Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Pananampalatayang namumunga

Ngayong Ikalawang Linggo ng Adbiyento, ano ang bunga ng ating pananampalataya? Sa lipunang madalas hati, saan tayo nagiging tinig ng katotohanan?

Minsan, may mga taong dumarating sa ating buhay na parang alarm clock na hindi mo puwedeng i-snooze. Ganyan si San Juan Bautista. Hindi siya dumating para makisama lang, kundi para manggising ng mga inaantok sa kalagayan ng kanilang puso. Sa disyerto ng Judea, ang una niyang sinabi ay hindi “Kamusta?” kundi “Magbagong-buhay!” Totoo siya kung magpahayag dahil alam niyang may darating na higit na dakila at kailangang handa ang puso ng tao.

Kaya nang makita niya ang mga Pariseo at Saduceo, hindi siya nagdalawang-isip na tawagin ang kanilang pansin: “Kayong lahi ng mga ulupong!” ang lumalagablab na sambit niya—hindi dahil gusto niyang mamamahiya, kundi dahil alam niyang napakadaling magtago sa likod ng relihiyon, tradisyon o posisyong panlipunan.

Para sa kanya, hindi sapat ang sabihing “anak kami ni Abraham,” dahil ang tunay na pananampalataya ay nakikita sa bunga. Sa mata ng Diyos, walang espesyal na puwesto ang sinumang hindi nagbubunga ng katarungan at kabutihan. Ang pribilehiyo ay hindi kailanman katiyakan ng kabanalan.

Sa ganitong lente natin mas nauunawaan ang ipinangakong darating na inilarawan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa: ang isang usbong mula sa lahi ni Jesse. Siya ang Mesiyas na ang pamumuno ay katarungan para sa dukha at kapayapaan para sa lahat. Isinalarawan ang kapayapaang ito sa isang mala-utopian na pamamaraan: ang lobo at tupa’y magtatabi, ang leon at baka’y sabay kumakain, at kahit ang sanggol ay naglalaro sa tabi ng lungga ng ahas.

Ang hirap isipin, hindi ba? Ngunit ito ang larawan ng mundong inayos at ibinalik sa balanse—ang bunga ng pamumuno ng isang hari na hindi nabibili, hindi natitinag at hindi nagsisinungaling. Kaya malinaw ang hamon: huwag tayong maging punongkahoy na walang bunga sa mundong gustong ayusin ng Diyos.

Ito rin ang himig ng ating Salmo: na ang haring darating ay maghahatol nang may katuwiran—katuwirang mula mismo sa Diyos. Siya ang hari na nagliligtas sa dukha at sa Kanyang pangalan ay mabibibiyayaan ang lahat ng bansa. Hindi Siya hari para sa iilan, kundi para sa buong sambayanan. Kaya ang ating dasal: “Mabuhay nawa Siyang marangal, at maghari nang sagana kailanman.”

Ito rin ang tinutukoy ng Ikalawang Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma. Ang kuwento ng kaligtasan ay hindi lang para sa mga Hudyo at hindi rin ito nakalaan para sa mga pantas sa batas o sa tradisyon.

Sa pamamagitan ni Kristo, ang mga Hudyo at Hentil ay magkakasamang umaawit ng papuri. Sa ganitong pananaw, lumalawak ang tahanan at hapag ng Diyos kung saan ang awa Niya ay aawas, aagos at tatagos sa lahat ng uri ng pader at anumang hangganan.

Sa ganitong pananaw nabubuo ang tanong para sa atin: ngayong Ikalawang Linggo ng Adbiyento, ano ang bunga ng ating pananampalataya? Sa lipunang madalas hati, saan tayo nagiging tinig ng katotohanan?

Hindi naman kailangan magdamit ng balahibo ng kamelyo o kumain ng tipaklong para maging tulad ni San Juan Bautista; ang kailangan lang ay pusong handang tumayo sa gitna ng ingay at magsabi: “Ito ang tama. Ito ang makatarungan. Ihanda natin ang daan para sa Panginoon.”

Samantalang hinihintay natin ang Panginoong magbabalik ng kapayapaan sa lobo at kordero, tayo muna ang dapat lumikha ng kapayapaan sa ating tahanan, pamayanan at lipunan.

Hindi natin mabago ang buong bansa ngayong linggo, pero baka kaya nating maging tinig ng katotohanan para sa isang tao. Baka kaya nating magbigay-ginhawa sa isang sugatang puso. Baka kaya nating maging maliit na patunay na ang daan ng Panginoon ay hindi pa sarado at may mga taong patuloy na naglalakad tungo sa Kanya.

Habang nagpapatuloy tayo sa paglalakbay ngayong Adbiyento, tandaan natin: ang pinakamagandang paghahanda ay hindi bagong dekorasyon o masaganang handaan, kundi isang pusong handang magbago, tumindig at mamunga.

Tulad ng sinabi ni San Juan Bautista, “Magbagong-buhay. Ihanda ang daan.” Sapagkat ang Diyos na darating ay Hari ng Katarungan at Prinsipe ng Kapayapaan. At ang mundong naghahanap ng liwanag ay naghihintay na masilayan ang Kanyang mukha—sa atin.