Makabuluhang panregalo sa Pasko
Mga gawa o likha ng mga tao at grupong kumikilos para sa kapayapaan ng mundo na tunay na diwa ng Pasko.
Ilang araw na lang Pasko na!
Marami sa atin, problemado kung ano ang ibibigay sa mga mahal sa buhay, inaanak at malalapit na kaibigan at kakilala. Pero sabi nga, hindi sa halaga ng regalo ang sukatan kundi nasa taos-pusong pagbibigay.
Tinipon ng Pinoy Weekly ang ilang maaaring ipanregalo sa Pasko. Mga gawa o likha ng mga tao at grupong kumikilos para sa kapayapaan ng mundo na tunay na diwa ng Pasko.
Abubot at aksesorya
Kung ang reregaluhan ninyo ay mga kikay, maaari ninyong bisitahin ang Facebook page ng Helga Craft. Maraming mga kakaibang disenyo, makukulay at magagandang hikaw, kuwintas at iba’t ibang aksesoryang mabibili sa murang halaga. Lahat ito’y yaring kamay. Kung masuwerte ka at makapunta sa kanilang shop sa 26 Maalalahanin St. cor. Mapagkawangga St., Diliman, Quezon City, baka abutan mo na may workshop sila at makalikha ka ng sarili mong panregalo.
Kung bitin pa kayo sa inaalok ng Helga Craft, maaaring bisitahin ang Kriselda Freedom, para sa iba pang abubot. Mayroon din silang mga sticker, pin, libro, manika at kung ano-ano pa. Pinakamahalaga dito, bahagi ng kanilang kikinita ay napupunta sa gastusin ng mga bilanggong politikal. O ‘di ba? Nakabili ka ng regalo, nakatulong ka pa!
Librong pambata at iba pang babasahin
Kung ang reregaluhan naman ninyo ay mga inaanak na tsikiting, baka naman pwedeng huwag na ang mamahaling gadgets. Regaluhan na lang ninyo ng mga librong pambata, mas nakakalibang ito at educational pa. Maraming aral ang mapupulot sa mga librong “Ang Munting Prinsipe”, “Ang Sapot ni Charlotte”, “Jamin ang Batang Manggagawa” at iba pa.
Saan ba makukuha o mabibili ang mga ito, siyempre saan pa kung hindi sa Southern Voices Printing Press, Aklat Mirasol at Gantala Press! Maraming mapagpipiliang mga librong pambata mula sa tatlong palimbagang ito. Mula sa pakikikabaka ng mga bata at pamilya nila, pagtuklas sa kani-kanilang kasarian hanggang sa tamang pakikipag kapwa tao, mayroon sila.
T-shirt at tote bag
Sa mga kabataan naman na mahilig sa mga customized t-shirt, maaari kayong magpaimprenta ng sarili ninyong disenyo sa Red Corner Printing, mas ‘di hamak na mura ang presyo nila kasama na t-shirt.
Nag-iimprenta rin sila sa mga baso o mug na puwedeng personalized for all occasions hindi lang Pasko. Mayroon din silang mga tote bag, etiketa at sumbrero, puwedeng paregalo talaga.
Vinyl records at iba pang collectibles
Siyempre, ‘di natin kakalimutan ang mga tito, tita, lolo’t lola. Mga mahilig sa luma? O may nostalgic effect? Bisitahin ang Books and Records from the Street na isang collectible shop sa Mandaluyong City.
Malay ninyo, dito ninyo makuha ang matagal nang hinahanap ng mga matatandang vinyl record ng mga Pinoy artist na sina Sampaguita at Cinderella o kaya naman mga international artist na The Beatles o ni Andy Gibb. May mga libro rin sila sa iba’t ibang kategorya.