Bitawan ang galit
Tayo’y inaanyayahang magbago ng paningin, ng pag-iisip na mula sa paglilista natin kung sino ang nagkasala sa atin at deserve patawarin, tayo nawa ay magnilay kung ano ang ating mga kinikimkim.
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon – Sirak 27:33—28:9 | Salmo 102 | Roma 14:7–9 | Mateo 18:21–35
Nitong mga nakaraang araw, nag-send ang isa kong kaibigan ng pubmat mula sa isang homiliya ng pari. Sabi roon, “Tigilan ang pagiging masungit,” na kinomentan naman ng kaibigan ko ng, “’Di wala.” Nakakatawa, pero may punto.
Sa panahon ngayon, parang ang daming tao na, sa paghihiram sa karakter sa “Inside Out”, ay parang si Anger ang default setting nila. Konting pila, galit. Konting abala sa traffic, galit. Maling chat o maling tono, galit agad.
Wala namang problema sa pagiging galit. Si Hesus mismo ay nagalit. Nakita natin ito nang palayasin Niya ang mga nagtitinda sa Templo. May galit na nagmumula sa malasakit sa tama at sa kapwa, ang tinatawag nating “righteous anger.”
Ngunit may galit ding unti-unting kumakain sa atin. Kapag ang galit ay nauuwi sa pananakit, paninira, paghihiganti o tuluyang pagkasira ng relasyon, hindi na lang ito emosyon. Nagiging pasanin na ito.
Kaya tayo’y inaanyayahang pagnilayan ang galit sa ating mga pagbasa sa Linggong ito. Nagbigay ng wisdom ang Unang Pagbasa mula kay Sirak, na kung saan sinasabi, “Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian.”
Ang problema sa galit ay hindi lang dahil maaari nitong saktan ang ibang tao, pero maaari rin nitong harangan ang ating relasyon sa Diyos. Kapag hindi natin kayang maawa sa kapwa, paano tayo hihingi ng awa sa Diyos?
Ano ba ang ibig sabihin nito para sa atin? Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi maaaring ihiwalay sa pag-ibig sa kapwa. Kaya kapag ang galit natin sa isang tao ay nauuwi sa pagkamuhi at pagnanais na siya ay mapahamak, hindi lang ang relasyon natin sa kanya ang nasisira.
Unti-unti ring nasisira ang relasyon natin sa Diyos na siyang lumikha sa kanya. Hindi ibig sabihin nito na mali ang lahat ng galit. May mga bagay na talagang dapat tayong magalit, lalo na sa harap ng kawalang-katarungan. Pero sa ating panloob naman na danas, ano ang ginagawa ng galit sa puso natin?
Ating maririnig sa Salmo ang isang sagot dito, “Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.” Ang Diyos ay banayad kung magalit at hindi nagtatanim. Hindi Niya kinakalimutan ang kasalanan, ngunit hindi Niya hinahayaang ang kasalanan ang maging huling salita. Kung ganito ang Diyos sa atin, tinatawag din tayong matutong maging mahabagin sa kapwa.
Ang pagpapatawad ay hindi lang paggawa ng kabutihan para sa taong nakasakit sa atin. Ito rin ay paraan ng pagpapalaya sa sarili. Hindi nito binubura ang nangyari. Hindi nito sinasabing walang halaga ang sugat. Sa halip, pinipili nating huwag nang hayaang ang sugat ang mamahala sa buong buhay natin.
Ngayong Linggo, ang ikatlong Linggo na main character si Pedro. Nagtanong siya kay Hesus, “Makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Siguro umaasa siyang sapat na ang pitong beses.
Pero binago ni Hesus ang sukatan. Pitumpung ulit. Pero teka lang ha, hindi ito simpleng matematika ng pagpapatawad na pag-umabot na sa naturang bilang, ‘di ka na magpapatawag ha? Ipinapakita nitong ang pagpapatawad ay hindi isang limitadong allowance na nauubos pagkatapos ng ilang pagkakamali.
Kaya nagbigay si Hesus ng talinghaga para mas maging relatable ang kanyang sinabi. Sa talinghaga, ang lingkod ay pinatawad sa napakalaking utang, ngunit hindi niya kayang palampasin ang maliit na utang ng kanyang kapwa.
Sa huli, “sa galit” ng hari, ipinabilanggo siya hanggang sa mabayaran niya ang buong utang. Nakakatakot ang larawan, ngunit malinaw ang punto: ang taong ayaw magpatawad ay siya ring taong nananatiling bihag ng sarili niyang galit.
Ang pagpapatawad, kung gayon, ay hindi lang paggawa ng kabutihan para sa taong nakasakit sa atin. Ito rin ay paraan ng pagpapalaya sa sarili. Hindi nito binubura ang nangyari. Hindi nito sinasabing walang halaga ang sugat. Sa halip, pinipili nating huwag nang hayaang ang sugat ang mamahala sa buong buhay natin.
Mahalaga rito ang Ikalawang Pagbasa. Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma nagturo siya na walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang. Hindi tayo hiwa-hiwalay na indibidwal na walang pananagutan sa isa’t isa. Ang buhay natin ay laging nakaugnay sa buhay ng iba.
Kaya ang galit ay hindi kailanman “sarili ko lang.” Kapag pinabayaan natin itong lumaki, may naaapektuhan. Pamilya, kaibigan, komunidad, maging ang paraan natin ng pakikitungo sa mga taong hindi natin kilala. Sa panahong mabilis kumalat ang galit sa social media, sapat nang isang komento upang magsimula ang isang bangayan na hindi na alam kung saan nagmula.
Baka kaya kailangan nating matutong huminto. Hindi lahat ng galit kailangang ilabas. Hindi lahat ng pagkakamali kailangang gantihan. Hindi lahat ng sugat kailangang dalhin habang-buhay.
Tayo’y inaanyayahang magbago ng paningin, ng pag-iisip na mula sa paglilista natin kung sino ang nagkasala sa atin at deserve patawarin, tayo nawa ay magnilay kung ano ang ating mga kinikimkim.
Sapagkat minsan, ang taong pinakakailangan nating palayain ay hindi lang ang taong nagkasala sa atin. Tayo rin. Hangga’t mahigpit nating hawak ang galit, tayo rin ang hindi makaalis.
Ang Diyos na mahabagin ay patuloy na nagpapalaya sa atin. At sa bawat pagkakataong pinipili nating magpatawad mula sa puso, unti-unti rin nating natututuhan ang kalayaan ng mga taong marunong bumitaw.