Magsasaka sa Camarines Sur laban sa pagkamkam sa kanilang lupain
Napilitang umuwi si Ana Brizuela sa Bula, Camarines Sur mula Maynila matapos malamang isa siya sa mga residenting inutusan ng korte na lisanin ang kanilang tirahan.
Unang bahagi ng dalawang parteng eksklusibong ulat ng Bulatlat tungkol sa pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa sa Bula, Camarines Sur.
“Matagal na kaming nandito at basta na lang kaming palalayasin.”
Noong Ene. 4, 2026, napilitang umuwi si Ana Brizuela, 64, sa Sitio Portico, Barangay Fabrica, Bula, Camarines Sur mula Maynila matapos makatanggap ng tawag na nagsasabing isa siya sa mga residenting inutusan ng korte na lisanin ang kanilang tirahan.
Sinabihan siya ng Portico Banasi Household Farmers Association (PORBAHFA) na binigyan ang mga apektadong residente ng hanggang Ene. 31 upang lisanin ang lugar. Inilabas ni Judge Nydia Hebrio ng Pili Regional Trial Court (RTC) Branch 31 ang kautusan matapos ang pagdinig noong Okt. 29.
Sa ilalim ng Civil Case No. P-2653 laban sa pamilyang Tan, pinaboran ng korte ang mga Tan at inatasan ang pamilyang Brizuela na lisanin ang 700 square meters na lote na nakarehistro sa ilalim nina Carlos L. Tan, Zenaida L. Tan-De Las Alas at Sonny L. Tan. Nagsimula ang pagdinig sa Motion for Issuance of Writ of Demolition noong Setyembre ng nakaraang taon.
“Nagtatrabaho ako bilang kasambahay sa Maynila. Umuwi lang ako para dito,” sabi ni Brizuela.
Isa si Brizuela sa mga daan-daang residente, karamihan ay magsasaka, na apektado ng alitan sa lupa sa mga barangay ng Fabrica at Pawili na nasa pagitan ng national highway at national railway sa munisipalidad ng Bula. Kinuwestiyon ng PORBAHFA kung paano nakakuha ng titulo ang mga tagalabas nang hindi nalalaman ng mga residente.
“Ayon ang problema ko. Paano sila nakakuha ng titulo?” mariing tanong ni Brizuela na nagsasabing matagal na siyang naninirahan sa lugar at may binabayarang buwis sa lupa sa pangalan ng kanyang ama.
Ipinakita ni Brizuela sa Bulatlat ang kopya ng seritipikasyon mula sa City Environment and Natural Resources Office ng Iriga City na may petsang Peb. 16, 2001 na nagpapatunay na si Fernando Caigas, ama ni Brizuela, ay may-ari ng naturang lupa sa Sitio Portico, Barangay Fabrica, Bula, Camarines Sur base sa real property assessment at sertipikasyon mula sa Ministry of Natural Resources District Land Office ng Iriga City noong Set. 15, 1989. Napatunayan na nasa loob ng Alienable and Disposable Land alinsunod sa BFD Administrative Order No. A-2029 na may petsang Okt. 30, 1986.
Naglabas ang lokal na ahensiya ng sertipikasyon ng tamang sketch plan ng lugar na nasa pagmamay-ari ng ama ni Brizuela.
Noong Agosto 2018, naglabas ng sertipikasyon ang dating kapitan ng Barangay Fabrica na si Fortuno Bascuña na nagpapatunay na si Caigas ang may-ari ng naturang lupa batay sa real property assessment at sertipikasyon mula sa Ministry of Natural Resources District Land Office sa Iriga City noong Set. 15, 1989. Kinilala rin si Brizuela bilang anak ni Caigas.
Ayon kay Brizuela, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sila ang mamamahala ng pamamahagi ng titulo sa mga residente dahil sakop ng ahensya ang lugar.
“Sinabihan kami ng DENR na tatagal ng 30 taon bago maibigay sa aming mga nakatira talaga rito ang lupa. Naisumite na namin ang mga pangalan ng bawat residente,” sabi niya.
Noong 2013, sinabi ni Brizuela na pumunta sila sa DENR Legazpi City at mayroong kinatawan ng DENR Iriga City na bumisita sa kanila.
“Sabi nila (DENR) na ibibigay ang lupa sa mga residente rito pero mayroon pang nakabinbing kaso,” sabi ni Brizuela. “Ngayon, nalaman namin na mayroon nang bagong may-ari.”
Isa pang residente ang nagpahayag ng parehong sentimyento.
“Dito kami lumaki hanggang sa mag-asawa. Dito rin nakapagtapos ang mga anak namin. Kaya ang hiling namin sa gobyerno ay tulungan kaming huwag palayasin,” sabi ni Joy Baita, kalihim ng PORBAHFA.
Si Baita, 52, ay mayroong kalahating ektaryang lupa na tinataniman ng palay, saging at mais. Ang lupa ng kanilang pamilya na umaabot ng 12,679 square meters ay nakarehistro din sa ilalim ng mga Tan.
Kinakatawan ni Alan L. Tan ang pamilyang Tan sa kaso. Si Alan L. Tan ay chairperson ng Rinconada Allied Cultural School FDN. Inc., isang Chinese school na nasa Barangay San Jose, Iriga City na kumikita ng humigit-kumulang P127.94 milyon kada taon. Siya rin ang may-ari ng Jasaca Realty Corp. na nasa Barangay San Miguel, Iriga City at kasama ang kasalukuyan nitong presidente na si Tonny L. Taysalit. Mayroon din silang ari-arian sa Naga City.
“Maaaring ipatupad ang demolisyon at may 20 residente ang maaapektuhan. Hindi sila maililipat dahil matagal na silang naroon. Sana huwag na itong ituloy para hindi maalis ang kanilang mga bahay. Doon sila nagsasaka at kumukuha ng pagkain. Kapag natuloy ang demolisyon, wala nang matitira sa kanila,” sabi ni Eduardo Baliber, ang acting president ng PORBAHFA. /Unang inilathala ng Bulatlat noong Peb. 10, 2026. Salin ni Donavie Gud.
Basahin ang ikalawang bahagi ng ulat.