Mga magsasaka sa Camarines Sur laban sa banta ng pagpapaalis
Matapos ang mahigit 70 taon, humaharap sa banta ng pagpapalayas at seguridad sa kabuhayan ang mga magsasaka sa Bula, Camarines Sur
Ikalawang bahagi ng dalawang parteng eksklusibong ulat ng Bulatlat tungkol sa pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa sa Bula, Camarines Sur.
“Naghahanap kami ng mga makatutulong sa amin.”
Ayon kay Eduardo Baliber, 67, acting president ng Portico Banasi Household Farmers Association (PORBAHFA), kailangan ng kanilang grupo ng mas matibay na suporta mula sa kanilang mga miyembro at komunidad upang malampasan ang mga hamon sa pananatili sa kanilang mga lupain sa barangay ng Bula, Camarines Sur.
Kasama ang pamilya ni Baliber sa 186 na mga pamilyang naninirahan sa Barangay Pawili at Barangay Fabrica na maaapektuhan ng demolisyon dala ng alitan sa lupa (Civil Case No. P-2090) sa pagitan nina Conrado Colarina at ng Ruby Shelters Builders and Development Corporation (RSBDC) sa pangunguna ng presidente nitong si Ruben Sia.
Sa ilalim ng pangalan ng kanyang tatay na si Cecilio, regular na nagbabayad si Baliber ng buwis para sa kanilang 0.8736 ektaryang lupang sakahan sa Barangay Fabrica. Noong Ene. 19, nagbayad siya ng real property tax na nagkakahalaga ng P711.50 sa Bula Office of the Municipal Treasurer.
“Kailangan talaga nating magkaisa para mas maging malakas at hindi mapaalis. Matagal na tayong nakatira rito. Ang mga magulang ko, mga anak at mga pinsan ay lahat nakatira sa Barangay Fabrica,” sabi ni Baliber.

Matapos ang mahigit 70 taon ng pagsasaka at paninirahan sa komunidad, humaharap sa banta ng pagpapalayas at seguridad sa kabuhayan ang mga miyembro ng PORBAHFA.
Tinutulungan ng PORBAHFA, isang asosasyong nabuo noong 2015, ang mga miyembro nito sa paghahanap ng suporta mula sa mga ahensiya ng gobyerno at iba’t ibang grupo sa kabila ng suliranin sa pinansyal gaya ng travel expenses at pagsasaayos ng mga legal na dokumento.
“Napag-isipan naming bumuo ng organisasyon dahil lahat kami nakatira rito at kinakasuuhan ng mga Colarina,” sabi ng secretary ng grupo na si Joy Baita.
“Mahalaga ang pagiging kasapi sa organisasyon. Mahalaga ito para akin kasi nakatutulong ito sa pagpapaunlad ng sakahan namin. May naibibigay naman ang gobyerno, kahit maliit, nakatutulong pa rin,” sabi ni Baliber.
Ayon sa kanya, kailangan pa nila ng mas malawak na suporta para harapin ang laban sa korte para sa kanilang tahanan, buhay at kabuhayan.
“Kapag natalo kami roon, talagang wala nang matitira para sa amin,” dagdag ni Baliber na may mga palayan at may taniman ng mais at gulay.
Hinagpis at hiling
Ayon kay Esmundo Balager, 58, nakakapanlumo ang sitwasyon dahil maraming taon nilang binungkal ang lupa.
“Dati ay lugaw na tubo pa ang naroon nang simulan naming bungkalin,” sabi ni Balager. “Nitong mga nakaraang taon, inaangkin na ng Colarina ‘yong lupa. Anong ginagawa nila dito at bakit nila binebenta ang lupa? Hindi naman sila residente rito.”
“Ngayong mabuti na yung sitwasyon ng lupa namin, saka naman nila aangkinin. Sana hindi nila ito ituloy,” sabi ni Baita.
Ibinahagi ni Emily Teresita Ibasco, 64, kung paano itinayo ng kanilang pamilya ang bahay nila sa Sitio Portico, Barangay Fabrica noong 1968.
“Noong bata pa ako, marami akong binebenta para kumita at para itayo nang pakonti-konti ang bahay ko. Marami akong naging utang para lang dito,” sabi ni Ibasco. Tumagal nang ilang taon bago maging isang half concrete na bahay ang dating nipa lang nina Ibasco.

Kabado dahil sa banta ng pagpapaalis, napapatanong siya, “Paano kami magsisimula uli?”
“Kahit na ngayon, mababa ang kinikita namin dahil sa mahal na pataba at peste. Binibili nang mura ang palay namin,” sabi ni Ibasco.
Batid ni Kagawad Jerly Marmol ng Barangay Pawili na nagsasaka ng 8,853 square meters na lupang inaangkin ng pamilya Tan, na malalaking pamilya ang kanilang kalaban.
“Dapat imbestigahan ang mga ipinakita nila at mga ‘yong mga titulo ng lupa. Hindi namin. Hindi kami papayag nang ganoon lang. Dumating silang may titulong hawak kahit hindi naman sila nakatira rito,” sabi ni Marmol.
Dagdag niya, hindi sila naabisuhang nagsampa ng kaso ang mga Tan at Coralinas.
Paglaban ng magsasakang Bikolnon
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), maraming isyu sa lupa sa rehiyon na kailangang pag-usapan at resolbahin.
“Sa ngayon, walang kasiguraduhan ‘yong pagmamay-ari at pag-aayos ng mga lupang sinasaka ng mga magsasaka. Nahaharap sila sa banta ng pagpapaalis, pananakot, at mga kasong sibil,” sabi ni tagapagsalita ng KMB na si Regina Barbacena.
Noong Okt. 1 ng nakaraang taon, sumama ang PORBAHFA sa KMB sa isang picket dialogue sa opisina ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Region V sa Rawis, Legazpi City.
Layon nilang klaruhin ang mga isyu sa pagcoconvert ng mga lupa at demolisyon na nagiging hinaing ng mga magsasaka sa buong rehiyon ng Bicol. Kinuwestiyon ng KMB ang National Land Use Act at ang 99-Year Lease Act para sa mga dayuhan.
Kailangan pang makalikom ng P300,000 ang grupo para makapaghain ng petisyon laban sa Colarina at Tan sa Regional Trial Court sa Pili, Camarines Sur.
Ayon sa KMB, tinukoy ng mga magsasaka ang mga panginoong maylupa at burukrata sa Camarines Sur, Albay at Sorsogon gaya ng Madrigal-Marcos-Romualdez, Alsua-Mitra, Asistio, Lubiano-Escudero, Pajardo, Buenaflor, Ibasco and Tan.
“Nagkakaisa ang mga magsasakang Bicolano sa pakikibaka para sa lupa at katarungan, kasama ang mas malawak na sambayanang Pilipino. Muling makukuha ang lupa mula sa mga panginoong maylupa, burukratang kapitalista at kanilang mga kasabwat, malalaking lokal at dayuhang korporasyon,” sabi ng KMB.
“Mabuti na may organisasyong tumutulong sa amin para hindi kami mapaalis sa aming mga lupa,” ani Baliber. “Hiling ko na sana wala nang mangyaring pagpapaalis. Wala na kaming ibang mapupuntahan.” /Unang inilathala ng Bulatlat noong Peb. 10, 2026. Salin ni Donavie Gud.
Basahin ang unang bahagi ng ulat.