Saan tipid mamasyal ngayong Pasko?


Narito ang ilan sa mga pasyalang tipid at patok sa Kapaskuhan na maaaring puntahan ng pamilya o barkada.

Saan nga ba pinakamaganda at pinakamasiglang damhin ang Paskong Pinoy? Narito ang ilan sa mga pasyalang tipid at patok sa Kapaskuhan na maaaring puntahan ng pamilya o barkada.

Pagbubukas ng Elevated Landscape Promenade, isang bagong walkway na nag-uugnay sa Quezon Memorial Circle at Ninoy Aquino Parks and Wildlife. Larawan mula sa Quezon City Parks Development and Administration Deparment

Una sa listahan ay ang Quezon Memorial Circle sa Elliptical Road, Diliman, Quezon City. Nobyembre pa lang ngayong taon ay pinailawan na ang Christmas tree at pylon ng parke. Tampok dito ang mga wooden Christmas displays at iba pang dekorasyong gawa sa repurposed materials, bilang pagpapatuloy sa matagal nang adbokasiya ng lungsod para sa pangangalaga ng kalikasan.

Bukod sa Christmas animated display sa Quezon City Hall, bukas na rin sa publiko ang bagong Elevated Landscape Promenade na nagdurugtong sa Quezon Memorial Circle at Ninoy Aquino Parks and Wildlife. Pinalilibutan ito ng mga halaman at ilaw, may mga rampa para sa mga nagbibisikleta, at sapat na upuan para sa mga naglalakad, kaya komportable at ligtas na bumisita kahit gabi.

Hinihikayat ang lahat na magdala ng sariling reusable water bottles at eco-bags upang maiwasan ang basura at mapanatiling malinis ang paligid. Bukas ito sa publiko at walang bayad ang pagpasok.

Pinangunahan ni Mayor Isko Moreno ang Christmas Tree Lighting at fireworks display sa Pasig River Esplanade Phase IV. Larawan mula sa Manila Public Information Office

Kabilang din sa listahan ang Pasig River Esplanade sa Ermita, Maynila. Isa itong mahabang pasyalan sa tabing-ilog na pinalamutian ng mga halaman. Tampok ang maluwang na walkway at hiwalay na daanan para sa mga nagbibisikleta. Mayroon ding mga upuang may lilim at ilaw na pinapagana ng solar power, na nagbibigay ng maaliwalas at kaaya-ayang kapaligiran lalo na sa gabi. 

Noong unang araw ng Disyembre, pinailawan na ang kanilang giant Christmas tree sa Phase IV sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno. Bukas na rin ang iba’t ibang food stalls, kaya swak ito para sa mga pamilyang mamamasyal, magka-date, o sinumang gustong maramdaman ang masiglang Paskong Pinoy sa tabing-ilog.

Pormal nang binuksan at pinailawan ang Taguig People’s Park. Larawan mula sa TLC PARK EMBO

Kabilang din sa listahan ang Taguig’s People’s Park sa south bank ng Pasig River sa Barangay West Rembo. Sa pangunguna ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, ginanap ang opening at lighting ceremony noong Nob. 22.

Kabilang sa mga pangunahing atraksyon ng parke ang bagong bukas na TLC Food Park–EMBO, na tampok ang iba’t ibang local flavors mula sa maliliit na negosyante ng Taguig City, pati na rin ang mga food trucks na nagtitinda ng snacks, hot meals, at desserts. 

Ayon kay Mayor Lani Cayetano, “Mahalagang magkaroon ng public spaces para sa mga pamilyang Pilipino kung saan maaari silang mag-unwind at mag-reconnect” na siyang layunin ng pagpapaganda at pagpapalawak ng parke ngayong Kapaskuhan.

Pagbubukas ng Shop Taytay Night Market at pagpapailaw sa YES recycled Christmas tree. Larawan mula kay Konsehal Tobit Cruz 

Baka naman ay wala ka pang panregalo ngayong darating na Pasko, kaya swak na swak para sa’yo ang Shop Taytay Night Market, na ayon kay Konsehal Tobit Cruz ay bukas na simula Nob. 25. Kung mahilig ka sa shopping, tiyak na mapapahanga ka sa kalidad at murang presyo ng mga damit at iba pang items na puwedeng gawing regalo. 

Bukod dito, tampok na rin sa lungsod ang YES Christmas Tree, na gawa sa recycled materials bilang pakikiisa sa Ynares Eco System (YES)—simbolo ng makabago, malinis, at makakalikasang Taytay.

Makikita rin sa night market ang iba’t ibang food stalls at local crafts, kaya puwede kang mag-shopping at mabusog habang namamasyal. Perpektong lugar ito para sa pamilya at kaibigan, pati na rin sa mga naghahanap ng regalo ngayong Pasko.

Tampok ang maaliwalas na night scene ng Meraki Garden na pinalilibutan ng mga puno at bulaklak. Larawan mula sa Region Cagayan Valley Nationwide 

Kung kagaya naman kitang tubong Isabela, hindi pwedeng hindi mo bisitahin ang ipinagmamalaking Meraki Garden sa Reina Mercedes, Isabela. Ang 4.2-hectare botanical garden na ito ay tahanan ng mahigit 3,000 makukulay na bougainvillea, na nagbibigay ng maaliwalas at makulay na tanawin. 

Tampok dito ang sayawan at kantahan, kabilang ang tradisyonal na balse na paborito ng mga bisita. Bukod dito, puwede ring makinig sa mga local bands, manood ng magicians o mag-enjoy sa mga atraksyon para sa bata tulad ng children’s playground, kiddie trampoline at train rides. May entrance fee na P50 hanggang P100 ang pagpasok, na abot-kaya para sa lahat. 


Saan ka man ngayong Pasko, malayo man o malapit, ang mahalaga ay maipagdiwang natin ang Kapaskuhan nang may kapayapaan at paghahanda para sa darating na panibagong taon.

Nawa ang bawat sandali ng kasiyahan, pagkakaibigan, at tradisyon ay magsilbing yakap at paalala na ang Paskong Pinoy ay buhay na buhay saan man tayo naroroon.