Lingguhang protesta vs korupsiyon, tuloy-tuloy
Mula sa mga dambuhalang kilos-protesta noong Set. 21, naghahanda na rin ang mga grupo para sa protesta sa Nob. 30, Araw ni Andres Bonifacio. Bahagi ng paghahanda ang mga serye ng lingguhang kilos-protesta.
Patuloy ang lingguhang pangangalampag ng iba’t ibang progresibong grupo sa mga “Black Friday Protest” sa iba’t ibang panig ng Kamaynilaan at buong bansa para singilin at panagutin ang lahat ng sangkot sa malawakang korupsiyon at katiwalian sa pamahalaan.
Mula sa mga dambuhalang kilos-protesta noong Set. 21, naghahanda na rin ang mga grupo para sa protesta sa Nob. 30, ayon sa Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Bahagi ng paghahanda ang mga serye ng lingguhang kilos-protesta.
Noong Nob. 7, nagsagawa ng protesta sa Mendiola na pinangunahan ng United People Against Corruption na tinawag na “Lakbayan ng mamamayan Kontra Korupsiyon” dahil sa mga ghost project na nagdudulot ng pagbaha sa maraming lugar sa Kamaynilaan.
Kasabay nito, may nagprotesta sa harap ng Office of the Ombudsman ang KBKK bilang paggunita sa mga biktima ng Bagyong Tino at papalapit na anibersaryo ng Super Bagyong Yolanda. Kinondena ng grupo ang “kriminal na kapabayaan” at korupsiyon sa mga flood control project. Ayon sa KBKK, hangga’t walang nakukulong, magpapatuloy ang laban ng mamamayan para sa hustisya sa lansangan at iba pang sektor.
Naglunsad muli ng protesta noong Nob. 14 ang mga obrero’t kabataan sa Mendiola bilang parte ng National Day of Action Against Corruption. Kasabay nito ang iba pang protesta tulad ng sa Makati City na siyang dinaluhan ng mga grupo tulad ng Simbahan at Komunidad Laban sa Katiwalian, Makati Employees Against Corruption at Makati Villages Council.
Samantala, ang mga guro at estudyante ng University of the Philippines (UP) Diliman ay nagsagawa din ng demonstrasyon sa Institute of Electrical and Electronics Engineering kung saan binuhusan nila ng kemikal ang mukha ng mga tiwaling politiko. Hangad nila ang karagdagang pondo sa laboratoryo at iskolarsyip.
Nagpatuloy din ang protesta ng mga estudyante bilang paggunita ng International Students’ Day noong Nob. 17. Nagmartsa ang kabataan mula sa iba’t ibang unibersidad mula España Boulevard hanggang sa tapat ng University of the East sa Recto Avenue kung saan hinarang sila ng concrete barricade at mga hanay ng pulisya.
Lumahok din sa protesta sa Katipunan Avenue sa Quezon City ang mga estudyante mula sa UP Diliman, Ateneo de Manila University at Miriam College noong Nob. 17.
Nag-walkout naman ang mga mag-aaral ng mga pamantasan at kolehiyo sa Baguio City noong Nob. 18 para igiit ang paglalaan ng makabuluhang pondo sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan at nanawagan ng pagpapanagot sa katiwalian.
Nitong Nob. 21, bumuhos muli sa mga lansangan ang kabataan at mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa tulad sa Kamaynilaan, Pampanga, Rizal, Laguna, Iloilo at Davao. Nagkaroon din ng mga noise barrage at pagdarasal ng rosaryo ang mga grupong mula sa Simbahang Katolika para manawagan ng katotohanan at katarungan.
Lahat ng protesta at pagkilos na ito’y paghahanda sa dambuhalang rali sa Nob. 30, Araw ni Andres Bonifacio. Inaasahan na mas marami ang lalahok sa darating na protesta.
Ayon kay David Michael San Juan ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance, magsisimula ang programang “Baha sa Luneta 2.0” sa ganap na 9:00 a.m. hanggang 12:00 p.m. sa Luneta at magmamartsa patungong Mendiola.
Dagdag pa ni Bagong Alyansang Makabayan chairperson Teddy Casiño, kasabay nito ang iba’t ibang protesta na gaganapin sa buong bansa subalit wala pang karagdagang detalye tungkol sa demonstrasyon na gaganapin sa ibang mga lokasyon.
Sa parehong araw, Nob. 30, magsasagawa rin ng protesta ang mga nag-organisa ng Trillion Peso March sa People Power Monument sa Quezon City.