Masayang selebrasyon ng Pasko sa Bethlehem, kanselado muli


Taimtim na ginunita ng mga Kristiyanong Palestino ang Pasko sa Bethlehem at iba pang lugar sa Occupied West Bank at Gaza Strip kasabay ng panawagan para sa kapayapaan sa Palestine.

Sa ikalawang taon ng patuloy na pagsalakay ng mga puwersang Israeli sa Palestine, tahimik ang dating masaya at makulay na pagdiriwang Pasko sa lugar ng kapanganakan ni Hesukristo sa Bethlehem sa Occupied West Bank, Palestine.

Taimtim na ginunita ng mga Kristiyanong Palestino ang Pasko sa Bethlehem at iba pang lugar sa Occupied West Bank at Gaza Strip kasabay ng panawagan para sa kapayapaan sa Palestine.

Nagdaos ng misa sa Church of the Nativity sa Bethlehem si Latin Patriarch of Jerusalem Cardinal Pierbattista Pizzaballa nitong hatinggabi ng Pasko. Ngunit wala ang maingay na selebrasyon sa mga lansangan sa bayang sinilangan ni Hesukristo.

“Manatiling matapang! Huwag tayong mawalang ng pag-asa,” ani Pizzaballa sa kanyang homiliya sa Bethlehem.

Bago ang Araw ng Pasko, dumalaw sa Holy Family Church sa Gaza City si Pizzaballa nitong Dis. 22 bilang bahagi ng pakikiisa ni Papa Francisco sa mga Kristiyanong komunidad na apektado ng karahasan.

Naging silungan ang Holy Family Church para mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa mapaminsalang atake ng Israel. Araw-araw ding tinatawagan ng Santo Papa sa telepono ang komunidad upang kumustahin at magbigay pag-asa.

Ayon sa ulat, nahirapan si Pizzaballa, ang pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katolika sa Palestine, na makapasok sa Gaza dahil sa pambobomba ng Israel sa mga bata isang araw bago ang kanyang pagbisita.

Sinalubong ng mga Palestino sa Bethlehem sa Occupied West Bank, Palestine si Latin Patriarch of Jerusalem Cardinal Pierbattista Pizzaballa dala ang mga panawagan para sa kapayapaan. Custodia Terrae Sanctae

Kinondena ng matataas na lider ng Simbahang Katolika ang patuloy na karahasan at henosidyo sa Gaza sa mga magkakahiwalay na mensahe at pahayag ngayong Pasko.

Tinawag ni Papa Francisco na “kalupitan” ang patuloy na atake ng Israel sa mamamayang Palestino sa isang pahayag noong Dis. 22.

Sa kanyang mensahe naman sa pagpapalang Urbi et Orbi (sa Lungsod ng Roma at buong daigdig) nitong gabi ng Dis. 25 (oras sa Maynila), nanawagan si Papa Francisco para sa tigil-putukan, pagpapalaya ng mga bihag at pagmamahagi ng ayuda at pagkain sa mga mamamayang apektado ng gutom at digmaan sa Gaza.

“Sa pagninilay sa Kuna ng Bethlehem, nasasaisip ko ang mga Kristiyanong komunidad sa Palestine at Israel, partikular sa mahal nating komunidad sa Gaza, kung saan karimarimarim ang kalagayan ng mamamayan,” wika ng Santo Papa sa wikang Italyano.

Sa Pilipinas, sinabi naman ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David sa kanyang homiliya sa huling Simbang Gabi noong Dis. 24 ng madaling araw na walang ibang nais kundi kapayapaan ang mga Palestinong namumuhay bilang bakwit sa kanilang lupaing inokupahan ng Israel.

Mula nang sumiklab ang labanan ng mga puwersang mapagpalaya ng Palestine at sandatahang lakas ng Israel noong Okt. 7, 2023, nasa mahigit 45,000 Palestino na ang pinaslang ng pananalakay ng Israel sa Gaza, nasa higit 17,000 dito ang mga bata.

Mayroon namang 17 ospital mula 36 ang nasa operasyon sa limitadong kapasidad. Nasa 87% ng mga tahanan at 88% ng mga paaralan ang winasak ng patuloy na airstrike ng Israel sa Gaza.

Patuloy din ang pagharang ng Israel sa humanitarian aid na makarating sa Gaza na may dalang tubig, pagkain at gamot na nagdudulot ng malawakang kagutuman at pagkakasakit sa mga mamamayang Palestinong apektado ng giyera. 

Ayon naman sa ulat ng Committee to Protect Journalists, nasa 141 na mamamahayag na ang pinatay sa Gaza mula nang magsimula ang pagsalakay ng Israel, habang 45 ang nasa bilangguan.