Digong, kayang dumalo sa ICC pre-trial ayon sa medical experts


“Fit to participate” si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pre-trial proceedings ng International Criminal Court, kasama na ang pagdinig sa kompirmasyon ng mga kaso laban sa kanya.

“Fit to participate” si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pre-trial proceedings ng International Criminal Court (ICC), kasama na ang pagdinig sa kompirmasyon ng mga kasong krimen laban sa sangkatauhan na isinampa sa kanya.

Ayon ito sa magkakahiwalay na opinyon ng tatlong medical expert matapos ang serye ng mga interbyu at exam sa dating pangulo noong Oktubre hanggang Nobyembre.

Sa inilabas na dokumento nitong Dis. 18 ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, hindi lang niya hinimok ang ICC Pre-Trial Chamber I na ideklara na may kakayahan si Duterte na dumalo sa pre-trial proceedings, binanggit rin niya na “mukhang nagpapanggap si G. Duterte na may kapansanan sa pag-iisip para makaiwas sa paglilitis.”

Nagkaisa rin ang desisyon ng medical panel na hindi katiwa-tiwala ang dating pangulo sa paglalahad ng detalye sa kanyang kalusugan. Wala pang naisasapublikong dokumento ang nagbibigay ng detalye sa eksaktong mga score o resulta ng mga exam ni Duterte. 

Ayon naman sa abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman, kailangan ng hearing para pag-usapan ang ebidensiya at kagamitan ng mga medical expert na tumingin sa dating pangulo.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na desisyon ang ICC Pre-Trial Chamber I ng ICC sa kakayahang dumalo sa trial ni Duterte.