Mga okasyong inaabangan sa Kapaskuhan
Narito ang ilan sa mga inaabangang okasyon tuwing magpapasko na maaaring magpanumbalik sa ating galak.
“Pasko, Pasko, Pasko na naman muli”
Ito ang awiting bukambibig ng marami sa atin dahil ilang araw na lang at magpapasko na. Ramdam na ramdam na ang presensiya nito sa mga pamilihan, kalye at tahanan na kumukutitap sa parol o pailaw kasabay nang malakas na pamaskong tugtugan.
Tiyak na kabi-kabila na rin ang pagpaplano ng mga ireregalo, ihahanda sa hapag at isasagawang pagtitipon sa paparating na Kapaskuhan. Marami man ang nasasabik ngunit marami rin sa ating mga kababayan ang tila malungkot itong sasalubungin dulot ng patuloy na mga hamong kinakaharap sa buhay.
Kaya upang mapawi ang kalungkutan, narito ang ilan sa mga inaabangang okasyon tuwing magpapasko na maaaring magpanumbalik sa ating galak.
Christmas bonus
“Ibigay nyo na ang aming christmas bonus” ang madalas na biro ng mga manggagawang pilipino tuwing papalapit ang Pasko. Ang Christmas bonus ay taon-taong insentibo mula sa kompanya o amo bilang pagkilala at pagpapahalaga sa pagsisikap ng mga empleyado sa buong taon.
Bagaman hindi ito sapilitang ipinamimigay, ang benepisyong ito’y nakatutulong upang manatili at maging pursigido ang mga nagtatrabaho at nagbibigay din ng magandang reputasyon sa kompanya.
Christmas party
Sa pagpasok ng Disyembre, hindi na mawawala ang mga sunod-sunod na Christmas party sa mga samahan, organisasyon at institusyon kung saan ipinagdiriwang ang naging pagsasama at tagumpay ng lahat sa loob ng buong taon.
Bida sa okasyong ito ang mga palaro, kantahan, sayawan, kainan at pagbibigayan ng regalo na naghahatid ng saya at tuwa sa bawat isa.
Simbang Gabi
Isang kultura nang maituturing ang pagdalo sa Simbang Gabi na nagsisimula ng Dis. 16 at nagtatapos ng Dis. 24, bisperas ng Pasko. Ito’y siyam na araw ng novena mass sa Simbahang Katoliko bilang paghahanda sa kapanganakan ni Hesukristo. Pinaniniwalaang kapag nakumpleto mo ito, matutupad ang iyong kahilingan.
Tradisyonal itong ginaganap tuwing madaling araw kaya nakakaantok man ang paggising nang maaga, tiyak na nagigising ang diwa sa halimuyak ng puto bumbong at bibingka na ibinibenta sa paligid ng simbahan.
Noche Buena
Sa pagpatak ng Dis. 25, hudyat na ito ng pagsasalo-salo ng bawat pamilya sa iisang hapag o Noche Buena kung tawagin. Isang espesyal na pagkakataon kung saan ang pamilya at mga kamag-anak ay muling nagtitipon upang ipagdiwang ang Pasko nang magkakasama.
Siguradong inaabangan ang mga masasarap na pagkain tulad ng hamon, fruit salad, spaghetti, lumpiang shanghai at marami pang iba. Ngunit ang mas kapanapanabik sa buong pamilya partikular sa mga bata, ang mga regalong ibibigay at pamasko.
Pangangaroling at Pamamasko
Mga awiting pamasko ang handog ng mga kabataan sa pangangaroling kung saan boses at instrumento ang puhunan upang mabigyan ng pera sa bawat tahanan. Ito ay karaniwang nagsisimula tuwing Dis. 16 hanggang Dis. 24.
Sa araw ng pasko, nagtatapos na ang pangangaroling at pamamasko naman sa mga ninong at ninang ang sadya ng mga bata. Kapalit ng pagmamano ay aguinaldo na maaaring sa anyo ng salapi, pagkain o gamit.