Kuwentong Kabataan

Ikaw sa wika, wika bilang ikaw


Ang wika ay hindi lamang proseso ng pakikipagkomunikasyon, sagisag din ito ng ating pagkakakilanlan.

Ang wika ay hindi lamang proseso ng pakikipagkomunikasyon, sagisag din ito ng ating pagkakakilanlan. Bilang ikaw, bilang ako at tayo—bilang mga Pilipino.

Sa ganitong paraan hinubog ang ating isipan simula pa sa ating mga pagkabata. Dahil para sa mga nagdaang henerasyon, kakambal natin ang wika. Isa itong anino—laging nakabuntot, hindi humihiwalay at kasa-kasama natin—sa pakikipagtalastasan, sa pagbili ng gamot, sa pagrereklamo sa gobyerno, sa paulit-ulit na paghalal sa mga trapo at pakikipagtalo kung mahalaga pa bang pahalagahan, ingatan at pagyamanin ang wika sa isang mundo na lango sa pagbabago.

Kaugnay nito, para kay Dr. Nicanor Guinto, propesor at direktor ng Office Research Services ng Southern Luzon State University (SLSU), hindi na dapat pa pinagtatalunan ang kahalagahan ng wika.

Sapagkat para sa kanya, “Anything that is linguistic to me is important.” Ganito rin dapat ang maging pagtingin natin dito, dahil paulit-ulit sa ating pinaiintindi na ang wika ay ang kaluluwa ng isang bansa. Kaluluwa natin. 

Ngunit sa gitna ng mga bangayan at pakikipagtalo sa paggamit ng wika ay ang mas malaki at mas mabibigat pang isyu na kinakaharap nito. Kinakaharap natin.

Sa katunayan, para kay John Brandon, sa isinulat niyang artikulo na pinamagatang “Gen Z Have Cancelled The Thumbs Up Emoji and Here’s Why You Should Worry”, sinabi niya na sa panahon na dependente na ang mga tao sa teknolohiya, ang isang emoji (picture character mula sa orihinal na salin nito sa wikang Hapon) ay maaari nang magamit sa pakikipagkomunikasyon.

“Emojis have become a moving target. The meaning can change and it’s hard to keep up,” wika ni Brandon.

“If the symbols (emoji) are moving targets, it’s yet another form of communication we have to track, dissect, and comprehend,” dagdag niya. Hindi kombensiyonal, oo. Pero hindi pa rito makikita ang pinakamalaking problema at usapin tungkol sa wika.

Sa Pilipinas, naging isang malaking isyu ang mas pagpili ng mga Pilipino sa Ingles, isang wikang banyaga, kaysa sa sarili nating wika, ang wikang Filipino. Marami pa nga ang paulit-ulit na nagsasabi na ang wikang Filipino, tulad ng mga bayani na minsang nakipaglaban para sa kasarinlan ng Pilipinas, ay mamamatay rin. Maglalaho sa kasaysayan.

Kung magkaganito nga ang siste, nitong Calabarzon Regional Higher Education Press Conference 2025, naglabas ng sentimyento ang isang mamamahayag mula sa The Laser Group of Publications sa isang panayam kasama si Guinto.

“Kaluluwa raw natin ang wika— repleksyon ito kung sino tayo,” panimula ng mamamahayag, saka nagtanong na, “kung mas pinipili ng mga Pilipino ang mas pagtangkilik sa Ingles, Filipino pa rin ba ang salita ng kaluluwa nila?”

Siya namang sinagot ni Guinto, “Why do you let labels affect who you are?” Wika niya habang pinatutungkulan ang ideya na ang wika ay paralelismo sa pagkakakilanlan.

“Hindi dapat determining factor ang language na ginagamit sa pagka-Pilipino,” dagdag niya saka huling nagsabi na “You being a Filipino is a reflection of what you do.”

Dahil para sa kanya, tayo ang wika.

Ikaw ang wika, hindi ang kabaliktaran nito. Hindi sapat ang ilang salita na hinuhugot natin sa lalamunan upang bigyang depinisyon ang ating pagkatao at pagka-Pilipino.