The kids are alright
Kailangan pang lawakan ang pang-unawa at magbukas ng mas marami pang mapagkalingang espasyo para sa kabataan.
Siguro, isa sa mga nakamamanghang bahagi ng pagiging guro ay ang pagkakaroon ng mga estudyanteng palaban. Namamangha at kung minsan ay nahihiya ako sa kanila.
Noon kasi ay katulad din nila ako. Ngunit magkaiba ang henerasyon na ito sa henerasyon ng mga kabataang aktibista na hinubog ng karahasan sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Wala pang social media, walang AI at ang impormasyon ay nakukuha sa mga pasa-bilis, silid-aklatan at panaka-panaka, sa internet.
Samantalang ngayon, lahat ng plataporma ay bukas para sa impormasyon at pagsusulong ng gawaing propaganda at maging ng gawaing kampanya. Pati ang pag-oorganisa. Nakamamangha ang kanilang pagkamalikhain at sigasig lalo na sa pagharap sa daluyong ng panahon.
Nahihiya ako sa mga estudyante ko. Inaamin ko naman ‘yon. At humahanga. Habang naglulunsad kami ng isang salo-salo ng mga atleta, dalawang estudyante ko ang nagpaalam. Mauuna na raw silang aalis dahil sasama pa sila sa walkout at rali.
Noong kabataan ko (hindi pa naman ako gano’n katanda, ano), ganyan din naman ako at mga kasama ko. Subalit walang propesor na papayag at sa halip ay ibabagsak pa nga sa klase. Ngayon, buong tapang na nagwo-walkout ang mga estudyante para labanan ang korapsyon at katiwalian sa gobyerno. Hindi daan-daan kundi libo-libo at dumadagundong!
Madalas akong nagrereklamo sa kanilang iba’t ibang ugali, kasi totoo naman: iba ang kanilang ugali. Iba ang paraan ng pagkilos. Iba rin ang tono ng pakikipag-usap. Nauubos nga minsan ang pasensiya ko sa pagiging magiit at makulit nila para ipaglaban ang kapakanan ng kapwa nila estudyante.
Siguro ang mahalagang maunawaan ng mga gurong tulad ko ay ang pagkilala sa kakayahan ng kabataan na maglimi at mamulat.
Tila baga natutulad na rin ako sa mga dating namumuno noong panahong ako naman ang aktibista. Nag-aalala ako na baka humina ang sumusulong na kilusang kabataang estudyante sa pinagtuturuan kong pamantasan. Dumadalas kasi ang mga ‘di pagkakaunawaan sa kanilang hanay, ang kanilang paggigiit sa isa’t isa para maitama ang linya at ang pagsusulong ng mga mahahalagang isyung panlipunan.
Nababagabag ako sa mga hamong kanilang hinaharap. Nag-aalala na hambalusin sila ng dahas ng estado. Minsan nga lumalampas na ako sa hanggahan at nagsisimula nang manghimasok. Subalit mayro’n nga ba akong dapat ipag-alala gayong sila mismo ay hindi naman nag-aalala?
Nakalimutan kong kaya naman nila dahil pinanday naman sila ng karanasan nilang mag-aral nang nagsasarili. Batid ko naman iyon, nalilimutan ko lang. Wasto ang kanilang ginagawa. Tugon iyon sa isang panawagan para baguhin ang sistema na nagkakait sa kanila ng maningning na kinabukasan.
Siguro ang mahalagang maunawaan ng mga gurong tulad ko ay ang pagkilala sa kakayahan ng kabataan na maglimi at mamulat. Ang kanilang serye ng protesta ay tanda ng kanilang pagmamalasakit sa bayan. Na ang kanilang pagsasalita at pagiging magiit ay pagbubukas ng maraming espasyo para sa pagkamit ng kanilang mga batayang karapatan. Nalilimutan namin na hindi naman hiwalay ang kanilang pakikibaka sa araw-araw din na pakikibaka ng mga guro at ng bayan.
Kaya marahil, kailangan pang lawakan ang pang-unawa at magbukas ng mas marami pang mapagkalingang espasyo para sa kabataan. Hindi ito madali, lalo na kung ang mga guro’y may sarili ring mga pasaning kinakaharap. Subalit mahalaga ang pagkalinga upang matiyak na handa tayong gabayan at suportahan sila sa kanilang paglusong sa daluyong.
Walang katiyakan ang tagumpay sa lalong madaling panahon, ngunit may katiyakan na magiging mabuti ang kalagayan ng bayan hangga’t naririyan ang mga kabataang patuloy na lumalaban.