Panganib ng waste-to-energy plant sa Smokey Mountain
Maraming environmentalist, siyentista at residente ang tumututol sa planong waste-to-energy plant sa Barangay 128 dahil sa banta nitong polusyon hindi lang sa Tondo kundi sa buong Metro Manila at karatig probinsiya.
Sa loob lang ng ilang taon, dumalas ang pagitan ng mga insidente ng sunog—anim na insidente ayon sa mga residente mula taong 2023—sa Barangay 128 Paradise Heights o mas kilala bilang Smokey Mountain sa Tondo, Maynila.
Kasabay nito, naging agresibo rin ang demolisyon sa mga komunidad ng maralitang lungsod sa lugar mula nang ihain sa pamahalaang lokal ang planong pagtatayo ng P26.648 bilyon 100-megawatt incinerator o waste-to-energy (WTE) plant ng Manila Integrated Environment Corp. (MIEC), kompanyang pag-aari ng Philippine Ecology Systems Corp. (PhilEco). Layon anila ng proyekto na gamitin ang municipal solid waste para lumikha ng kuryente.
Maraming environmentalist, siyentista at residente ang tumututol sa planong WTE plant sa Barangay 128 dahil sa banta nitong polusyon hindi lang sa Tondo kundi sa buong Metro Manila at karatig probinsiya.
Ayon sa mga eksperto, ang pagsusunog ng basura ay hindi solusyon sa krisis sa basura at klima. Sa halip, nagdudulot ito ng pangmatagalang pinsala sa kalusugan, kabuhayan at kapaligiran.

Matagal nang kinikilala ng pamahalaan na mapanganib ang pagsusunog ng basura. Ipinagbabawal ng Clean Air Act ang pagsusunog ng basura kahit sa likod-bahay. Ngunit sa ngalan ng tubo, binubuksan ng pamahalaan ang pintuan para sa tonelada-toneladang basura na susunugin sa WTE, kasabay ng pagsusunog sa karapatan at kalusugan ng mamamayan nito.
Sa bisa ng Proclamation No. 39 noong 1992, itinakda ang Smokey Mountain bilang lupang laan pangunahin para sa pabahay ng mahihirap. Matagal nang naging simbolo ng kahirapan ang lugar. Isa itong dating bundok ng basura na pinagkunan ng kabuhayan ng libu-libong Pilipino mula dekada 1950 hanggang dekada 1990.
Ngayon, isa na itong murang pabahay para sa maraming mahihirap. Ngunit sa halip na itaguyod layuning makamahirap, muli na namang itinutulak ang mamamayan palabas sa ngalan ng kaunlarang para sa iilan.
Demolisyon, sunog, walang relokasyon
Dalawampu’t tatlong taon nang nakatira si Elena Plaza, 39, sa Brgy. 128, Tondo. Dito na niya pinalaki at pinag-aral ang walo niyang anak. Noong 2012, sa pahintulot ng barangay, itinayo ng kanyang pamilya ang kanilang munting tahanan. Ngunit matapos ang sunog noong Nob. 7, 2024 nanganib na itong mawala.
“Sa halip na agarang tulong sa mga nasunugan, banta ng pagpapalayas ang kanilang hinarap,” ani Aling Elena.
“Kinabukasan matapos ang sunog, binayaran na ang mga tao para hindi na bumalik,” kuwento ni Aling Elena. “Wala kaming alam sa WTE. Naungkat na lang iyon pagtagal. Pakiramdam namin, iyon ang dahilan kung bakit dumalas ang demolisyon at sunog.”
Isa rin sa mga nasunugan si JC Corpuz, may walong anak at residente ng Marala mula 2017. Anim na buwan silang nanirahan sa covered court ng barangay. Tumanggi silang lisanin ito bilang protesta sa kawalan ng disenteng relokasyon.
“Ayaw kaming pabalikin ni Kapitan (Segfred “Bobby” Henare) sa lugar namin,” ani Mang JC. “Botante kami dito. Dito nag-aaral ang mga anak namin at dito ang komunidad namin. Bakit kami itinataboy?”

Ayon kay Mang JC, binigyan sila ng P10,000 na inakala nilang tulong para sa mga nasunugan. “Pagkatapos naming tanggapin, saka sinabi ng barangay na iyon na raw ang bayad sa pagpapalayas sa amin. Walang papel at walang kasulatan.”
Bahagi sina Aling Elena at Mang JC ng Nagkakaisa at Nagdadamayan Marala Organization na nangunguna sa pagtutol sa demolisyon at sa planong WTE.
Isa naman ang pahinante sa Pier na si Reggie Laurio, 25, sa mga napilitang mag-self-demolish. “Natakot kasi kami sa sunog. Sinabi sa amin ng receiver na kung hindi kami boluntaryong aalis, wala kaming matatanggap kahit piso.”
Ang mga receiver ay pawang tauhan ng R-II Builders, ang kompanya na pag-aari rin ni Reghis Romero II, may-ari ng PhilEco, at may kontrol sa lugar. Ayon sa mga residente, armado ng mahahabang baril ang mga guwardiyang nagroronda, nagmamanman sa kilos ng mamamayan at lumilikha ng takot.
“Wala kaming ibang pupuntahan,” mariing sabi ni Aling Elena. “Kaya ilalaban namin ang karapatan namin. Noong una may relocation daw, tapos binawi.”
Kontroladong kabuhayan, limitadong paggalaw
Lumaki si Anora Madrid, 21, sa Smokey Mountain. Ang kanyang pamilya ay nagtatanim ng gulay sa rehabilitadong bundok ng dating dumpsite bilang tahimik na anyo ng muling pagbangon mula sa basura.
“Talbos lang ng kamote ang una,” kuwento niya. “Hanggang sa magka-saging, talong, alugbati at gabi.”
Ngunit mula nang umugong ang planong WTE, nagsimula ang panggigipit.
“Utos daw ng barangay, pero mga guard ng R-II Builders ang nagbabawal na ilabas ang tinda naming gulay,” ani Anora. “Bawal din pumasok ang mga buyer.”

“Para kaming kriminal na nagpapalusot ng panindang gulay para mabuhay,” dagdag niya. “Marangal ang hanapbuhay namin pero binabawalan kami kumita.”
Ayon kay Mang JC, kahit simpleng pagkukumpuni ng bahay ipinagbabawal. “Kahit ang pagpukpok ng martilyo at pagpasok ng plywood, bawal.”
Sa kanyang hinuha, malinaw ang layunin ng R-II Builders at ng barangay. “Gusto nilang magutom at mahirapan ang mga tao para mapilitan na lang umalis.”
Nilalabag ang batas
Sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992 (UDHA), may karapatan ang maralitang lungsod laban sa di-makatarungang demolisyon. Isinasaad ng batas na dapat may 30 araw na paunawa, sapat na dayalogo, at relokasyon o ayuda kung may eviction.
Sa mga utos ng korte para sa eviction ng mahihirap, dapat magbigay ang lungsod at NHA ng relokasyon sa loob ng 45 araw. Kung walang malilipatan, obligasyon ng pamahalaang lokal na magkaloob ng ayuda na katumbas ng 60 araw na minimum wage.
Batay sa mga salaysay ng mga residente, hindi nasusunod ang mga probisyong ito sa Smokey Mountain.
Pinsala sa kalusugan at kabuhayan
“Kapag may teknolohiyang naglalabas ng mapanganib na usok, maruming wastewater, at toxic na abo, hindi ito maaaring tawaging malinis,” paliwanag ni Dr. Jorge Emmanuel, environmental scientist at propesor sa Silliman University.
Paliwanag niya, “Ang mga thermal WTE facility ay nagbubuga ng particulate matter, toxic metals, acid gases, at dioxins na may pangmatagalang pinsala sa kalusugan ng tao at kalikasan.
Ang particulate matter (PM) ay isang napakapinong alikabok (particle) sa hangin, mas manipis ng ilang ulit sa hibla ng buhok. Dahil dito, madali itong malanghap makapasok sa baga at daluyan ng dugo na nagdudulot ng malubhang sakit sa puso at sa baga.
Pinaka-nakababahala, ayon kay Dr. Emmanuel, “Ang dioxins ang pinaka-nakalalasong kemikal na kilala ng agham.”
Ang ilan sa epekto nito ay kanser, pagbaba ng semilya at abnormalidad sa ari ng lalaki, pagbaba ng pertilidad o hirap mabuntis at mga hormonal na pagbabago sa babae, birth defects, pagkalaglag ng sanggol (miscarriage), at disability sa pag-aaral at pag-pokus ng mga bata.
Nalalanghap ang dioxins at mas maramihan itong pumapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng bio-concentration—mula sa mga kinokonsumong hayop at isda na nakakain ng kontaminadong damo, lupa, at tubig.
Hindi ito teoretikal na banta. Sa Dumaguete, kung saan itinayo noong Marso 2022 ang Dumaguete Pyrolysis-Gasification Plant, matagal nang inirereklamo ng mga residente ang mabahong amoy at ang panganib sa kalusugan dulot ng polusyong nagmumula sa pasilidad.

Ayon kay Miriam Azurin ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), ang organisasyong nagsagawa ng pag-aaral sa paligid ng planta, itinakda ng World Health Organization (WHO) na ang ligtas na antas ng exposure sa particulate matter sa loob ng 24 oras ay hindi dapat lumampas sa 15 ?g/m³ nang higit sa tatlo hanggang apat na araw kada taon.
“Kung ikukumpara sa 15 ?g/m³, pitong ulit na lampas sa ligtas na lebel ang naitalang particulate matter sa paligid ng Dumaguete Pyrolysis Plant, na umabot sa 107 ?g/m³,” ani Azurin.
Dagdag pa niya, may mga pag-aaral sa US na nagpapakitang hanggang 179 kataong may edad 30 pataas sa loob ng limang kilometrong radius mula sa isang pyrolysis plant ang nanganganib sa maagang pagkamatay dahil lamang sa emisyon ng PM2.5. Hindi pa kabilang dito ang iba pang sakit at kamatayang maaaring idulot ng pangmatagalang exposure sa dioxins at iba pang nakalalasong emisyon.
“Kung sa Dumaguete na pyrolysis plant lang ang industriyang nagbubuga ng polusyon napakataas na ng PM level, paano pa sa Maynila na matagal nang dumaranas ng matinding polusyon sa hangin,” ani Azurin.
Hindi lang Maynila
Ayon kay Brex Arevalo ng GAIA, habang pinakamataas ang konsentrasyon ng polusyon sa loob ng 1.5 kilometro mula sa WTE plant, at karaniwang naa-apektuhan ang mga komunidad sa loob ng 10 kilometro mula WTE plan, maaaring din umabot hanggang 100 kilometro ang pagkalat ng ilang persistent organic pollutants na cancerous din.
“Kaya hindi lang Maynila ang apektado, kundi buong Metro Manila pati mga karatig-lalawigan nito gaya ng Cavite at Bulacan,” ani Arevalo.
Ayon naman kayi Marian Frances Ledesma ng Greenpeace Philippines, hindi renewable ang WTE at mas mataas pa ang carbon emissions nito kada kilowatt-hour kaysa fossil fuels.
At dahil may minimum na bolyum ng basura na ginagarantiya ng siyudad sa planta, “Hinihikayat pa nitong magparami ng basura sa halip na magbawas,” aniya.
Hindi simpleng laban para sa tirahan at kabuhayan ang pagtutol sa WTE. Isa itong pakikibaka para sa kalikasan, kalusugan, at kinabukasan—hindi lamang ng mga Manilenyo kundi ng mga Pilipino sa buong bansa.