Editoryal

Marcos Jr., utak ng korupsiyon, alis diyan! 


Sinuman ang titindig taliwas sa ganap na pagpapanagot kay Marcos Jr., kay Duterte, at sa lahat ng mga sangkot na kurakot, ay tanging mga protektor at alipin ng mismong bulok na sistema.

Sa nagpapatuloy na pekeng krusada ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kontra-korupsiyon, nabubunyag na rin ang pagiging utak niya sa likod ng bilyon-bilyong pisong binulsa para sa sariling ganansiya.

Hinahabol at patuloy na niyayanig ang paghahari ni Marcos Jr. ng kaliwa’t kanang protesta nang paniningil ng taumbayan para sa pananagutan sa likod ng lantaran at garapal na pagnanakaw. 

Sa pagsisiwalat ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating alipores at punong opereytor nina dating House Speaker Martin Romualdez at Marcos Jr. sa loob ng Kamara, si Marcos Jr. mismo ang nag-utos at nag-apruba ng P100 bilyong insertion sa pambansang badyet ng 2025.

Taliwas sa pagmamaang-maangan ni Marcos Jr., isiniwalat din nito ang deretsong kickback na napupunta sa Palasyo na katumbas ng 25% ng buong nakurakot.

Inilabas ni Co ang larawan ng male-maletang perang hinahatid niya umano sa mismong mga bahay at opisina nina Romualdez at Marcos Jr. Hindi man kapani-paniwalang walang ni isang singkong naibulsa si Co, hindi rin nakakagulat at hindi imposible ang kanyang mga rebelasyon. 

Habang todo ang pagtanggi ng Palasyo sa pagdawit ni Co sa pangulo, hindi na nito maitanggi ang katotohanang may bilyon-bilyong naibubulsa. Isa-isang “nagbitiw” sa puwesto ang mga susing opisyal ng kanyang gabinete dahil umano sa hiya.

Pinangunahan ito ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin at dating Budget Secretary Amenah Pangandaman. Ngunit ilang araw lang ang lumipas, inamin ni Bersamin na hindi siya nagbitiw sa puwesto, niligwak siya.

Desperadong nililinis ni Marcos Jr. ang kanyang sariling bakod, nagkukumahog na itago ang limpak-limpak na salaping nabulsa at nagtatalaga ng mga bagong tauhang tutulong na ilihis sa kanya ang sisi at pananagutan.

Kahit ang Senado, sa pangunguna ni Blue Ribbon Committee chairperson Sen. Panfilo Lacson, ay nakasakay sa naratibo ng Palasyo. Aniya, inabuso ng ilang opisyal ang kabaitan ng pangulo at ginamit ang pangalan nito para sa kanilang sariling interes. Pero hindi mangmang ang taumbayan. Walang naniniwalang hindi alam ni Marcos Jr. mismo ang paggalaw ng bilyon-bilyong pera sa loob mismo ng sarili niyang opisina. 

Ginatungan ng mga rebelasyong ito ang lalong galit ng taumbayan sa ginagawang pagtatakip ni Marcos Jr. sa totoong mastermind ng korupsiyon. Habang sinusubukang kopohin ng paksiyong Duterte ang sitwasyon para sa makasariling interes, hindi nakakalimot ang mamamayan na kapwa magnanakaw at mamamatay-tao ang kanilang pamilya.

Nakasubaybay din ang among United States (US) sa mga nagaganap. Pinipigilan nito ang anumang eskalasyon ng sitwasyon na maaaring magpahina ng lubusan sa kanilang papet na si Marcos Jr. at sa kanilang paghahari sa bansa.

Ginagamit ng US ang kanilang heopolitikal na interes para patuloy na panghimasukan ang mga usaping pambansa. Ginagamit ang malakas na impluwensiya sa militar para tiyakin ang suporta sa rehimeng Marcos Jr., habang naghahandaa at patuloy na inaalagaan ang susunod na papet na maaaring ipalit.  

Ubos na ang tiwala at pasensiya ng taumbayan kay Marcos Jr., at sa bulok na sistemang pinamamahalaan niya. Ang panawagan ng mamamayan, umalis na siya sa puwesto, kasama si Sara Duterte, at ang lahat pa ng mga tiwali at kurakot. 

Sinuman ang titindig taliwas sa ganap na pagpapanagot kay Marcos Jr., kay Duterte, at sa lahat ng mga sangkot na kurakot, ay tanging mga protektor at alipin ng mismong bulok na sistema. 

Hindi kailangang mamili lang ng mamamayan sa pagitan ng dalawang bulok na dinastiya o iilang pulpol na politiko, ito ay pagkakataon para ipakita ng taumbayan ang kapangyarihan nitong lumikha ng kasaysayan at makabuluhang pagbabago.

Ang lakas ng mamamayan ay nakasalalay sa kanilang desididong paglahok at pagkilos para sa pagpapanagot.