Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Walang pumili sa amin


Ipinakikita ng Ebanghelyo na habang hinahanap natin Siya, Siya rin ay kumikilos upang hanapin tayo.

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 55: 6-9 | Salmo 144 | Filipos 1:20k-24, 27a | Mateo 20:1-16a

May mga pagkakataong pakiramdam natin ay nahuhuli na tayo sa buhay. Habang nakikita nating may mga kaibigan na naka-graduate na, may trabaho na, may sariling pamilya o may malinaw nang direksiyon, hindi maiwasang mapaisip: When kaya? Para bang may sariling oras ang buhay na kailangan nating habulin. Kapag hindi tayo nakasabay, madaling isipin na baka wala nang lugar para sa atin.

Ganito rin ang pananaw natin sa trabaho at sa mga ginagawa natin. Kapag naglaan tayo ng oras, pagod, talento at sariling pera, natural lang na umasa tayong makatatanggap ng nararapat na kapalit. Kapag mas marami ang ating isinakripisyo kaysa sa iba, gusto rin nating makita at mapahalagahan ang ating ginawa. May pakiramdam tayong dapat may katumbas ang bawat paghihirap.

Kaya madaling makiramay sa mga manggagawa sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Buong araw silang nagtrabaho sa ubasan, ngunit pareho lang ang kanilang natanggap sa mga huling dumating. Kung tayo ang nasa kanilang kalagayan, baka ganoon din ang una nating reaksiyon, “Hindi naman yata fair!”

Ngunit habang abala tayo sa pagkukuwenta kung sino ang mas karapat-dapat, may isang detalye sa talinghaga na madaling hindi mapansin. Paulit-ulit na lumabas ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Mula madaling-araw hanggang sa halos matapos ang araw, patuloy siyang naghahanap.

Kung ang talinghaga ay tumutulong sa atin na makilala ang Diyos, malinaw ang ipinakikita ni Hesus: ang Diyos ay hindi napapagod maghanap. Hindi lang Siya naghihintay sa mga taong alam na kung saan sila pupunta. Siya mismo ang lumalabas upang hanapin ang mga taong nasa labas at tila walang puwang.

May isang grupo ng manggagawa na tinanong ng may-ari kung bakit wala silang ginagawa. Ang kanilang sagot ay simple, “Walang kumuha sa amin.” Sa unang tingin, parang paliwanag lang ito kung bakit wala silang trabaho. Pero kapag pinag-isipan natin, napakalapit nito sa karanasan ng maraming tao.

May mga taong naghahanap ng trabaho ngunit walang tumatanggap sa kanila. May mga kabataang gustong magkaroon ng pagkakataon pero kulang sa suporta. May mga taong gustong makabangon ngunit paulit-ulit na naiiwan dahil sa kanilang pinagmulan, kalagayan o mga pagkakamaling nagawa noon. Minsan, hindi kawalan ng sipag ang dahilan kung bakit naiwan ang isang tao. Wala lang talagang nagbukas ng pinto.

Ganito rin ang maaaring mangyari sa buhay pananampalataya. May mga taong lumayo sa Simbahan dahil sa isang sugat na hindi nila makalimutan. May tumigil sa paglilingkod dahil pakiramdam niya ay hindi na siya kailangan. May gustong bumalik sa Diyos ngunit nahihiya dahil iniisip niyang napakarami na niyang pagkakamali. Baka ang nasa isip niya ay, “May lugar pa ba ako?”

Sa Ebanghelyo, makikita natin ang sagot sa kilos ng may-ari ng ubasan. Siya mismo ang lumabas. Hindi niya hinintay na ang mga manggagawa ang lumapit sa kanya.

Sa Unang Pagbasa, sinabi ni Propeta Isaias, “Hanapin ninyo ang Panginoon habang siya’y nasusumpungan.” Madalas nating marinig ang paanyayang ito bilang hamon na maging mas malapit sa Diyos. Ngunit ipinakikita ng Ebanghelyo na habang hinahanap natin Siya, Siya rin ay kumikilos upang hanapin tayo.

Kapag dumaraan tayo sa mahirap na panahon, madaling itanong, “Nasaan ang Diyos?” May mga panahong tila tahimik Siya habang magulo ang buhay natin.

Ngunit maaaring hindi natin napapansin na may mga pagkakataong ginagamit Niya ang ibang tao upang abutin tayo. Isang kaibigang biglang nangumusta. Isang taong nagbigay ng pagkakataong matagal na nating hinihintay. Isang salita sa panalangin na tumama sa sugat na matagal nating dinadala.

Sa Ikalawang Pagbasa, makikita rin natin ito sa buhay ni San Pablo. Dati siyang tagausig ng mga Kristiyano. Kung ang Diyos ay tumitingin lang sa nakaraan ng isang tao, maaaring wala nang lugar si Pablo sa Kanyang gawain.

Ngunit tinawag siya ng Panginoon at binigyan ng panibagong direksiyon ang kanyang buhay. Kaya nasabi niya, “Ang mabuhay ay si Kristo.” Ang kanyang nakaraan ay naging bahagi ng kanyang kuwento, pero hindi iyon ang huling salita tungkol sa kanya.

Marahil may bahagi rin ng buhay natin na sinasabi nating huli na ang lahat. Huli na para magbalik-loob. Huli na para humingi ng tawad. Huli na para magsimula muli o ayusin ang isang relasyon.

Ngunit ang Diyos ng Ebanghelyo ay patuloy na lumalabas. Hangga’t may oras, may panawagan. Hangga’t may pusong maaaring tumugon, hindi Siya tumitigil sa paghahanap.

Madaling matuwa kapag tayo ang hinahanap ng Diyos. Mas mahirap kapag tayo naman ang kailangang lumabas at maghanap ng iba.

Sino ang taong matagal nang hindi napapansin? Sino ang hindi nabibigyan ng pagkakataon? Sino ang maaaring pagod nang marinig na hindi siya sapat, hindi siya kailangan, o wala siyang lugar? Baka ang kailangan niya ay isang taong handang lumapit at magsabi, “May lugar ka rito.”

Hindi natin kailangang gumawa agad ng malaking bagay. Minsan, nagsisimula ito sa pagbibigay ng pagkakataon sa isang taong madalas hindi pinapansin.

Maaari itong mangahulugan ng pakikinig sa taong palaging natatabunan sa usapan, pagtanggap sa isang taong muling lumalapit, o pagtulong sa isang taong ilang beses nang nabigo.

Dahil ang Diyos na ipinakikilala ni Hesus ay Diyos na lumalabas. Hindi Siya nagsasawang maghanap sa mga naiwan, sa mga naligaw at sa mga matagal nang naghihintay.

At kung minsan, baka tayo naman ang paraan upang marinig ng isang tao ang paanyayang matagal na niyang hinihintay, “Halika. May lugar ka pa sa ubasan.”