Kuwentong Kabataan

Pag-akyat sa gusali ng mga pangarap


Libre nga ang mangarap, ngunit mahal naman ang mga kasangkapan upang tuluyang maabot ito.

Isang semestre na lang at tapos na ako sa ang aking buhay kolehiyo. Sa kabutihang palad, kinaya at inilaban ko naman ito nang walang bitbit na laptop o iPad, isang cellphone lang na inabot ng ilang taon bago mabayaran at personal computer na mayroong katiting na 138-gigabyte storage.

Bilang isang mag-aaral ng komunikasyon sa isang kilalang pamantasan ng bansa, inaasahan ko na may mga gastos akong kailangan para sa aking kurso. Kung hindi kaya bilhin, nakaiisip naman ako ng mga paraan upang ipagpatuloy pa rin ang pag-aaral, tulad ng paghiram ng mga kagamitan sa mga bukas ang loob na tumulong.

Kinakailangan ko lang doblehin o triplehin ang pagsusumikap para matapos ang takda—kompara sa aking mga ilang kaklase na hindi problema kung saan kukuha ng pera.

Hindi ko naman kinahihiya kung hindi ko kayang makipagsabayan sa mga batchmate ko na may magagarang kamera at laptop, sadyang kailangan ko lang indahin ang mas mahirap na hagdan paakyat upang marating ang pinakatuktok na palapag ng gusali kung nasaan ang aking mga pangarap.

Sa pagpasok pa lamang sa eskuwela, kailangan kong maglaan ng isa o mahigit dalawang oras para lang masiguro na aabot ako sa pagsigaw ng “present” sa klase, habang ang ilan sa mga nakadormitoryo kong kamag-aral ay kayang pumasok na walang bahid ng pagod sa kanilang mukha, dahil hindi nila kinakailangan makipagsiksikan sa LRT, ’yong iba nga late pa.

Sa kabila ng mga paghihirap, napanatili ko naman maging iskolar, mamuno ng pahayagang pangmag-aaral at hindi malaglag sa dean’s list. Iba rin talaga ang dulot ng matinding dedikasyon, na kahit tayo ay mukhang dehado sa buhay, patuloy pa rin natin itong inilalaban.

Ngunit may mga pagkakataon na napapaisip ako, kung kagaya ko ang aking mga kaklase na hindi pinoproblema ang pera at kagamitan, hindi kaya mas malayo at mas marami na akong narating sa buhay?

Habang patuloy kong tinatahak ang hagdan tungo sa aking mga pangarap, bawat hakbang ay may dalang bigat at kawalang-katiyakan kung may sapat ba akong kakayahan upang marating ang rurok na palapag kung nasaan ang tagumpay. Samantala, may iilang naka-elevator na ngunit hindi pa rin ito ginagamit nang wasto.

Kung iisipin, kundi dahil sa mga karanasang ito, hindi ako patuloy na magsusumikap. Pero hindi ito nangangahulugang hindi dapat abot-kamay ang makapag-aral nang matiwasay.

Hindi patas ang sistema ng edukasyon na mayroon sa bansa. Hangga’t patuloy na mayroong mga mag-aaral na kailangan maghangad ng dekalidad na edukasyon, hindi maaaring umunlad at magbago ang estado ng Pilipinas. Sinasalamin ng problemang ito ang kalagayan ng bansa: patuloy na humihirap ang mahihirap at patuloy na yumaman ang mga mayaman.

Nakakalungkot isipin na ganito ang sitwasyong nangyayari. Libre nga ang mangarap, ngunit mahal naman ang mga kasangkapan upang tuluyang maabot ito.

Kaya kahit na nahihirapan ay pinipili kong tiisin ito dahil alam kong hindi ako nag-iisa na umaakyat sa gusali ng mga pangarap. May iba pa nga na mas mabigat ang dinadala kumpara sa akin, ngunit patuloy pa rin silang sumusulong, isang hakbang sa bawat pagkakataon.

Nawa’y maabot namin ang destinasyong hinahangad. At kapag dumating ang panahon na kami ay nasa taas na, kayanin namin magpatayo ng mas marami pang elevator para sa mga tulad kong napagod ang mga paa.