Kuwentong Kabataan

Paaralang walang apat na dingding


Paano tayo magsisilbi sa bayan kung nililimitahan natin ang sarili natin sa apat na pader?

Lumaki tayo sa konsepto na “kapag mataas ang grado, tagumpay ang kinabukasan.” Isa ako sa mga naniwala sa ideya na ito. Marahil, nanggaling ako sa pamilya na hindi naman pinagpala ng yaman at salapi. At nangangarap ako ng buhay kung saan, mabibili ko lahat ng gamit na aking minimithi sa aking buhay.

Hindi ako lumaki sa akademiko. Isa akong bata na hindi pinilit at pinuwersa na mag-aral nang mabuti. Poot, galit at sama ng loob ang nakikita sa aking mata tuwing nilalabas ng magulang ko ang librong kulay kunig na tinatawag na “ABAKADA: Pangunahing Hakbang Sa Pagbabasa.”

Bagaman masaya ang imahen ng pamilya na nasa pabalat ng libro, salungat ito sa nararanasan ko tuwing tinuturuan akong magbasa sa wikang Filipino. Puno nang iyak, sapok at palo tuwing tinuturuan ako kung paano basahin ang ba-be-bi-bo-bu. Isa ito sa mga dahilan kaya nawalan ako ng pag-asa na matuto. 

Nang makapasok ako ng elementarya, unti-unti akong nawalan ng gana matuto. Nakarinig ako ng mga masasakit na salita sa aking guro. Normal man noon sa bibig ng mga guro na maglabas ng mga masasakit na salita na nakamaskara sa salitang “disiplina.”

Ngunit para sa tainga ng bata, ito ay ang primaryang dahilan kung bakit bumababa ang kanyang tiwala sa sarili. Dumating rin ito sa punto na maranasan kong mapintasan at maapi ng aking mga kapwa mag-aaral. Nasabihan ng mga salita katulad ng “bobo,” “tanga” at “walang mararating.”

Gayunman, nagbago naman ang lahat nung makapasok ako ng hayskul. Nakakita ako ng mga guro na tuloy-tuloy ang pagtulong saakin para malabas ang aking “talino.” Hindi sila nagkamali nang malabas nila ang aking kakayahan. Nagkaroon ako ng maraming parangal, sertipiko at medalya na kulay pilak at tanso. Nang makita ko ang mga bunga ng aking paghihirap, doon ko nasabi na tagumpay ang kinabukasan ko.

Subalit nagbago ang lahat nang nakatungtong ako ng pamantasan. Akala ko naaangkop rin ang konsepto ng “kapag mataas ang grado, tagumpay ang kinabukasan.” Ngunit dito pala ako nagkamali. Dito ko nakita na ang grado na nakukuha mo ay hindi lagi magsasabi ng kinabukasan mo. Lalong lalo na sa kurso ng peryodismo. 

Akala ko noon, sa silid-aralan mo lang makukuha ang edukasyon, lalo na kung gusto mo maging isang magaling na manunulat sa larangan ng pamamahayag. Pero kung titingnan nang masinsinan, maikukumpara natin ang sarili natin sa isang isda na nasa mangkok—malayang nakakalangoy ngunit limtado ang ginagalawan. Paano tayo magsisilbi sa bayan kung nililimitahan natin ang sarili natin sa apat na pader?

Nag-iba ang perspektiba ko nang sumali ako sa isang pambansang demokratikong organisasyong masa. Dito ko nakita ang tunay kong paaralan bilang isang alagad ng midya: ang lipunan at lansangan. Ang aking mga guro? Ang masa.

Ang isang peryodista ay hindi makakakuha ng kuwentong mayaman sa impormasyon kung siya’y nakaupo lang. Ang isang peryodista ay naglalakbay at nakikihalubilo sa masa, sapagkat tungkulin niyang maglingkod sa masang inaapi at inaabuso ng sistemang sira-sira.

Hindi dapat tayo nagpapa-alipin sa neoliberal na konsepto ng class rankings at ideya ng “mas mataas grado ay mas malaki mararating sa bahay.” Bagkus, maging isda tayo sa isang malawak na dagat—malayang nakakalangoy dahil walang limitasyon. Ito ay isang bagay na dapat malaman ng mga nangangarap magtrabaho sa midya. Na mas marami pang aral na makukuha sa masa, kaysa sa isang lugar na may apat na dingding.