Buhay na may lasa’t nagniningning
Ang pagiging alagad ay hindi lang tungkol sa kung ano ang tinatanggap natin mula sa Diyos, kundi kung anong uri ng presensiya ang pinipili nating maging sa lipunan at sa buhay ng kapwa.
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 58:7-10 | Salmo 111 | 1 Corinto 2:1-5 | Mateo 5:13-16
Ako lang ba ang nakakaranas na para bang may mga panahong parang walang lasa ang buhay. Kung tutuusin, meron naman tayo: may trabaho, may kinakain, may ilaw sa bahay, pero may kung anong kulang.
Parang may mali, pero hindi mo agad maipangalan. Sa gitna ng pagod, ingay, at paulit-ulit na problema ng mundo, kusang bumubulong ang tanong: sapat na ba ang pagiging Kristiyano ko o sanay na lang akong maging tahimik?
Sa Mabuting Balita, hindi nagbigay si Hesus ng abstrakto o malabong paliwanag. Direkta Siya sa pagsasabing, “Kayo ang asin ng sanlibutan. Kayo ang ilaw ng daigdig.” Hindi ito isang pagpipiliang paraan ng pamumuhay at lalong hindi rin ito titulo. Isa itong pananagutan. Ang asin ay hindi para sa sarili. Kapag nanatili ito sa garapon, wala itong silbi. At ang ilaw na tinatakpan ay parang buhay na natutong umiwas at matakot makialam.
Ito ang malinaw na sinasabi ng Diyos sa unang pagbasa mula kay Isaias. Hindi Niya tinatanong kung gaano kaganda ang ating dasal, kundi kung sino ang pinakain natin. Hindi kung gaano tayo kadalas magsimba, kundi kung sino ang pinatuloy natin.
Ang liwanag na hinihintay ng Diyos ay hindi dekorasyon. Ito ay liwanag na nagmumula sa katarungan, malasakit at pagtindig para sa kapwa. Kapag ito ang pinili nating pamumuhay, saka pa lang sumisikat ang bukang-liwayway at saka pa lang nagsisimulang gumaling ang sugat ng bayan at ng sariling puso.
Kung gayon, ang pagiging asin at ilaw ay hindi lang magandang imahen, kundi paanyaya sa pagpili. Sa harap ng kawalang katarungan, maaari tayong manatiling tahimik o makibahagi sa paghahanap ng tama. Sa gitna ng gutom, maaari tayong magbulag-bulagan o magbahagi. Sa harap ng kasinungalingan at pang-aabuso, maaari tayong makisabay o tumindig para sa katotohanan. Ang pagiging alagad ay hindi lang tungkol sa kung ano ang tinatanggap natin mula sa Diyos, kundi kung anong uri ng presensiya ang pinipili nating maging sa lipunan at sa buhay ng kapwa.
Lumabas tayo at makialam. Huwag tayong masanay sa matabang buhay-pananalig na walang tinatapakan at walang tinatamaan. Piliin nating mamuhay ng may lasa, isang buhay na humahamon sa kawalang pakialam at nagpapatingkad ng katarungan sa gitna ng dilim.
Ito rin ang sinasabi ng Salmo: “Sa dilim ay may liwanag sa taong nahahabag.” Hindi sa taong may kapangyarihan. Hindi sa may impluwensiya. Kundi sa taong marunong makiramay. Ang liwanag ng Diyos ay hindi hiwalay sa mahihirap. Nandoon ito kung saan may nagugutom na pinapansin, may naaapi na ipinagtatanggol at may sugatang hindi iniiwan.
Ngunit huwag nating isipin na madali ito. Sa Unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto, kanyang sinasabi na minsan, tayo rin ay mahina, takot at nanginginig. Minsan, parang mas madali na lang manahimik.
Ngunit doon mismo kumikilos ang Diyos. Hindi sa tapang natin, kundi sa kapangyarihan Niya. Hindi sa galing ng salita o talino ng tao, kundi sa patotoo ng Espiritu at sa kapangyarihan ng Diyos na nahahayag sa krus.
Ngayong Linggo, mas maigi na ang pagnilayan ay hindi kung Kristiyano ba tayo, kundi kung bakit minsan parang walang lasa ang ating pananampalataya at kung bakit may mga sandaling pakiramdam natin ay madilim pa rin kahit may ilaw.
Marahil hindi dahil kulang ang Diyos, kundi dahil natuto tayong manatili sa garapon at magtago sa ilalim ng takalan. Ang pananampalatayang hindi nakikialam ay unti-unting nawawalan ng alat at liwanag.
Kaya ito ang paanyaya sa atin ngayon. Lumabas tayo at makialam. Huwag tayong masanay sa matabang buhay-pananalig na walang tinatapakan at walang tinatamaan. Piliin nating mamuhay ng may lasa, isang buhay na humahamon sa kawalang pakialam at nagpapatingkad ng katarungan sa gitna ng dilim.
Kapag ang pananampalataya ay nagiging pagkilos para sa iba, saka natin nauunawaan na hindi pala kulang ang buhay. Kulang lang ang mga alagad na handang maging asin at ilaw ng mundo.