Pasok, mga suki, mga kasama!


Para sa mas bongga na entrada ng huling buwan ng taon, kailangan “support local small businesses na may paninindigan!”

Masyadong basic ang “support local” at kailangan i-level-up ang “support small businesses.” Para sa mas bongga na entrada ng huling buwan ng taon, kailangan “support local small businesses na may paninindigan!”

Bakit? Una, kalidad ang mga produkto dahil may puso para sa taumbayan ang mga lumilikha. Swak na swak sa sinabi ng Jackson 5, “Give love on Christmas day.”

Pangalawa, hindi tayo matataga sa presyo kasi kahit ang mga lumilikha at mga seller, ayaw sa mapang-abuso. Walang lamangan dito! Kapangyarihan lang ito ng nagkakaisang karaniwang Pinoy.

Kaya kung ireregalo man sa iba o ibabalik sa sarili para sa “treat yourself” moment mo, dito na tayo sa lokal, mapagkakatiwalaan at may paninindigan.

Handog ng mga kababaihang bilanggong politikal ang mga mini parol na mabibili mula sa Karapatan. Sa presyong P85 para sa isang mini parol hanggang P999 kung isang dosena ang bibilhin, may mapapaligaya na tayong mahal sa buhay. Munting liwanag rin ito para sa mga bilanggong politikal.

Puwedeng gamitin ang mini parol sa kuwarto, sa bag, kahit pa sa cellphone. Bisitahin lamang ang Facebook page ng Karapatan at mag-iwan ng message.

Kakain ka na nang healthy, marami ka pang matututuhan. Ang Good Food Sundays ay hindi lang tipunan ng iba’t ibang mga kainan—isa itong buhay na komunidad na marunong manindigan. Kasama sila sa laban para sa mga magsasaka noong Oktubre, at nakiisa rin sila sa laban kontra-korupsiyon. Kasi tunay naman na pati ang pagkain, politikal.

Perfect ang Good Food Sundays na lokasyon para sa mga holiday kitaan sa mga kaibigan at kapamilya, tuwing Linggo mula tanghali hanggang ikalima ng hapon.

Kung naghahanap naman na ipanreregalo na pagkain  o dadalhin sa handaan, mayroon rin silang mga dessert tulad ng Pinoy na pinoy na mga ice cream mula Delicielo o kaya mga frozen vegan ulam mula sa Vutcher. Marami pang ibang stall! Tiyak na solid na food trip dito.

Kapag mahihirapan pumunta tuwing Linggo, bisitahin lang ang Facebook page ng Good Food Sundays para makita ang isa-isang page ng mga merchant.

At para kumpleto ang bakasyon, mainam na may babasahin na mababaon sa kung saan-saan. Kung mga zine, stickers at mga astig na cap, hindi ka magkakamali sa Makô Micro-Press. Bahagi rin sila ng Better Living Through Xenography Year 16 o BLTXMAS na dinaluhan ng mga independent writer at artist nitong Dis. 13. 

Makabuluhan din ang mga limbag na libro ng Gantala Press na puwede suportahan gamit ang Shopee, ang kanilang online store o ang ilang pisikal na kopya na nasa Library Una sa Chapterhouse, 32 Madasalin Street, Sikatuna Village, Quezon City. Kapag bumisita sa Library Una sa Chapterhouse, hindi ka #markedsafe mula sa kahit munting gastos dahil ang daming magaganda na tabi-tabi pang mga selection doon. Tara na!