Analysis

Hindi ba’t kahangalan ang korupsiyon?


Isang malaking kahangalan ang korupsiyon, ngunit mas malalim ang ugat ng pumapalyang ekonomiya at mas malaki ang kakailanganin upang maiwasto ito.

Kabi-kabila muli ang mga teknokratikong moralisasyon na nagpapaliwanag kung bakit korupsiyon ang pinakamalaking problema ng ekonomiya. Karaniwan at tumatagos sa mga pampolitikang kampo ang pagkadismaya.

Sinisisi ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang mga economic manager ang korupsiyon sa mabagal na paglago ng ekonomiya. Itinuturo ng maraming kritikong may mabuting hangarin—at marami ring may hindi mabuting hangarin—ang korupsiyon sa mga mahinang macroeconomic indicator at pati na ang malubhang underdevelopment.

Samakatuwid, kulang ang bansa sa “good governance” o mabuting pamamahala at ang kompiyansa ng mga mamumuhunan at maingat na paggastos na kaakibat nito.

Nakakakumbinsi ang mga argumento dahil kung ayaw mo sa mabuting pamamahala, parang kinamumuhian mo na rin ang iyong ina. Ngunit kagandahang asal at mabuting intensiyon lang ba ang kailangan natin?

Sa totoo lang, kailangan din natin ng “good economics.”

Ibayong lumubha ang korupsiyon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Kasama ang nakalululang dinambong ng kanyang amang diktador, tinatakan na nito ang pangalang Marcos bilang manipestasyon ng pinakamalalang korupsiyon sa politika ng Pilipinas.

Kuntodo ang pagpupursigi ng administrasyong Marcos Jr. nang mapasakamay nito ang pambansang badyet. Ang mga unprogrammed appropriation (UA)—na batid na ngayon bilang pamalit sa pork barrel liban pa sa presidential pork barrel—lumobo nang tatlong ulit (221% na pagtaas) mula P251.6 bilyon noong 2022 na naging P807.2 bilyon noong 2023.

Medyo binabaan naman ang UA noong 2024 sa halagang P731.4 bilyon—na sa katunaya’y sinang-ayunan ng mga oposisyong liberal sa Senado—at iba pa nang ulit sa P531.7 bilyon noong 2025.

Nariyan pa rin naman ang matatabang pondo sa regular na badyet—may halos P500 bilyon sa mga iba’t ibang hard infrastructure na pork barrel, P200 bilyon sa mga samu’t saring soft pork barrel na proyektong ayuda at bilyon-bilyong confidential at intelligence funds kasama na ang P4.56 bilyon sa Office of the President.

Ibig sabihin nito na trilyon-trilyong piso ang ginagasta ng pamahalaan batay sa makasariling politika, kliyente at korupsiyon imbis na sa kapakanan at kaunlarang  kinakailangan ng publiko—kahit ano pang pasirko-sirko ang gawin para pagmukhain para sa mamamayan ang mga proyekto. Kahit saang anggulo natin tingnan, masama ito.

Gayunpaman, nagsisimula ang suliranin kapag pinilit ipaliwanag ang “korupsiyon” nang labis. Sa ngayon, ginagamit ang anomalya sa mga proyektong flood control para lahatang ipaliwanag ang mabagal na pag-unlad, mahinang pamumuhunan at mababang halaga ng piso.

Hindi nakabatay sa datos ang mga paliwanag na ito. Bumagal na ang ekonomiya nang maabot nito ang pinakamataas na pag-unlad sa 7.1% noong 2016, o bago pa man tumaas ang persepsiyon sa korupsiyon nang mabunyag ang mga proyektong flood control at mga epekto nito.

Natabunan ng pagbagsak at pagbangon ng ekonomiya habang at pagkatapos ng pandemya ang patuloy na pagdausdos ng ekonomiya. Patuloy din ang pagbaba ng taunang pagpasok ng mga foreign direct investment (FDI) mula nang maitala ang pinakamataas nito na $12 bilyon noong 2021 at patuloy na pagbaba ng halaga ng piso mula P48 noong kalagitnaan ng 2021.

Tunay, kitang-kita at nakasisira ang korupsiyon. Pero hindi nito kayang ipaliwanag ang lahat.

Kahali-halina ang kuwento ng mabuting pamamahala dahil sa malinaw na moralidad, lalo na kapag ginamit ito laban sa mga matataas na opisyal, burukrata at sa mga nasa pribadong sektor na may kuwestiyonableng moralidad.

Ngunit nalilihis ng labis na pagdidiin sa pamamahala ang debate mula sa kung paano totoong gumagana ang ekonomiya—kasama kung paano pumapalya ang merkado at tubo—sa kung paano ba dapat umasta ang mga tao. Sinasabi nito na sa pagsunod sa mga patakaran at paggamit nang tama sa pondo, gagana nang maayos ang merkado na parang salamangka.

Nakapapanatag sa isang Katolikong bansa ang ganitong moralistang paliwanag sa kabila ng kakulangan sa pagsusuri at paghalili ng kabanalan sa estratehiya.

Hindi simpleng paglabag sa mga regulasyon ang sentral na suliranin ng Pilipinas. Masyadong maliit ang iniluluwal ng ekonomiya para sa mga pangangailangan ng mga Pilipino, na hindi sapat ang mga trabaho at pasahod, at lahat ng ito’y dahil sa ang balangkas ng ekonomiyang nagbubuo ng mga ekonomikong patakara’y hindi tugma sa kalagayan ng mamamayan.

Hindi malulutas ng mabuting pamamahala kung paanong ginawa ng patakaran sa “globalisasyon” na mababaw ang manupaktura, nakasandig sa pag-aangkat at dominado ng dayuhan—na dumulo sa pinakamababang ambag nito sa ekonomiya sa loob ng 77 taon.

Hindi nito malulutas ang agrikulturang bagsak sa pinakamaliit na ambag nito sa kasaysayan ng bansa sa produksiyon ng mahal na pagkain habang ginagawang pinakamahihirap sa lipunan ang mga magbubukid at mangingisda. Hindi magiging abot-kaya ang pribadong edukasyon, serbisyong pangkalusugan at pabahay—kahit pa gamitin ang kabang bayan para subsidyohan ang tubo ng pribadong sektor.

Ang mga problema sa produksiyon at serbisyo publiko’y mula sa depekto at lipas na balangkas ng “free market” o malayang merkado—hindi lang sa kakulangan ng pamamahala. Pinalalabo ito ng pagsisi sa korupsiyon.

Kinakailangang magsilbing pangkaunlarang estratehiya ng estado ang mas malinis na pamamahala para protektahan at suportahan ang lokal na agrikultura at industriyalisasyon ng Pilipinas, at sa direktang paglalaan para sa pampublikong edukasyon, kalusugan at pabahay para sa lahat.

Ngunit sa praktika, ipinapalagay ng naratibo ng mabuting pamamahala ang pagpapasaya ng mga mamumuhunan bilang natural na gana ng ekonomiya. Kung mapapanumbalik ang integridad ng gobyerno, dadagsa ang mga mamumuhunan at lalago ang ekonomiya para iangat ang milyon-milyong mamamayang Pilipinong naghihirap at bulnerable.

Sa kasamaang palad, kung walang pambansang pangkaunlarang estratehiya, lahat ng ipapatupad ng mas malinis na pamamahala ay simpleng paglilipat ng kapital nang mas episyente sa mga mas pagkakakitaan ngunit kontra-kaunlarang gamit.

Nagsimula ang globalisasyon ng malayang merkado noong 1980s at walang ekonomiya ang naging industriyal at umunlad mula noon. Sa katunayan, umatras pa nga ang industriya sa United States (US). Malaon nang kailangang isantabi ang pagtingin na magkakaroon ng kaunlaran sa pamamagitan ng neoliberal na globalisasyon.

Ang mga huling nakaranas ng industriyalisasyon sa mundo ay South Korea, Taiwan at maliliit na bansa ng Singapore at Hong Kong noong 1960s at 1970s. Mistulang nagawa ito ng China noong 2000s ngunit ang batayan ng kanilang industriyalisasyon ay naipundar na sa panahon ng sosyalismo noong 1950s.

Wala sa mga nahuling nag-industriyalisa sa Silangang Asya ang naghintay ng malinis at walang bahid na institusyon ng pamamahala bago tuluyang magbago ang kanilang mga ekonomiya.

Sa kabilang banda, nag-industriyalisa ang South Korea at Taiwan sa ilalim ng mga kondisyong pamilyar ang mga Pilipino ngayon—pampolitikang pamamadrino, diskresyonaryong panghihimasok ng estado at ‘di perpektong pag-iral ng batas.

Nasa likod naman ng pag-angat ng ekonomiya ng Singapore ang pangunguna ng estado sa industriyalisasyon, pagbuhos ng pamumuhunan, at kontrol sa pinansiya at lupa.

Siyempre, hindi pasok ang China sa liberal na modelo ng mabuting pamamahala kundi ang kabaliktaran nito: awtoritaryanismo at sarado. Tila nakakalimutan ng naratibo ng mabuting pamamahala kung paanong ang pang-ekonomiyang tagumpay ng China ay hatid ng tahasang pangunguna ng estado sa industriyalisasyon, pagbuhos ng pamumuhunan, kontrol sa pinansiya at lupa—na mas malaki pa sa Singapore—at ang pagsasailalim ng mga merkado sa pangmatagalang layunin sa produksiyon at pag-upgrade.

Ang pinakamahalaga sa kanilang kaunlaran ay hindi ang pagsamba sa mabuting pamamahala, ngunit ang makabuluhan at estrahetikong direksiyong pang-ekonomiya ng estado batay sa patakaran ng pambansang industriyalisasyon. Totoo ang kanilang “whole of nation” approach at hindi lang retorikal.

Pinabubulaanan din ng karanasan sa Silangang Asya ang “investor confidence” hype sa isang banda—maliit na bahagi lang ang mga dayuhang mamumuhunan sa pag-angat ng kanilang ekonomiya.

Noong 1970s at maagang bahagi ng 1980s, ang taunang FDI sa South Korea at Taiwan ay nasa 0.3% hanggang 1.2% ng kanilang gross domestic product (GDP) at 1.1% hanggang 5.2% ng gross fixed capital formation; ang stock ng FDI ay nasa 1.7% hanggang 5% lang.

Ngayon, matapos ang dekadang liberalisasyon, mas marami pang FDI ang Pilipinas kung susukatin sa ganoong paraan. Mula 2020, nasa 2.3% ang taunang FDI at nasa 9% ang gross fixed capital formation; ang stock ng FDI ay katumbas ng 27.3% ng GDP. Mas maraming FDI, pero malinaw na hindi pa rin umaangat.

Ang paglago at pag-unlad ay hindi sumusunod sa pagwawakas ng korupsiyon—pag-unlad ng ekonomiya, tumataas na produksiyon at disiplina ng estado ang nagpapaliit ng puwang dito. Hindi pamalit ang mabuting pamamahala sa isang pangkaunlarang estratehiya.

Kombenyente sa politika ng pagtutok sa usapin ng korupsiyon. Paglihis ito sa pagharap sa mga mahihirap na katanungan sa namamayaning kapangyarihan at kaayusan—dominasyon ng dayuhan sa manupaktura, oligarkong poder sa mga yutilidad, pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan, konsentrasyon ng lupain sa iilan at pagkiling ng patakaran laban sa reporma at redistribusyon.

Mas madaling manisi at kumondena ng mga tiwaling opisyal at indibidwal kaysa amining nakadisenyo ang ekonomiya para gawing mayaman ang iilan sa kapinsalaan ng mas nakararami na pinananatiling mahirap at bulnerable, at ang sistemang nagpapabuya sa pagiging tuso at espekulatibo imbis na produksiyon.

Dahil kung aamining ganoon nga ang kalakaran, nangangahulugang mas malaki ang kakailanganing baguhin para maayos ang ekonomiya.

Dekada nang iginigiit ng mga militante at progresibong grupo ang isang komprehensibong pangkaunlarang estratehiya—pambansang industriyalisasyong nakabatay sa repormang agraryo at pag-unlad ng kanayunan, habang ibinibigay ang tunay na unibersal na mga serbisyong panlipunan.

Mahalaga ang pamamahala, ngunit hindi ang liberal na mabuting pamamahala na makitid at paling sa pagtityak ng tubo ng mga mamumuhunan. Ipinapakita lang nito kung paanong ang pananaw na ito’y nakaukilkil na at pinag-iibayo ang mga umiiral na ‘di patas na relasyon ng kapangyarihan, mga makauring interes at mga materyal na kondisyon.

Higit pa doon, kailangan ng bansa ng demokratikong pamamahala na hinaharap ang kapital (dayuhan at lokal) at ang makasariling politika ng iilan, at may kakayahang tahakin ang mahirap na landas sa pagbubuo ng isang ekonomiyang mag-aangat sa nakararami imbis na pagkakitaan ng iilan. /Unang inilathala ng Ibon Foundation noong Ene. 18, 2026. Salin ni Marc Lino J. Abila