Sumikat upang magliwanag
Ang liwanag ng kaharian ng Diyos ay nasusukat hindi sa lawak ng kapangyarihan, kundi sa lalim ng habag. Kaya kapag ang liwanag ay totoo, ang unang naaabot nito ay ang mga nasa laylayan.
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon – Isaias 60:1-6| Salmo 71 | Efeso 3:2-3a, 10-11, 12-13 | Mateo 2:1-12
Minsan, may biro tayong mga Pilipino kapag may isang taong mahusay, sikat o palaging napapansin: “Star ka talaga!” Madalas, may halong paghanga, pero minsan may kasamang insecurities, na para bang may liwanag na mas maliwanag kaysa sa atin. Kaya tuloy ang tanong: humahanga ba tayo sa liwanag ng iba o nabubulagan lang tayo dahil masyado tayong nakatingin sa sarili nating kakulangan?
Sa Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, isang kakaibang bituin ang inilalagay sa gitna ng ating pagninilay. Ang bituing nakita ng mga Pantas ay hindi bituin ng inggit o kompetisyon. Hindi ito nariyan para tabunan ang liwanag ng iba, kundi para magturo ng daan. Ang liwanag nito ay hindi humihingi ng pansin sa sarili, kundi tahimik na nagtuturo patungo sa tunay na liwanag—kay Kristo.
Ganito ang larawan sa unang pagbasa mula kay Isaias: “Bumangon ka at magliwanag.” Ang liwanag ng Jerusalem ay hindi galing sa sarili nitong lakas, kundi sa kaningningan ng Diyos na sumisinag dito. Dahil dito, ang mga bansa ay kusa nang lalapit. Ibig sabihin, ang bayan ng Diyos ay hindi kailangang magyabang o mangibabaw. Sapat nang magpaliwanag, at ang liwanag na iyon ang siya mismong mag-aanyaya.
Ito rin ang tinutukoy ng Salmo: isang hari na namumuno sa katarungan, may malasakit sa mahihirap at nagtatanggol sa naaapi. Ang liwanag ng kaharian ng Diyos ay nasusukat hindi sa lawak ng kapangyarihan, kundi sa lalim ng habag. Kaya kapag ang liwanag ay totoo, ang unang naaabot nito ay ang mga nasa laylayan.
Sa Mabuting Balita, ang mga Pantas mula sa Silangan ang nakakakita sa bituin at sumusunod dito. Nakapagtataka, sila ay mga dayuhan, mga Hentil, hindi kabilang sa bayang hinirang. Samantalang ang mga dapat sanang unang makakita—ang mga pinuno ng bayan, ang mga eskriba at saserdote—ay nanatiling nakatigil. Parang sinasabi ni San Mateo, may kaunting irony: “Buti pa ang mga tagalabas, sila ang unang nakaunawa.”
Sa pamamagitan ni Kristo, ang mga Hentil ay kabahagi na ng iisang katawan at iisang pangako. Ang liwanag ng Diyos ay hindi pag-aari ng iilan. Ito ay handog sa lahat ng handang maglakbay, magtanong at magpakumbaba.
Dito nagiging malinaw ang ikalawang pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso. Ang hiwaga ng Diyos ay ito: sa pamamagitan ni Kristo, ang mga Hentil ay kabahagi na ng iisang katawan at iisang pangako. Ang liwanag ng Diyos ay hindi pag-aari ng iilan. Ito ay handog sa lahat ng handang maglakbay, magtanong at magpakumbaba.
At nang marating ng mga Pantas ang kanilang paroroonan, hindi palasyo ang kanilang nadatnan, kundi isang simpleng bahay. Hindi trono, kundi isang sanggol sa piling ng kanyang ina. Ngunit dito, sa karaniwang tagpong ito, naranasan nila ang pambihirang presensiya ng Diyos. Kaya sila ay nagalak nang labis, sumamba at naghandog—hindi lang ng ginto, kamanyang at mira, kundi ng kanilang sarili.
Pagkatapos nito, “nag-iba sila ng daan pauwi.” Ito ang palatandaan ng tunay na Epipanya: kapag ang isang tao ay nakatagpo ng Diyos, hindi na siya bumabalik sa dating landas. Ang mga Pantas ay hindi bumalik kay Herodes, ang haring takot sa liwanag at nakakakita ng banta sa halip na biyaya. Sa halip, umuwi silang dala ang liwanag na kanilang nasilayan.
Tila ang mga Pantas mismo ang naging mga bituin. Hindi upang mangibabaw, kundi upang magdala ng liwanag sa kani-kanilang bayan. Ito rin ang paanyaya sa atin ngayon. Ang Epipanya ay hindi lang pagdiriwang ng isang bituing minsang sumikat sa langit. Ito ay paanyaya na tayo mismo ay maging liwanag: sa paraan ng pamumuhay na makatarungan, mapagkalinga at bukas sa iba.
Kaya tayo ay inimbitahang magnilay: tulad ba tayo ni Herodes, na nababahala kapag may liwanag na hindi natin kontrolado? O tulad ng mga Pantas, handa tayong maglakbay, magbago ng landas, at magdala ng liwanag pauwi?
Ang liwanag ni Kristo ay hindi kailanman nauubos kapag ibinabahagi. Sa halip, lalo itong dumarami. Kaya magliwanag tayo—hindi para tabunan ang iba, kundi upang ituro kung nasaan ang tunay na liwanag na hindi kailanman kumukupas.