Ang dapat mabatid ng gitnang uri
Sa isang engkuwentro ko sa mga katagang “new poor,” muling sumulpot ang matagal ko nang pangamba: totoo palang we are just one hospital bill away from poverty.
Ilang buwan ko na rin pinaglilimian ‘to. Paano ko lalampasan ang sariling pribilehiyo? Sa isang engkuwentro ko sa mga katagang “new poor,” muling sumulpot ang matagal ko nang pangamba: totoo palang we are just one hospital bill away from poverty.
Taong 2019 noong isinugod ako sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang. Nasa likod lang iyon ng pinapasukan kong eskuwelahan para sa senior high school.
Noong una, panlalamig lang ng katawan at panginginig. Hanggang hindi na sapat ang pagtatalukbong sa kumot dahil sa panlalamig ng buong katawan. Nang dalhin ako sa malapit na health center, may UTI raw ayon sa ipinasa naming sample ng ihi, kalauna’y napag-alaman na dengue na pala ang sakit ko.
Noong una, ang sabi ng nanay ko e dalhin pa ako sa pribadong ospital. Pero sa totoo lang, mahirap nang kapusin kapag nasa loob na ng mamahaling ospital. Kung tutuusin, isa lang ang maospital sa napakaraming karanasang magmumulat sa akin bilang nakatanghod lang sa tarangkahan ng mababang gitnang uri. Nariyan ang paghahanap ng papasukang kolehiyo sa kalagitnaan ng hindi masugpo-sugpong Covid-19 no’n hanggang sa paghahanap ng mga side gig at raket pandagdag baon.
Minsan ay hindi ko lubos maisip kung papaano kinakaya ng iba kong kasamahan makipagsabayan sa mga panibagong modelo ng sapatos o selpon habang ako tatatlo lang ang iniikutang sapatos, butas pa ang medyas sa loob. Pero pribilehiyo pa rin ang makatatlong sapatos, napapasok man ng tubig-baha o hindi, butas man ang medyas o buo. Sa matagal-tagal na panahon, akala ko ayos lang ang ganito. Ayos lang na buti ay mayroon pa.
Habang tunay ngang mapalad ang magkaroon pa ng mga ganito, sa loob-loob ko, alam kong mali ang makuntento. May mali para sa akin dahil may nakikita akong mga nakakapagpakasasa sa luho. Akala ko inggit lang ‘to sa kung anong mayroon ang nakatataas sa akin e, pero sa tuwing kailangan kong tipirin ang sarili sa pagkain at pamasahe, parang hindi na ata tamang may mga opisyales na nakakabili ng higit kuwarentang sasakyan.
Alam kong hindi madaling gawing libre ang mga serbisyo, pero nakakabagot na rin kapag mismong serbisyo ang ginagawang pang-araw-araw na negosyo ng estado.
Libre na nga ang makapag-aral sa isang pamantasan, pero kailangan ko pa ring maghanap ng puwedeng pagkakitaan para sa masustansiya at murang pagkain pati pambayad sa kuryente, tubig at renta.
Habang pauwi ako ng Laguna nitong nagdaang bakasyon, bitbit ang maleta at dalawang bag, natiyempuhan ko pa ang libreng sakay sa MRT. Ibang ginhawa rin ang dala kapag nakakalibre. Kaso minsanan lang ang mga ‘to. Tuwing papalapit na ang Pasko, o minsan kapag araw ng bayani, o para lang masabing saludo ang estado sa mga anakpawis.
Sa mga sandaling nakalalasap ako ng mga panandaliang ginhawa, kumakatok ang tanong na “Kaya naman pala e, bakit hindi kaya ng higit sa madalas?”
Alam kong hindi madaling gawing libre ang mga serbisyo, pero nakakabagot na rin kapag mismong serbisyo ang ginagawang pang-araw-araw na negosyo ng estado. Marami-rami pa ang kailangang bunutin at buuin para makatikim naman tayo ng mga libreng serbisyo at maagap na benepisyo mula sa gobyerno. Sa usaping ‘to, nasaan ang mga tulad ko?
Kapag binibigyan ko ng kahulugan ang gitna, nagsisimula ako sa dalawang panig. Nauuwi ako sa posisyong “tila X pero hindi ganap na Y.” Minsan, ilang daang piso lang ang agwat mo para makapasok sa isang scholarship stipend program, pero halos pagdabugan ka ng nagsasarang pinto.
Sa ganitong mga pagkakataon tayo namumulat sa mga oportunidad na ipinagkakait sa atin, lalo na sa higit na walang kaya. Sa mga ganitong pagkakataon din dapat nasusubok ang mga paniniwala at pakikipagpanig natin. Nasaan man tayo sa saray ng tinatawag nating gitna, siguradong maraming gastusin at iba pang hamon na aalog sa umuuga nang kinatatayuan natin.
Habang iginigiit natin ang kahingian ng libre at dekalidad na serbisyo sa bansang ‘to, mainam na tuloy din tayo sa pakikinig sa mga hinaing ng mas kapos sa atin. Ang pakikinig din na ‘to ay hindi lang tuwing Pasko, o araw ng mga magigiting, o kung tuwing napabibilang na tayo sa kinakapos. Ang ganitong pakikipagkaisa sa mga api ang siya dapat na taunang tangan ng gitnang uri.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.