Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Sa binyag, tinawag na minamahal

Sa binyag, nasasaklaw tayo ng malawak na yakap ng Diyos. Nagiging bahagi tayo ng isang pamilya, ang Katawan ni Kristo, kung saan walang itinataboy at walang sinasadyang iwanan.

Madalas nating marinig ang biro, minsan may halong pangungutya, minsan may lungkot: ang pananampalataya raw ng mga Katolikong Pilipino ay umiikot lang sa KBL—kasal, binyag at libing.

May nagsasabi pang tayo’y “sacramentalized” pero hindi ganap na “catechized.” At kung tutuusin, may kurot ng katotohanan ito, lalo na kung ang binyag ay nauuwi lang sa paghahanda ng handaan, pagpili ng ninong at ninang, magagarang damit at retrato para sa alaala. Isang mahalagang araw, oo, pero madalas isang araw lang.

Ngunit ating maririnig sa mga pagbasa ngayong Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, unti-unting binabasag ang makitid nating pag-unawa.

Sa unang pagbasa, inilalarawan ni propeta Isaias ang lingkod na pinili ng Diyos at pinatibay ng Espiritu. Siya ang magdadala ng katarungan, ngunit hindi sa paraang dinudurog ang mahihina. Siya ang magiging liwanag ng mga bansa, hindi sa pamamagitan ng ingay o dahas, kundi sa tahimik at matatag na katapatan.

Isang misyon na hindi naghahanap ng pansin, kundi nag-aalay ng pag-asa. Kaya hindi nakapagtataka na ito ang unang pagbasa para sa araw na ito, sapagkat kay Hesus mismo natutupad ang larawan ng lingkod na ito.

Sa Ilog Jordan, pumasok si Hesus sa tubig hindi dahil kailangan niya ng paglilinis. Wala siyang kasalanang huhugasan. Ngunit pinili niyang makiisa. Nakisawsaw siya sa ating kalagayan, sa ating kahinaan, sa ating pangangailangan ng Diyos. Hindi siya nanatili sa pampang. At nang siya’y umahon, nabuksan ang langit, bumaba ang Espiritu tulad ng isang kalapati at narinig ang tinig ng Ama: “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”

Kapansin-pansin ang oras ng tinig na ito. Narinig ito bago pa gumawa si Hesus ng anumang himala, bago pa siya mangaral, bago ang krus, bago ang muling pagkabuhay. Tinawag siyang minamahal hindi dahil sa kanyang nagawa, kundi dahil siya ay Anak.

Dito nagiging malinaw ang kahulugan ng binyag. Hindi ito gantimpala sa pagiging mabuti at lalong hindi ito medalya ng karangalan. Ito ay paunang pahayag ng Diyos: “Ikaw ay akin. Mahal kita.” Bago pa tayo makagawa ng anuman, inaangkin na tayo ng Diyos. At sa bawat yugto ng ating buhay, kahit sa mga sandaling tayo’y nadadapa, patuloy niyang ibinubulong ang parehong salita.

Sa ikalawang pagbasa mula sa Gawa ng mga Apostol, pinaaalalahanan tayo ni San Pedro na ang ganitong pag-ibig ay walang kinikilingan. Hindi ito reserbado para sa iilan. Hindi nagtatangi ang Diyos. Tinatanggap niya ang lahat, mula sa bawat bansa, na naghahanap sa kanya at nagsisikap mamuhay nang matuwid. Ang binyag, kung gayon, ay hindi pader na naghihiwalay, kundi pintuang nagbubukas.

Sa binyag, nasasaklaw tayo ng malawak na yakap ng Diyos. Nagiging bahagi tayo ng isang pamilya, ang Katawan ni Kristo, kung saan walang itinataboy at walang sinasadyang iwanan. Idinaragdag ng salmo ang isang makapangyarihang larawan: ang tinig ng Panginoon sa ibabaw ng tubig. Ito’y maringal ngunit hindi nakakatakot. Hindi nananakot, kundi nagbibigay ng kapayapaan. Ganyan din ang binyag. Hindi lang ito pagbigay ng pangalan, kundi pagbuhos ng biyaya na nagbibigay direksiyon sa buong buhay.

Kaya sa tuwing nag-aantanda tayo ng krus, hindi lang tayo gumagawa ng nakagawiang kilos. Inaalaala natin kung sino tayo at kung kanino tayo nabibilang. Mga anak ng Diyos na minamahal, pinili at pinahiran, hinirang na magdala ng liwanag at kapayapaan sa isang mundong balisa, sugatan, at madalas nawawalan ng pag-asa.

At kapag dumating ang mga sandaling nagdududa tayo sa ating halaga, kapag tinatanong natin kung may saysay pa ba ang ating buhay at pananampalataya, balikan natin ang tubig na unang humubog sa atin. Pakinggan muli ang tinig ng Ama, isang tinig na hindi kumukupas ang lambing at hindi nawawala ang bisa: “Ikaw ang aking minamahal na anak.”