Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

May libreng handaan

Inaanyayahan tayong maging bahagi ng handaan ni Kristo. Isang handaan kung saan walang itinataboy, ang kaunting mayroon ay ibinabahagi at ang habag ang nauuna sa lahat.

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 55:1-3 | Salmo 144 | Roma 8:35, 37-39 | Mateo 14:13-21

Marami sa atin ang madaling maakit kapag may nakalagay na salitang “libre.” Kapag may libreng taste test sa grocery, mahaba ang pila. Kapag may libreng concert, libreng raffle o libreng giveaway, mabilis pa tayo sa alas-kuwatro kung mag-register. Kahit minsan hindi naman natin talaga kailangan ang iniaalok, napapahinto tayo dahil ayaw nating “sayangin” ang pagkakataon.

Hindi naman masama ang matuwa sa isang bagay na walang bayad. Pero dapat rin nating tingnan kung ang mga libreng bagay na inaalok sa atin ay tunay na nagbibigay-buhay?

May mga “regalong” tila maganda sa umpisa ngunit nauuwi sa pananamantala, kasakiman o pagkasira ng ating pagkatao. May mga bagay namang walang katumbas na halaga, ngunit dahil hindi ito nabibili, madalas natin itong hindi pinapansin.

Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, tila may dalawang handaan na inilalagay ni San Mateo sa ating harapan. Bagama’t nagsisimula ang ating binasa sa pagpanaw ni Juan Bautista, hindi ito hiwalay sa naunang kuwento.

Katatapos lang ilarawan ni Mateo ang marangyang handaan ni Herodes para sa kanyang kaarawan. Isang piging ng mga makapangyarihan, puno ng karangyaan at pagpapakitang-tao. Sa mismong handaang iyon, alang-alang sa dangal at reputasyon ng hari, ipinag-utos ang pagpugot sa ulo ni Juan Bautista. Isang handaan na nagtapos sa kamatayan.

Pagkatapos nito, ipinakikita naman ni Mateo ang isa pang handaan. Nang mabalitaan ni Hesus ang sinapit ni Juan, umalis siya upang mapag-isa. Ngunit nang makita niya ang napakaraming taong naghihintay sa kanya, hindi niya sila tinalikuran. Nahabag siya sa kanila, pinagaling ang kanilang mga maysakit at nang magutom ang mga tao, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”

Hindi ito handaan sa palasyo kundi sa ilang. Walang marangyang hapag. Limang tinapay at dalawang isda lang ang mayroon. Dahil nagsimula ito sa habag, nauwi ito sa kasaganahan. Lahat ay nakakain, nabusog, at may labindalawang bakol pang natira.

Magkaibang-magkaiba ang dalawang piging sapagkat magkaiba ang puso ng naghanda. Ang isa ay nakasentro sa sarili, kapangyarihan at pag-iingat ng sariling reputasyon. Ang isa naman ay bunga ng habag na nagbibigay-buhay. Sa kaharian ni Herodes, may namatay upang mapanatili ang kapangyarihan ng hari. Sa kaharian ni Kristo, ang Hari mismo ang nag-aalay ng kanyang sarili upang ang lahat ay magkaroon ng buhay.

Ito rin ang ipinahahayag ng Unang Pagbasa mula kay propeta Isaias. Inaanyayahan ng Diyos ang lahat sa kanyang handaan, “Halikayo, bumili kayo ngunit walang bayad.” Hindi ito paanyayang nakabatay sa kakayahang magbayad kundi sa kagandahang-loob ng Diyos. Higit pa sa pagkain ang kanyang iniaalok. Kasabay ng paanyaya ang panawagang makinig sa kanyang Salita at makibahagi sa kanyang walang hanggang tipan. Ang tunay na kasaganahan ay nagsisimula sa pakikipag-isa sa Diyos.

Sa Salmo naman, ating maririnig ang isang pagpapahayag ng buong pusong pagtitiwala sa kabutihan at kasaganahan ng Diyos: “Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.” Hindi dahil laging sagana ang ating mesa, kundi dahil ang Diyos mismo ang bukal ng lahat ng kabutihan. Ang kanyang bukas na kamay ay larawan ng kanyang pusong laging handang magkaloob.

At kung minsan ay tila kapos pa rin tayo? Kung ang buhay ay puno ng paghihirap, pagkukulang o kawalan? Dito tayo inaalalayan ni San Pablo. Ipinaaalala niyang walang gutom, kapighatian, panganib o anumang nilalang ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo. Ang pinakamalaking kasaganahan na tinatanggap natin ay ang pag-ibig ng Diyos na nananatili kahit sa gitna ng ating kakulangan. Ito ang nagbibigay ng lakas upang magpatuloy at magbahagi sa iba.

Sa ating panahon ngayon, ating makikita na marami pa ring mga “handaan ni Herodes.” Mga sistemang nag-aanyaya ng mabilis na pakinabang kapalit ng katotohanan. Mga kulturang inuuna ang imahen kaysa integridad, ang tubo kaysa tao, ang kapangyarihan kaysa habag. Nakikita rin natin ito kapag may mga programang tila para sa mahihirap ngunit ginagamit lang upang makakuha ng impluwensiya, o kapag ang kabutihan ay ginagawa lang kung may kapalit na papuri.

Bilang mga Kristiyano, inaanyayahan tayong maging bahagi ng handaan ni Kristo. Isang handaan kung saan walang itinataboy, ang kaunting mayroon ay ibinabahagi at ang habag ang nauuna sa lahat.

Nagsimula tayo sa tanong kung ano ang “libre,” ang sila ba’y tunay na nagbibigay-buhay. Ngayon nama’y inaanyayahan tayong maging mapanuri sa uri ng handaan ang aking itinatayo sa aking tahanan, sa aking komunidad at sa lipunang aking ginagalawan.

Ang mga handaan ba nating nililikha ay nagbubunga ng buhay o nagiging daan ng pagkakanya-kanya? Ang ating mga desisyon ba ay nagpaparami ng pag-asa o nagpapalalim ng gutom—hindi lang sa pagkain kundi sa katarungan, pagkalinga at pagmamahal?

Marahil hindi naman natin kailangang magpakain ng 5,000 tao upang makibahagi sa handaan ng Diyos. Nagsisimula ito sa mas maliliit na paraan: kapag may nagugutom at hindi natin siya tinalikuran, kapag pinili nating maging tapat kahit walang nakakakita, kapag nagbahagi tayo ng oras, lakas o kung anumang mayroon tayo sa isang taong nangangailangan.

Sa bawat pagkakataong inuuna natin ang habag kaysa pansariling pakinabang, unti-unti nating naihahanda ang hapag ng Diyos sa gitna ng ating pamilya, pamayanan at lipunan. Sapagkat doon namumunga ang tunay na kasaganahan—sa pusong marunong magbahagi upang ang iba ay mabuhay.