Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Nang tumakas ang Diyos

Ang kanilang tahanan ay pansamantala, ang kanilang kinabukasan ay hindi sigurado at ang kanilang mga desisyon ay may kaakibat na takot. Ngunit nariyan ang tiwala—isang tiwalang kumikilos.

Sa mga araw pagkatapos ng Araw ng Pasko, madalas nating isipin na tapos na ang kaba at puro saya na lang ang natitira. Tapos na ang pag-aabang, nandiyan na ang sanggol, maliwanag na ang Belen.

Ngunit ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ay dahan-dahang humihila sa atin pabalik sa reyalidad: hindi pa ligtas ang mundo at hindi pa tapos ang panganib. Ang pamilya ni Hesus ay hindi agad umuwi sa isang tahimik na tahanan. Sila ay tumakas. Sila ay naging mga dayuhan sa sariling kasaysayan.

Sa Mabuting Balita, hindi natin nakita ang Banal na Mag-anak na nakapuwesto nang maayos sa Nazaret. Ang nakita natin ay isang ama na gumising sa gitna ng gabi, isang ina na nagbuhat ng sanggol at isang pamilyang naglakbay bilang mga refugee.

Ang utos ay malinaw at ang dahilan ay marahas: may haring natatakot at may mga batang nanganganib. Ang kaligtasan ng Anak ay nakasalalay sa tapang at agarang pagsunod ni San Jose—isang ama na piniling unahin ang buhay kaysa seguridad at ang pananampalataya kaysa katiyakan.

Karaniwan, kapag pinag-uusapan natin ang Banal na Mag-anak, agad nating naiisip ang kaayusan, katahimikan at halimbawa ng perpektong tahanan. Ngunit ang Ebanghelyo ngayo’y nagsasabing ang kabanalan ng pamilya ay hindi nasusukat sa kawalan ng problema, kundi sa katapatan sa gitna ng panganib.

Ang kanilang tahanan ay pansamantala, ang kanilang kinabukasan ay hindi sigurado at ang kanilang mga desisyon ay may kaakibat na takot. Ngunit nariyan ang tiwala—isang tiwalang kumikilos.

Dito pumapasok ang bigat ng hindi ipinagdiriwang ngayong Linggo: ang Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na pinaslang. Habang may isang batang iniligtas sa pamamagitan ng pagtakas sa Egipto, may napakaraming batang hindi nakatakas. Habang may isang pamilyang nagising at kumilos, may mga pamilyang nagising sa iyak at pagluluksa.

Hindi natin maaaring paghiwalayin ang Flight to Egypt at ang Massacre of the Innocents. Magkasama silang kuwento ng isang mundong kayang pumatay upang mapanatili ang kapangyarihan at ng isang Diyos na pumipili ng landas ng kahinaan upang magligtas.

Sa ganitong liwanag mas lumalalim ang unang pagbasa mula sa aklat ni Sirac. Ang paggalang, pag-aaruga at pagprotekta sa loob ng pamilya ay hindi lang personal na birtud o moral na utos, ito’y pakikibahagi sa mismong gawain ng Diyos sa mundo.

Ang isang anak na kumakalinga sa magulang, ang isang ama na hindi dumudurog ng loob, ang isang asawang hindi nananakit—lahat ito’y tahimik ngunit makapangyarihang pagtutol sa kultura ng dahas, takot at pang-aabuso na kinakatawan ni Herodes.

Sinasalamin din ito sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas. Inaamin niyang ang pamilya ay hindi perpekto, kaya kailangan nito ng habag, pagpapatawad, pagtitimpi at higit sa lahat, pag-ibig.

Hindi ito romantikong pahayag o sentimental na pag-iisip, kundi isang praktikal na programa ng pamumuhay. Kung may “disiplina” ang Banal na Mag-anak, ito’y ang araw-araw na pagpili sa kapayapaan ni Kristo sa halip na sa galit, takot o paghahangad ng kontrol.

Ang Salmo naman, hindi nangangako ng buhay na walang bagyo. Ang ipinapangako nito ay pagpapala sa tahanang ang sentro ay ang Diyos—isang tahanang maaaring sugatan, ngunit hindi nawawalan ng direksiyon.

Kaya ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ay hindi lang pagdiriwang ng isang huwarang pamilya, isa itong paanyaya na gawing kanlungan ang ating mga tahanan sa mundong patuloy na lumilikha ng mga “Herodes.” Kanlungan para sa bata, sa mahina, sa natatakot at sa sugatan.

At kahit may mga batang umiiyak sa Ramah, pinili ng Diyos na magsimula ng pagliligtas sa loob ng isang pamilyang handang tumakas para sa pag-ibig. At hanggang ngayon, doon pa rin Siya ipinapanganak—sa mga tahanang pumipili ng habag kaysa takot, at ng pananampalataya kaysa pananahimik.