Kuwentong Kabataan

Sa mga kapatid sa Iglesia ni Cristo


Lumaki ako sa isang konserbatibong angkan ng mga Iglesia sa pamilya ng nanay ko, kaya alam ko ang impluwensiya ng Pamamahala sa politika’t kultura ng mga kasapi nila, itanggi man nila.

Malaking ingay ang idinulot ng dalawang araw na pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa Maynila para sa kanilang “Rally for Transparency and a Better Democracy.” Ayon sa Manila Police District, lumampas sa 600,000 ang dumalo. Hindi basta-bastang bilang.

Bilang isang organisador sa komunidad, alam ko kung gaano karaming hadlang ang kailangang lampasan para makapagpatawag ng malakihang pagtitipon. Daang libo? Pero gaano man kalaki ang mobilisasyon, hindi ito dapat iwas sa pagsusuri. Lalo pa nga kung kuwestiyonable ang kasaysaya’t totoong layunin ng mga nasa likod nito.

Sino nga ba ang tututol sa “transparency” at “better democracy”? Tayo ngang ordinaryong Pilipino, inaraw-araw nang hikahos sa buhay dahil sa korupsiyon at impunidad. Alam natin ‘yan, kaya sabik tayo sa katarungan.

Pero ang malamang maging ang Pamamahala ng Iglesia, hangad na rin ito ngayon? Kuwestiyonable. Gaano ito kasinsero? Sino ba talaga ang nakikinabang sa pagpapakita ng “lakas” nila’t “pagkakaisa”?

Lumaki ako sa isang konserbatibong angkan ng mga Iglesia sa pamilya ng nanay ko, kaya alam ko ang impluwensiya ng Pamamahala sa politika’t kultura ng mga kasapi nila, itanggi man nila.

Pagsapit ko sa voting age, mangmang ako sa mga isyung pambayan dahil maaga kaming tinuruan na “marumi ang politika” at ang kawalang-kasapatan sa pagtatanong tungkol dito ay pagkuwestiyon sa Diyos.

Kaya nga kahit apat na taon akong nasa unibersidad na kilalang luwalan at tahanan ng mga aktibista, nanatili akong apolitikal. Iyon kasi ang aral. Naaalala ko pang nilampaso ako sa klase namin sa debate dahil talagang kulang ang kaalaman ko sa politika.

Noong 2016, unang beses akong boboto. Maingay ang pambansang politika dahil kina Duterte, Roxas, Poe, Binay, Robredo, Marcos Jr. at iba pa. Malalaking pangalan. Maaga akong pinaalalahanan: “Iisa lang ang ibinoboto ng mga Iglesia. Mag-abang ka lang ng ibababa ng Pamamahala. ‘Wag kang magkakasala.”

Itinanong ko kung paano pumipili. Ang sagot? “Kung sino sa mga kandidato ang mangangakong pag-upo nila, hindi nila gagalawin ang pagsamba ng mga Iglesia, ang pagpapatayo natin ng mga kapilya, s’ya ang iboboto natin.”

Ang tanong ko noon, “Kahit magnanakaw ba? Kahit marahas? Kahit sangkot sa inhustisya?”

Kaya siguro napakabigat sa akin nang natanggap ko ang paabot ng nanay ko. May listahan na ang Pamamahala ng dapat naming iboto: Duterte at Marcos Jr.

Isang palamura at bastos? At isang anak ng diktador, laki sa layaw at nakaw, at batbat ng kasinungalingan. Parang may mali talaga. Kaya noong araw na iyon, pinili ko ang lumabag sa magulang. Ang magkasala, sa paningin nila. Hindi ko kasi maatim babahagi pa ako sa anim na taong dagdag-pasakit sa mga Pilipinong niyurakan na ng papatapos na administrasyon.

Pagdating ng 2019 at 2022, lalo kong naunawaan ang sinabi ng nanay ko. Ang iniutos kasi ng Templo, hinakot ng mga tauhan ni Duterte. Kalaunan, kina Bongbong at Sara. Kahit may kaso, kahit may bahid ng korupsiyon at karahasan, basta’t hindi gagalawin ang Iglesia, ayos lang daw.

Kaya hindi ko masisisi ang maraming Pilipino na walang tiwala sa rally ng Iglesia ngayon. Hindi sa mga ordinaryong miyembro ang duda ko, kundi sa Pamamahala. Sa mga nasa Templo. Sa mga nagpakabanal habang sumusuporta sa kapangyarihang nagpahamak sa bayan. Napakaipokrito lang na ngayong dawit na rin sila sa imbestigasyon, saka nila ipasisigaw sa mga mananampalataya nila ang “hustisya” at “kapayapaan”?

Walang kapayapaan kung walang katarungan. At matagal nang nakasakay ang Iglesia sa kawalang katarungan na dinaranas ng pinakahikahos na Pilipino. Doon sila lumago. Doon sila nakahanap ng kapangyarihang pampolitika, kahit ilang beses pa nila itong itanggi o pasinungalingan.

Kung may tunay akong kabibiliban, nasa mga ordinaryong kasapi iyon ng Iglesia. Sila ang may sinserong pagnanais na maiba ang takbo ng bayan. Nasa kanila ang paniniwala sa mas maayos na kinabukasan. Nasa kanila ang tunay na lakas, na hindi nila malulubos hangga’t nakalukob sa kanila ang “dagat-dagatang apoy,” “pagkakasala,” at “pagtitiwalag” ng Pamamahala.

Kaya sa mga Kapatid na nagbabasa nito: hindi sapat ang manawagan lang. Ang susunod ay ang pag-oorganisa. Sumali sa progresibong grupo. Humanap ng kilusang malinaw ang paninindigan: anti-Marcos, anti-Duterte, anti-korupsiyon. Oo, pagbabawalan kayo. Alam ko, dahil pinagdaanan ko.

Pero kung “transparency” at “better democracy” talaga ang pakay, hamunin ang inyong mga Katiwala na hayaan kayong mag-organisa para sa tunay na katarungan, hangga’t walang naisasakdal! Sabi nga ng taumbayan, “Lahat ng sangkot, dapat managot!” 

Sa Nob. 30 ang susunod na malaking pagkilos. Ipanalangin ninyo ang kaligtasan natin at na kaluguran ng Diyos ang anumang ginagawa para sa ikabubuti ng bayan. Ipagpanata ninyo na sana, kabahan naman na ang mga dapat managot.

At habang hinihintay ang araw na iyon, sumama na rin sa pagtungo sa mga komunidad ng mahihirap. Dahil doon, ipinagpapanalangangin pa lang ng Templo ang panawagan ng taumbayan, isinasabuhay na ng mga tunay na Mesias ang pagkilos na magpapalaya sa kanila, at sa ating lahat na rin. Amen.

Kita-kits tayo sa kalsada, mga Kapatid!