Ellala Love It!

Mga simple at murang panregalo ngayong Pasko


Mahalaga ang pagiging malikhain at praktikal sa pagpili ng regalo. Hindi kailangang mamahalin para maging espesyal.

Sa panahon ng Kapaskuhan, hindi kailangang maging magastos. Kung kapos ang iyong budget ngunit nais mong ipakita ang pagmamahal sa iyong mga kaibigan at pamilya, may ilang ideya para sa regalong abot-kaya. 

Mahalaga ang pagiging malikhain at praktikal sa pagpili ng regalo. Hindi kailangang mamahalin para maging espesyal. Paglalaan ng oras at personal touch ang mas pinahahalagahan at nagbibigay-saya sa taong nais handugan.

  1. Personal at handcrafted. Halimbawa nito ay bracelet, pendant, DIY key chains at ibang ornamentong gawang-kamay.
  2. Mga espesyal na larawan ng inyong pinagsamahan. Puwedeng gumawa ng scrapbook gamit ang mga recycled na material. Maaari ring gumawa ng photo collage at ilagay sa murang frame o lumang frame na pinalamutian. 
  3. Personalized card na may taos-pusong liham gamit ang makukulay na papel at ilang dekorasyon. 
  4. Pagluluto ng pagkaing paborito ng pagbibigyan o paggawa ng mga makukulay na kakanin na bagay sa Kapaskuhan. Halimbawa nito ay gelatin, sapin-sapin, macaroons, biskuwit at iba pa.
  5. Coffee gift bag. Bumili ng giniling na kape at i-repack sa maliliit na coffee pouch na mabibili online. Maaaring samahan ng customized coffee mug. Puwede din itong gawin sa tsaa.
  6. Customized recipe booklet. Tipunin sa binder ang mga paboritong recipe ng pamilya at i-print o isulat sa magandang papel. 
  7. Halamang sariling tanim. Ilagay sa magandang paso ang halaman at lagyan ng ribbon bilang palamuti.
  8. DIY scented candles. Gumamit ng murang puting kandila. Tunawin ang wax at itabi ang mitsa o wick, lagyan ng pabango mula sa essential oils at ihulma sa lata. Ibalik ang mitsa bago ito tumigas.

Sa gitna ng kahirapan, napakadali nating makalimutan na ang tunay na diwa ng Pasko ay nasa pagmamahal at pagbibigayan. Kaya huwag nang mag-atubiling gawing mas personal at makabuluhan ang iyong handog sa mga minamahal.