Kumpirmasyon ng mga kaso ni Duterte sa ICC, tuloy na
Tuloy na ang paunang pagdinig ng ICC Pre-Trial Chamber I para sa kumpirmasyon ng mga kasong krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng mga patayan mula 2011 hanggang 2019 laban kay Rodrigo Duterte na magsisimula sa Peb. 23.
Matapos ang ilang buwang pagkabalam dahil sa mga mosyon at apela ng depensa, tuloy na ang paunang pagdinig ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I para sa kumpirmasyon ng mga kasong krimen laban sa sangkatauhan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Peb. 23 hanggang 27. Magkakaroon ng patlang na isang araw sa Peb. 25 ang paunang pagdinig.
Naniniwala ang Duterte Panagutin! Campaign Network sa kakayahan ng ICC na magsagawa ng patas at nararapat na pagdinig sa tatlong kasong kinakaharap ni Duterte kaugnay ng mga extrajudicial killing mula 2011 hanggang 2019.
“Lahat ng maaaring paraan ng due process at akomodasyon ay ibinigay na kay Duterte, habang ang mga biktima, makalipas ang 10 taon, ay hindi pa rin nadidinig sa isang patas na hukuman,” pahayag sa Ingles ni Jojo Lacanilao, convenor ng nasabing network.
Sinabi naman ng mga kaanak ng biktima na pagsilay ng pag-asa ang mangyayaring paunang pagdinig sa kumpirmasyon ng mga kaso.
“Hakbang ito para sa hustisya. Para itong pagsilip sa liwanag,” ani Sheerah Escudero ng Rise Up for Life and for Rights. Nakatatandang kapatid siya ng ni Ephraim Escudero na pinaslang sa San Pedro, Laguna noong 2017.
“Masakit man po na paulit-ulit na ikuwento sa harap ng maraming tao [at] sa harap ng midya ang story ni Ephraim, pero willing po kami na maranasan ang pain na ito nang paulit-ulit if it means getting justice and keeping Ephraim’s memory alive,” dagdag ni Escudero.
Bago ang paunang pagdinig para kumpirmasyon ng mga kaso, inilabas ng ICC ang public lesser redacted version ng Document Containing the Charges kung saan pinangalanan ang mga kasabwat ni Duterte sa mga pagpaslang.
Kabilang dito sina Senador Bato dela Rosa, Senador Bong Go, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre; dating National Bureau of Investigation director Dante Gierran; dating Philippine Drug Enforcement Agency chief Isidro Lapeña; dating Philippine National Police chief Oscar Albayalde at iba pang opisyal ng pulisya noong panahong alkalde ng Davao City at kalauna’y pangulo ng Pilipinas si Duterte.
Ayon sa Duterte Panagutin! Campaign Network, malaon nang itinatanggi ng mga nabanggit na opisyal ang kanilang pagkakasangkot sa mga pagpatay sa kabila ng ebidensiya laban sa kanila sa sistemikong korupisyon at pakikipagsabwatan para ipatupad ang madugong giyera kontra droga ni Duterte. Nagtatago na rin ang ilan sa mga pinangalanang kasabwat kabilang si dela Rosa.
Sa Peb. 23 at 27, sama-samang panonoorin ng mga kaanak ng biktima, abogado at tanggol-karapatan ang livestream ng paunang pagdinig ng ICC Pre-Trial Chamber I. May mga kaanak ng biktima at tanggol-karapatan ding susubaybayan ang paunang pagdinig mula sa public gallery ng ICC sa The Hague, The Netherlands.