Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Habang ang pintua’y bukas pa

Habang bukas pa ang pinto, may panahon pa tayong alagaan ang liwanag ng ating pananampalataya at ibahagi ito sa kapwa.

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon – Karunungan 6:12–16 | Salmo 62 | 1 Tesalonica 4:13–18 [o 4: 13–14] | Mateo 25:1–13 

Siguro hindi lang ako ang nakaranas ng ganito tuwing brownout. Kung kailan nawalan na ng kuryente, saka pa lang naghahanap ng flashlight, kandila o rechargeable lamp. Minsan, kung kailan kailangan na ang power bank, saka malalamang hindi pala ito na-charge.

Alam naman nating maaaring mawalan ng kuryente anumang oras, pero madalas, saka lang tayo naghahanda kapag nangyari na. At sa oras na kailangan na natin ng liwanag, saka natin naaalalang may mga bagay palang hindi puwedeng ipagpaliban hanggang sa huling minuto.

Ganito rin ang tagpo sa talinghaga ni Hesus tungkol sa 10 dalagang naghihintay sa lalaking ikakasal. Pare-pareho silang may ilawan. Pare-pareho silang naghintay, inantok at nakatulog dahil sa pagkaantala ng kanyang pagdating. Hindi ang pagtulog ang dahilan ng pagkakaiba nila.

Ang lima ay nagbaon ng sobrang langis, samantalang ang lima ay umasa sa kung anong mayroon sila noong nagsimula silang maghintay. Nang dumating ang sandaling hinihintay nilang lahat, saka naging malinaw kung gaano kahalaga ang paghahandang ginawa bago pa iyon.

Mahalaga ang detalyeng ito dahil minsan, ang panawagang “magbantay” ay naiintindihan natin bilang pamumuhay na laging kinakabahan sa katapusan ng mundo. Parang kailangang hulaan kung kailan darating ang Panginoon, o matakot na baka abutan tayong may ginagawang mali.

Ngunit sa talinghaga, matagal ang paghihintay at nakatulog silang lahat. Ang pagbabantay ay may kinalaman sa uri ng buhay na pinipili nating hubugin habang wala pang katiyakan kung kailan darating ang pinakahihintay.

Ano naman ang langis? Walang tahasang paliwanag si Hesus kung ano ang kinakatawan nito. Maaari natin itong iugnay sa pananampalatayang inaalagaan, sa mga gawi ng pagmamahal at sa mga pasiyang paulit-ulit nating ginagawa. May mga bagay na hindi kayang hiramin sa iba kapag dumating ang oras ng pananagutan. 

Maaaring ipagdasal tayo ng ibang tao, turuan o samahan, ngunit may sarili tayong bahagi sa pagsasabuhay ng pananampalataya. Hindi sapat ang sabihing Kristiyano tayo kung wala itong unti-unting binabago sa paraan ng ating pamumuhay.

Nakakailang din ang pagtanggi ng limang matatalino na ibahagi ang kanilang langis. Hindi ba dapat nagtutulungan sila? Makatuwirang itanong iyon. Ngunit kung gagamitin natin ang talinghaga upang ipagtanggol ang pagiging makasarili, salungat iyon sa mas malawak na pangangaral ni Hesus. 

Sa mismong ika-25 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, ang pakikitungo sa nagugutom, nauuhaw at dayuhan ay magiging mahalagang sukatan ng ating pagtugon sa kanya. Ang langis sa kuwento ay hindi pahintulot na ipagkait ang mga bagay na kaya namang ibahagi sa kapwa.

May mas malalim ding hamon dito para sa ating lipunan. Sanay na tayong makarinig ng “maghintay muna.” Maghintay ng tulong matapos ang kalamidad, ng maayos na serbisyo, ng hustisya, ng pagbabagong paulit-ulit na ipinapangako. Ngunit hindi pare-pareho ang kakayahan nating maghintay. Para sa pamilyang walang matakbuhang ospital o manggagawang umaasa sa susunod na sahod, may tunay na kapalit ang bawat pagkaantala. 

Madaling ipangaral ang paghahanda sa mga taong halos wala nang matira para sa kinabukasan. Kaya kasama sa ating pananagutan bilang mga Kristiyano ang paglikha ng mga kalagayang hindi iniiwang mag-isa ang mahihina sa oras ng pangangailangan.

Sa Unang Pagbasa, may magandang larawan ng Karunungan: siya mismo ang naghihintay sa tarangkahan at lumalapit sa mga naghahanap sa kanya. Habang pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo tungkol sa pintong maaaring magsara, ipinapaalala naman ng Karunungan na may biyayang lumalapit sa atin ngayon. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos na mangapa sa dilim. May mga pagkakataong nagbubukas sa ating araw-araw upang matutong umunawa, magbago at kumilos.

May sariling tinig din ang salmo sa gitna ng paghihintay, “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.” Ang pananabik sa Diyos ay nagbibigay ng direksiyon sa ating mga pagpapasiya ngayon. Habang hinihintay natin ang katuparan ng kanyang mga pangako, patuloy nating hinahanap ang kanyang presensiya sa mga pagkakataong magmahal at maglingkod. May saysay ang bawat araw ng paghihintay.

At sa mga nag-aalala sa kamatayan o nagdadalamhati para sa mahal sa buhay, may mahalagang salita si Pablo, “Mag-aliwan kayo.” Hindi niya ipinagbabawal ang pagluha. Ang kanyang pangaral ay nakaugat sa pananampalatayang si Hesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya may pag-asa maging sa paghihintay na hindi na natin kayang sukatin. Sa kabila ng kamatayan, pinanghahawakan natin ang pangakong bubuhayin tayo ng Diyos upang makapiling ang Panginoon.

Sa huli, mahalagang tandaan na ang pinaghahandaan ng 10 dalaga ay isang kasalan, isang pagdiriwang. Ang pagdating ng Panginoon ay pangako ng isang masayang pagtatagpo. Kaya habang bukas pa ang pinto, may panahon pa tayong alagaan ang liwanag ng ating pananampalataya at ibahagi ito sa kapwa.

Darating ang Panginoon, at sa kanyang pagdating, nawa’y masumpungan niya tayong may mga ilawang patuloy na nagliliwanag, sapagkat ang liwanag na ating tinanggap ay naging liwanag din sa buhay ng iba.