamtan sa loob ng corrupt na sistema ng Kapitalismo,” sabi ni Bayan chairperson Teddy Casiño sa press conference noong Nob. 17.

Ang kahahantungan ng krisis na ito’y nakasalalay aniya hindi lang sa mga nasa kapangyarihan, kundi higit sa lakas at pagkakaisa ng mamamayan. 

Nanawagan naman ang Bayan sa lahat ng mga Pilipino na makiisa sa gagawing malawakang protesta laban sa korupsiyon sa Luneta, Maynila sa Nob. 30.

“Ang sisikapin naming maabot ay ang pagtatayo ng isang bagong gobyerno, isang gobyerno ng taumbayan,” ani Casiño. 

Bumabalik tayo sa unang tanong: Parang magic, paano nangyayari? Kung ang katiwalian ay nakaugat na sa sistemang umiiral sa pamahalaan, hindi sapat ang simpleng imbestigasyon.

Kailangang may kongkretong hakbang upang masiguro na hindi na mauulit ang pang-aabuso sa kaban ng bayan. Higit sa lahat, kailangan ang sama-samang pagkilos ng mamamayan.

Kung patuloy na naglalaho ang bilyon-bilyong pondo na parang magic, panahon na para ang taumbayan mismo ang magpasya kung sino ang tunay na dapat may hawak ng kapangyarihan at ng pera ng bayan.