Magulang
“Break the cycle of trauma,” ika nga, pero mas literal. Wala nga namang mabubuong trauma kung wala kang mapagpapasahan nito.
Simula pa noong bata ako, namulat na ako sa reyalidad na hinding-hindi ako mag-aanak. Maraming sukatan ang pagiging responsableng magulang, ni isa sa mga ito ay wala akong nasaksihan sa sariling tahanan.
Sinasabi nilang isa na lang ang kinatatakutan ng henerasyon ngayon, ‘yon ay ang mabuntis o makabuntis. Sa ekonomiyang malupit sa mahihirap, ang pagdadalang tao nang walang sapat na rekurso ay mas malalang kalupitan.
Iyon din marahil ang dahilan kung bakit marami sa henerasyong ko ay pinipiling huwag na magsalinlahi. “Break the cycle of trauma,” ika nga, pero mas literal. Wala nga namang mabubuong trauma kung wala kang mapagpapasahan nito.
Batang ina ang aking nanay. Hindi nakatapos tulad ng aking tatay. Biktima ng walang maayos na edukasyon at mga maling desisyon. Walang tumayong maayos na modelo ng tahanan kaya naman hindi rin nila alam kung paano bumuo ng maayos na pamilya.
Hindi ko sila sinisisi. Paano nga naman magpapalaki ng bata ang mga bata pang katulad nila. Pero paano na lang din kung ang dapat na ma-GU-lang, ay MAH-gu-lang?
Ako ang panganay at ang tumayong ina sa maliliit ko pang kapatid. Higit sa pera, ibang klaseng pisikal, emosyonal at mental na kapasidad ang kinakailangan upang maging isang magulang. Bagay na ni isa ay hindi nila napaghandaan.
Sa murang edad, napakaambisyosa ko raw. Mataas mangarap at bibo. Kaya naman dalawang taong gulang pa lang ay nag-nursery na. Gustong-gusto ko raw mag-aral. Tawag pa sakin noon ay “batang dalaga.” Mula sa pananamit at paggalaw, napakaresponsable ko raw para sa aking edad.
Sa buhay matututuhan mo na hindi lahat ng tao ay dapat pagkatiwalaan. Sadyang suwerte lang kami at ang mga taong iyon ay hindi nalalayo sa aming tahanan
Malimit akong sumali sa mga paligsahan at laging kabilang sa honor roll. Ngunit tulad ng sabi ng aking lola, “Walang anumang medalya, karangalan o tagumpay mo ang makakapagpasaya ng taong hindi ka gusto.” Dahil sa dinami-dami naming medalyang inuwi magkakapatid, walang ni isang nagpasaya sa kanila. Tila ba nauungusan sila ng mga tagumpay na ito at hindi nila ito kinatutuwa. Magulang.
Labimpitong taong gulang ako nang tumama ang pandemya. Kasabay nito, hindi lang virus ang pinagtataguan namin kundi mga pinagkautangan ng aking magaling na ama. Utang na pinangalan sakin. Tumakas ang tatay ko at ako ang naiwang tinatawagan at tinatakot ng mga inutangan. Magulang.
Dahil dito ay saglit kaming kinupkop ng aking ina kasama ang bago niyang pamilya. Doon, tila kami naging kasambahay na nag-alaga ng kanilang anak at tagapaglinis ng bahay. Katuwiran niya na kung ayaw namin sumunod, ibabalik kami sa poder ng aming ama. Magulang.
Sa dinami-dami nilang ginawang panggugulang, nagtataka pa rin sila hanggang ngayon kung bakit hindi ko na sila kinakausap. Tanging mga kapatid ko na lang ang kanilang naaabot. Ngayon, ako’y nasa hustong gulang na at may pinaggulangan, napipili ko na ang mga taong gusto kong makasalamuha.
Sa buhay matututuhan mo na hindi lahat ng tao ay dapat pagkatiwalaan. Sadyang suwerte lang kami at ang mga taong iyon ay hindi nalalayo sa aming tahanan. At ang mga leksiyon na iyon ay itinatak nang agaran.
Kaya naman sa aking pagtanda, ayaw ko nang maging magulang. Tama na ang pagpapalaki ko sa aking mga kapatid. Sisiguruhin kong hindi ko kakailanganin ng anak para maging “retirement plan.”
Ito ang dahilan kung bakit ayaw kong maging magulang at kailanman hinding-hindi na rin magpapagulang.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.