Mula Pinas hanggang Amerika, hindi natatapos ang kuwento sa piitan
Kahit na mayroon kaming papel, hindi ito garantiya ng kaligtasan. At hindi rin mawaglit sa aking isipan ang katotohanan na isa sa apat na migranteng Pilipino sa Amerika ay undocumented.
Nitong mga nakaraang buwan, hindi ako makapaglakad nang hindi lumilingon para silipin kung may nakabuntot sa akin.
Kaliwa’t kanang dinadakip ng mga Immigration and Customs Enforcement (ICE) agent ang mga migrante at pinaghihinalaang migrante sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos. Handang pumatay ang mga armado’t nakamaskarang lalaki para mahuli ang mga binansagang “kriminal.” Pagkatapos ay itinatapon sila sa mga detention center kung saan sila’y sapilitang pinagtatrabaho. Sumusweldo sila ng $1 o P58 kada araw.
Iniisip ko ang mga mahal ko sa buhay na nakakalat sa buong bansa—ang mga magulang ko sa Wisconsin, mga pamangkin sa California, ang pinsan ko sa Illinois. Kahit na mayroon kaming papel, hindi ito garantiya ng kaligtasan. At hindi rin mawaglit sa aking isipan ang katotohanan na isa sa apat na migranteng Pilipino sa Amerika ay undocumented.
Bilang miyembro ng Gabriela New York, ilang beses na kaming nanawagan sa Konsulado ng Pilipinas na protektahan ang ating mga kababayan na nanlulupaypay sa loob ng mga detention center. Wala silang imik. Ano ba ang halaga ng buhay sa sentro ng imperyo?
Mula Pilipinas hanggang Amerika, buhay ang dahas ng estado. Hindi naman ito bago sa atin.
Nakapiit pa rin sina Frenchie Mae Cumpio, Marielle Domequil at Alexander Abinguña ng Tacloban 5. Pinosasan ng pulis ang mga residente ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya na nagbarikada laban sa Woggle Mining Corporation. Dinampot ng Armed Forces of the Philippines ang Pilipino-Amrikanong si Chantal Anicoche pagkatapos nilang bombahin ang Abra de Ilog, Nueva Vizcaya. Kahit na siya’y pinalaya na, marami pa ring mga bilanggong politikal, aktibista, mamamahayag, taong simbahan at estudyante ang pinapatahimik ng estado. May mga dinudukot, kinukulong, tinotortyur, nire-red-tag at pinapatay.
Biniro nga ako ng aking kasama sa eskuwelahan na sa panahon ngayon ay pipili ka na lang kung saan ka magpapadakip: dito sa Amerika dahil sa imigrasyon o doon sa Pilipinas dahil sa panunupil ng gobyerno.
Biniro nga ako ng aking kasama sa eskuwelahan na sa panahon ngayon ay pipili ka na lang kung saan ka magpapadakip: dito sa Amerika dahil sa imigrasyon o doon sa Pilipinas dahil sa panunupil ng gobyerno.
Ang kultura ng impunidad ng mapang-abusong estado ay hindi mawawala hangga’t may nagsasalita laban sa inhustisya. Naggagayahan ang mga militar sa buong mundo ng mga paraan upang ipalaganap ang takot sa mga masang nakikibaka.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., pinupuntirya ang mga rebolusyonaryo upang patuloy na makinabang ang mga naghaharing uri at ang kanilang mga dayuhang amo. Sa ilalim naman ng pangalawang administrasyong Trump, pinupuntirya niya ang mga migrante sa loob ng ICE detention center upang kumita ang pribadong negosyong binabayaran siya.
Bilang migranteng Pilipino, doble man ang pagdanas namin sa inhustisya, doble rin ang pagdanas namin ng pag-asa. Dakpin man ng mga berdugong militar sa Pilipinas o ng mga rasistang ahente ng ICE dito sa Amerika, hindi malulupig ng anumang dahas ng mga reaksiyonaryong gobyerno ang aming katapangan.
Patunay ang Tanggol Migrante Movement na hindi nag-iisa ang mga migrante sa paggigiit nila sa kanilang karapatan. May mga komunidad ng mga kababayan sa buong mundo na kasangga nila. Sa inang bayan man o dayuhang bansa, hahanapin namin ang isa’t isa. Lalakasan namin ang aming panawagan para sa hustisya at kalayaan.
Hanggang ngayon, kinakabahan pa rin akong lumabas pero hindi na ako natatakot. Hindi natatapos ang kuwento sa piitan. Ang masa’y naghihintay.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line