Lutong Macoy: Korupsiyon mula sa tuktok


Tila umaalingawngaw pa rin sa mga pasilyo ng Kongreso at sa pandinig ng taumbayan ang bulyaw ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. noong Hulyo sa kanyang State of the Nation Address: “Mahiya naman kayo!”

Tila umaalingawngaw pa rin sa mga pasilyo ng Kongreso at sa pandinig ng taumbayan ang bulyaw ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. noong Hulyo sa kanyang State of the Nation Address: “Mahiya naman kayo!”

Tinutukoy niya noon ang mga tiwaling opisyal at kontratista sa likod ng mga palpak na flood control project. Ang dating ng eksena, isa siyang galit na ama ng bayan na nanenermon sa mga abusado. Ngunit makalipas lang ang ilang buwan, bumalik sa kanya ang mismong bulyaw na ito. 

Sa mga video sa social media na yumanig sa politika ng bansa, binasag ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang kaniyang katahimikan. Ang rebelasyon: ang mismong Pangulo ang nag-utos ng P100 bilyon insertion sa badyet at umano’y tumanggap ng P25 bilyon kickback. 

Kung totoo ang mga paratang—at marami ang nagsasabing kapani-paniwala ito—lumalabas na ang nanggagalaiti noon sa kanyang speech ay siya rin palang arkitekto ng isa sa pinakamasahol na fiscal malpractice o paglapastangan sa kaban ng bayan sa kasaysayan.

Para maintindihan kung paano posibleng manakaw ang bilyon-bilyong piso, kailangang silipin ng taumbayan ang “kusina” kung saan niluluto ang pambansang badyet. Ito’y isang prosesong sadyang pinahihirap intindihin ng mga teknokrata sa tabing ng mga jargon, pero sa esensiya ay usaping ng kung sino ang may hawak ng pitaka.

Sa ilalim ng batas, may kanya-kanyang papel ang ehekutibo (Malakanyang) at lehislatibo (Kongreso). Ang papel ni Marcos Jr. at ng kanyang kanang-kamay sa pondo, si dating Budget Secretary Amenah Pangandaman, ay ang pagbubuo ng National Expenditure Program (NEP) o ang “President’s Budget.” Sa madaling salita, ito ang “menu” o listahan ng mga gastusin para sa susunod na taon—mula sa suweldo ng mga titser, pambili ng mga gamot, hanggang sa pagpapagawa ng mga tulay at kalsada.

Dito pa lang, may laro na. Pero dahil nasa Kongreso ang “power of the purse,” hindi puwedeng basta-basta gastusin ng pangulo ang kahit singkong duling kung walang pahintulot ng mga mambabatas. Sila ang dapat nagsisilbing check and balance. Trabaho nilang busisiin kung tama ba ang presyo ng menu ng pangulo, kung kailangan ba talaga ang mga proyekto at kung saan kukunin ang pondo.

Ang problema, ayon sa exposé ni Co, hindi nasusunod ang linyang ito. Sa halip na checks and balances, ang nangyayari ay sabwatan at lamangan.

Kung may lugar kung saan nagaganap ang pinakamalaking “himala” sa pera ng bayan, ito ay sa Bicameral Conference Committee o Bicam. 

Pagkatapos maipasa ng Kamara ang kanilang bersiyon ng badyet o ang General Appropriations Bill at maipasa rin ng Senado ang sa kanila, magpupulong ang piling mga kinatawan ng dalawang kapulungan sa Bicam.

Sa teorya, nagtutugma lang sila ng numero. Pero sa praktika, at ayon sa ibinunyag ni Co, dito nangyayari ang “balyahan” at singitan. Matagal na itong nirereklamo ng mga watchdog at mga progresibong grupo. Anila, ang Bicam ay nagiging “Third Chamber” ng Kongreso. Dito, sarado ang pinto. Walang minutes ng pulong at walang media coverage.

Ayon kay Co, nakialam si Marcos Jr. sa Bicam para isingit ang P100 bilyon. Kung totoo ito, malinaw na ilegal ang ginawa ng pangulo. Tapos na dapat ang kanyang trabaho sa pagsusumite ng NEP. Ang pakikialam sa huling yugto ng lehislatibo, lalo na kung may kasamang bilyong pisong kickback, ay isang matinding paglabag sa Saligang Batas at konsepto ng separation of powers.

Kahit pa sabihin kasabwat niya ang kanyang pinsan na noo’y House Speaker Martin Romualdez at si Co bilang tagapangulo ng House Committee on Appropriations, hindi nito maiaalis ang bigat ng kasalanan ng Malakanyang. Sa katunayan, lalo lang nitong pinatototohanan na ang gobyerno ay pinatatakbo na parang sindikato o family business, kung saan ang interes ng pamilya ang nasusunod, hindi ang interes ng bayan. 

Hindi lang sa singitan sa Bicam nagkakatalo. May mas malaki at mas sistematikong butas na ginagamit ang administrasyon: ang garapalang pag-abuso sa mga Unprogrammed Appropriations (UA).

Ang UA ay dapat “standby fund” lang. Ito’y reserbang awtorisasyon na gumastos lang kung may sobrang kita ang gobyerno o may bagong uutangin. Hindi ito sigurado. Taliwas ito sa Regular Appropriations na sigurado at may nakalaang pondo.

Pero sa ilalim ni Marcos Jr., ang UA ay tila nagiging “magic wallet” para sa korupsiyon. 

Sa pagsusuri ng badyet, sadyang kahindik-hindik ang paglobo nito. Mula sa average na P143 bilyon noong 2013-2022, lumobo ang UA sa nakakahilong P690 bilyon sa ilalim ng mga badyet ng administrasyon ni Marcos Jr. (2023-2025). 

Limang ulit na paglaki. Bakit?

Ganito ang modus operand: ililipat ng mga mambabatas at budget manager ang daan-daang bilyong pondo mula sa regular budget papunta sa UA. Sa paggawa nito, nagkakaroon sila ng espasyo sa regular budget para masingitan ng mga proyekto. Ito ang mga “insertion” na tinatawag.

Samantala, ang mga proyektong inilagay sa UA tulad ng pondo para sa mga health worker o education facility ay nagiging “hostage.” Mapopondohan lang ito kung gugustuhin ng pangulo o kung mangungutang muli. Pero ang mga insertion sa regular na badyet? Siguradong may pondo, siguradong may kickback.

Ito ang resibo ng kapangahasan. Ang P690 bilyon na UA ay hindi lang numero. Ito’y bilyon-bilyong piso na sana ay direktang napapapakinabangan ng mamamayan, pero ginawang standby fund para paglaruan ng mga nasa kapangyarihan.

Sa huli, ang mga rebelasyon ni Co ay nagtuturo sa iisang konklusyon na dapat pag-isipan ng bawat Pilipino: Hindi lang mga mambabatas ang may sala sa pork barrel system. Ang korupsiyon ay nagsisimula at nagtatapos sa mesa ng pangulo.

May tinatawag tayong “presidential pork.” Hindi man ito direktang nakapangalan sa kaniya, nasa kaniya ang kontrol. Si Marcos Jr. ang naglalagay ng mga proyektong ito sa NEP habang binabalangkas pa lang ang badyet.

Ayon sa ulat, karamihan sa mga ito ay produkto ng negosasyon sa pagitan ng Palasyo at mga kongresista bago pa man mahawakan ng Kongreso ang papel.

Siya ang nakikipagnegosasyon. Siya ang nagbibigay ng basbas. At higit sa lahat, siya ang lumalagda sa General Appropriations Act para maging ganap na batas.

May kapangyarihan ang pangulo na mag-veto o tanggihan ang mga kuwestiyonableng aytem sa badyet.

Kung totoo ang kanyang sinasabing galit siya sa korupsiyon, bakit niya nilagdaan ang badyet na tadtad ng singit? Bakit niya pinalusot ang bilyon-bilyong pisong flood control projects na ngayon ay inirereklamo niyang palpak?

Ang sagot ay simple: Dahil siya ay nakikinabang. Ang pirma ng pangulo ang huling selyo na nagpapahintulot sa bilyon-bilyong piso na dumaloy mula sa kaban ng bayan patungo sa mga fake project, sa mga bulsa ng tiwaling contractor, sa mga politikong ganid, at sa mga opisyal na walang kabusugan.

Ang eskandalong ito’y hindi lang tungkol kay Co o kay Romualdez. Tungkol ito sa isang sistema ng gobyerno na sadyang dinisenyo para nakawan ang mamamayan.

Habang naghihirap ang sambayanan sa taas ng presyo ng bilihin, habang binabaha ang mga komunidad dahil sa mga proyektong walang silbi, at habang nagkakandarapa ang mga ospital at eskuwelahan sa kakulangan ng pondo, nagpapasasa ang mga nasa tuktok sa bilyon-bilyong pisong “singit.”

Kaya sa susunod na marinig nating bumulyaw ang pangulo ng “mahiya naman kayo,” alam na ng taumbayan kung sino talaga ang dapat tablan ng hiya. Hindi sapat na maging manonood lang tayo sa telenobela ng bangayan ng mga naghaharing uri.

Ang hamon ng panahon ay malinaw: Hindi lang panagutin ang mga “alingasngas” sa ibaba, kundi singilin ang utak ng “luto” sa pinakatuktok. Dahil sa huli, kung ang pangulo mismo ang pasimuno ng nakawan, walang ibang sasalba sa bayan kundi ang nagkakaisang pagkilos ng mamamayan. /Unang inilathala sa Ibon Foundation at isinalin ni Jeoff Larua