Kagandahan sa panahon ng flood control
Marahil, sa panahon ng flood control—literal man o metaporikal—ang tanong ay hindi kung anong kulay ang babagay sa atin, kundi kung anong uri ng lipunan ang nais nating buuin.
Sa panahong mas mabilis pa ang pagdating ng bagong lipstick kaysa sa pag-usad ng mga proyektong flood control, tila naging mas madali ang pag-abot sa konsepto ng kagandahan kaysa sa pagresolba ng mga suliraning panlipunan.
Isang pindot lang sa telepono, bubungad ang daan-daang produkto: foundation na may iba’t ibang finish, blush na may pangakong “natural glow” at lipstick na may pangalan pang tila kuwento ng pag-ibig. Nakakabudol ang mga kakaibang ngalan nila. Sa sobrang dami, hindi na malaman kung ano ba talaga ang kailangan at kung alin ang nais lang iparamdam na kailangan.
Malaki ang impluwensiya ng mga influencer sa ganitong kalakaran. Halos bawat scroll sa social media ay may kasamang patalastas na minsan ay tahasan, minsan nakabalot sa anyong “rebyu” o “self-care routine.”
Buwan-buwan may bago, may mas “maganda,” mas “long-lasting,” mas “worth it.” Unti-unting nahuhubog ang paniniwala na ang kagandahan ay laging may kasunod na produkto at ang kompiyansa ay maaaring bilhin kung tama ang brand na hawak mo.
Sa ganitong lente, ang kagandahan ay hindi na karanasan kundi kalakal. Nagkakaroon ito ng presyo, ranggo at antas. Mas mahal ang produkto, mas mataas ‘di umano ang tiwala sa sarili. Para bang ang kompiyansa ay nakapaloob sa bote, at ang pagtingin sa sarili ay nakasalalay sa shade na tumutugma sa balat.
Ngunit kung susuriin, hindi ba’t delikado ang ganitong paniniwala—ang ipagkatiwala sa pamilihan ang ating pagpapahalaga sa sarili?
Mas lalong tumitindi ang paghahangad kapag ang nagtuturo ng pamantayan ng kagandahan ay yaong may kapangyarihan at kayamanan. Kapag ang mga mukha sa ating screen ay konektado sa yaman, sa negosyo o maging sa pamahalaan, nagkakaroon ng kakaibang awtoridad ang kanilang payo.
Hindi maikakaila ang ambag nito sa lumalalang konsumerismo. Patong-patong ang binibili, bihira ang nauubos. Sampung blush, sampung foundation, sandaang lipstick—parang walang hanggan ang kakulangan na pilit pinupunan ng kulay at kinang.
Sa halip na kasiyahan, madalas ay panandaliang saya lang ang naibibigay, na agad ding napapalitan ng panibagong pagnanais. Ang siklo ng pagbili at pagkabagot ay nagiging normal, tila bahagi ng pang-araw-araw na paghinga.
Ako man ay hindi ligtas sa ganitong daloy. Nabudol din ako sa pangakong dala ng make-up—na may kulay na magpapaganda ng araw, may tatak na magpapalakas ng loob. Bentang-benta sa akin ang ideya na maaaring baguhin ng kaunting pulbos at pigment ang paraan ng pagharap ko sa mundo.
Sa bawat pagbili, may kasamang pag-asang baka ito na ang magbibigay ng ganap na kompiyansa. Ngunit paulit-ulit ding napatunayang panandalian lang ang bisa nito.
Mas lalong tumitindi ang paghahangad kapag ang nagtuturo ng pamantayan ng kagandahan ay yaong may kapangyarihan at kayamanan. Kapag ang mga mukha sa ating screen ay konektado sa yaman, sa negosyo o maging sa pamahalaan, nagkakaroon ng kakaibang awtoridad ang kanilang payo.
Ang perang dapat sana’y para sa kapakinabangan ng nakararami ay umiikot sa imahen ng karangyaan at nagiging kasangkapan pa upang hikayatin tayong gumasta. Sa ganitong paraan, ang personal na “self-treat” ay tahimik na naiuugnay sa mas malawak na estruktura ng pribilehiyo.
Ngunit sa kabila ng lahat, nananatiling hungkag ang pangako ng kagandahang ibinebenta. Hindi nito napapalitan ang seguridad, ang dignidad o ang tunay na pagtingin sa sarili. Hindi nito natatakpan ang mga bitak ng lipunan—mga kalsadang lumulubog sa baha, mga proyektong hindi natatapos, mga pangakong paulit-ulit na ipinagpapaliban. Ang makulay na mukha ay hindi lunas sa maputik na reyalidad.
Marahil, sa panahon ng flood control—literal man o metaporikal—ang tanong ay hindi kung anong kulay ang babagay sa atin, kundi kung anong uri ng lipunan ang nais nating buuin.
Kagandahang hindi nakasandig sa presyo, hindi nakatali sa tatak at hindi ginagamit upang pagtakpan ang kakulangan ng pananagutan. Sapagkat ang tunay na ganda ay hindi binibili; ito’y hinuhubog sa paraan ng ating pagtingin, pagkilos, pagbago at pakikibahagi sa mundong patuloy nating nililikha.