Editoryal

Girl power? Power grabbers! 


Tila masyadong sabik si Sara Duterte sa 2028.

Sa pagsisimula muli ng proseso ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, inanusiyo niya ang hangaring tumakbong pangulo sa pambansang halalan sa 2028. Aniya, ito raw ang saysay ng kanyang buhay, ang magsilbi sa bayan. Ang kapal nga naman ng mukha ng magnanakaw!  

Tila masyadong sabik si Duterte sa 2028.

Pero bago tayo tumalon sa hinaharap, humarap at managot muna siya sa mga reklamong nakahain sa kanya sa kasalukuyan. Ipaalala muna natin sa bise presidente ang listahan ng kanyang mga kasalanan at kasalanan ng kanyang amang si Rodrigo Duterte.

Una sa listahan ang pagwawaldas ng bratinella sa confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education. Sa tala ng Makabayan Coalition, aabot ng P612.5 million ang winaldas sa loob lang ng 11 araw. Sa mga pagdinig, imbis na humarap at magpaliwanag, patuloy pa rin ang pag-isnab at pagsisinungaling. Sino bang makakalimot sa mga gawa-gawang pangalan isinulat sa mga resibo, kagaya na lang ni Mary Grace Piattos?

Napaalis na sana sa puwesto ang nakababatang Duterte kung hindi lang nagdalawang-isip at humarang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa mga pansariling pampolitikang interes. Imbis na padaliin ang pagpapanagot sa mga pinakamatataas na opisyal, ginawa pang mas komplikado ng mismong Korte Suprema ang proseso. Naging batayan pa ang kuwestiyonableng pasya ng Korte Suprema para ligwakin ang inihaing reklamo ng Makabayan Coalition sa kabila nang pagpasa sa porma at nilalaman. Sa ngayon, dalawa sa apat na kasong impeachment laban kay Duterte ang patuloy na gumugulong.

Kapatid ng magnanakaw ang pasista. Kagaya ng kanyang ama, notoryus ang bise presidente sa pagiging red-tagger. Paboritong tirahin ni Duterte ang mga makakaliwang grupo, paano, sila din ang numero unong kritiko niya at ng kanyang pamilya. Ang walang pagtitimping pagsasalita ng mga militanteng grupo laban sa katiwalian, kabastusan at kainutilan ng kanilang pamilya ay umani ng kapantay na pagkamuhi ng bise presidente sa mga ito.

Mula pa lang sa pagpapasara sa mga eskuwelahang Lumad dahil “recruitment hub” umano ito ng New People’s Army, hanggang sa pag-target sa mga organisasyon at lider-masa, ipinakita ni Duterte na wala siyang sasantuhin.

Ipinagpapatuloy lang niya ang legasiya ng kanyang amang nakatuntong pagdanak ng dugo sa lansangan. Ang pagpatay sa mga mahihirap at bulnerable ang pundasyon ng paglutas sa kahirapan imbis na pagtugon sa usapin ng kawalang lupa, kawalang trabaho, mababang sahod at sweldo, at sumisirit na presyo.  

Gaano man ipag-iba ni Duterte ang sarili mula sa kanyang dating matalik na kaibigang si Marcos Jr., hinulma lang sila ng magkaparehong interes. Ang paghihiwalay ng UniTeam ay ibinunga ng hindi magkasundong ganid na interes sa yaman at kapangyarihan, kaya ngayon, nagkukumahog si Duterteng makabalik sa puwesto.

Tiyak, hahabulin muli nito ang suhol ng China kapalit ang pagsuko ng ating mga karapatan sa ating karagatan, habang patuloy na ibubukas ang bansa bilang malaking kampo militar ng United States. Sa huli, lalong hihilahin ni Duterte ang Pilipinas sa pag-uumpugan ng dalawang imperyalistang bansa. Ang mamamayang Pilipino ang nagdurusa at nasa bingit ng panganib.

Nakita na natin kung gaano kabulok ang tambalan ng sinungaling at magnanakaw. Hindi na natin kailangan ng bagong UniTeam sa mukha nina Duterte at Imee Marcos. Taliwas sa sinasabi ni Sen. Robin Padilla, hindi girl power ang nasasaksihan natin, kung hindi ang mas pinaigting na kagustuhan ng mga Duterte na muling iluklok ang sarili at hawakan ang kaban ng bayan at kapangyarihan. 

Kahit pa sila ay mga babae, sila ay kababaihang malinaw na pinili ang posisyon ng pagsasamantala sa mamamayan. Hindi empowerment sa kababaihang nagdurusa ang dala nina Duterte at Marcos, kung hindi lalong pagkalubog sa kahirapan at pagsasamantala.

Para sa mamamayang Pilipino, wala sa pagitan ng mga Marcos at Duterte ang pagpipilian. Ngayon, patuloy ang panawagan ang mga kababayan ng pagpapanagot sa dalawang pinakamatataas na posisyon sa bansa.

Umaalingasaw ang kabulukan ng paghahari ng mga dinastiyang ganid, gusto na ng mamamayan ng tunay na pagbabago. Nagsisimula ito ngayon pa lang, sa pagpapatalsik ng mamamayan sa tambalang Duterte-Marcos.