Opisina ng Gabriela Caloocan, tiniktikan
Pinilit pasukin ng mga pulis ang opisina ng Gabriela Caloocan noong Okt. 28 para umano maghapag ng warrant of arrest ngunit walang maipakitang dokumento ang mga operatibang hinarang ng mga miyembro ng organisasyon.
Ilegal na pinasok ng pulisya ang pribadong gusali kung saan naroon ang opisina ng Gabriela Caloocan noong Okt. 28, alas-onse ng umaga. Ayon sa pulisya, mayroon silang warrant of arrest ngunit walang maipakitang dokumento.
Lalo pang namuo ang tensiyon kinagabihan bandang alas-siyete hanggang alas-nuwebe, dalawang pulis ang namataang naniniktik sa opisina. Hinarap sila ng isang miyembro ng organisasyon. Bilang tugon, nagpakita ng ID ang isa sa kanila.
Bandang alas-diyes ng gabi, bumalik ang pulisya na armado na ng baril. Pilit nilang papasukin ang opisina ngunit hinarang sila ng mga miyembro ng komunidad na naging dahilan ng kanilang agarang pag-alis.
Kinumpirma naman ng barangay na walang ibinigay na abiso o inayos na koordinasyon ang pulisya sa naturang warrant of arrest. Wala ring nabanggit na pormal na kaso laban sa organisasyon. Malinaw na ilegal ang ginawang operasyon na umabot ng higit labing isang oras.
Ayon sa Gabriela-National Capital Region, tinatakot ng estado ang mga mamamayang lumalaban sa korupsiyon.
“Mainit ngayon ang isyu ng [korupsiyon], dumarami ang mamamayang lumalaban at nagagalit sa sistema ng burakrata kapitalismo. Wala pa ring napapanagot, walang nahuhuli,” sabi ng grupo.
Kilala ang Gabriela na aktibo sa pag-oorganisa ng kababaihan. Isa sila sa progresibong mga organisasyon na bahagi ng mga protesta noong Set 21 at patuloy na nagkakampanya laban sa korupisyon.