Sa gitna ng ating mga ‘Hosanna!’ at ‘Ipako siya sa krus!’
Tayo ang naglalatag ng palaspas, at tayo rin ang maaaring bumunot ng tinik. Sa madaling salita, hindi tayo hiwalay sa kuwento—bahagi tayo nito.
Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon – Mateo 21:1-11 | Isaias 5: 4-7| Salmo 21 | Filipos 2:6-11 | Mateo 26:14-27, 66 (o Mateo 27:11-54)
May mga pagkakataon sa buhay na parang mabilis magpalit ang eksena. Ngayon, ikaw ang pinapalakpakan; bukas, ikaw na ang pinupuna. Ngayon, ikaw ang iniidolo; maya-maya, ikaw na ang kinukuwestiyon.
Parang isang iglap lang, nagbabago ang tono ng tao: mula sa paghanga tungo sa paghusga. Sa madaling salita, may kakaibang kapangyarihan ang tinatawag na “sigaw ng karamihan,” at kapag nadala ka rito, madali kang sumabay kahit hindi mo na masyadong pinag-iisipan.
Kung tutuusin, iyon din ang isang larawan na lumilitaw sa mga pagbasa ngayong Linggo ng Palaspas. Sa simula ng liturhiya, kasama tayo sa mga taong sumisigaw ng “Hosanna!” Hawak natin ang mga palaspas, nakikiisa sa galak ng pagdating ni Hesus sa Jerusalem.
Ngunit pagdating sa Pagpapakasakit, tayo rin ang nakikiisa sa sigaw ng “Ipako sa krus!” Sa iisang pagdiriwang, tila pinagdadaanan natin ang parehong pagbabago: mula sa pagtanggap tungo sa pagtanggi.
Sa Mabuting Balita ng prusisyon, makikita natin ang isang masiglang pagtanggap kay Hesus. Nagsisigawan ang mga tao: “Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon!” Hindi ito simpleng papuri. Ito ay panawagan: “Iligtas mo kami.” Sa konteksto ng kanilang panahon, ito ay sigaw ng pag-asa. Pag-asang maliiligtas mula sa Roma, mula sa kahirapan, mula sa kawalan ng kontrol sa kanilang mga sariling buhay.
Ngunit sa Unang Pagbasa, ibang larawan ang ipinapakita. Ang Lingkod ng Panginoon ay hindi isang mandirigma kundi isang taong handang magtiis: binugbog, nilait, niluraan, ngunit hindi gumanti. Hindi siya tumalikod, hindi siya naghimagsik. Sa halip, buong tapang niyang hinarap ang pagdurusa dahil nagtitiwala siya sa Diyos. Ito ay isang Mesiyas na hindi madaling tanggapin dahil siya ay isang Mesiyas na hindi umaayon sa inaasahan ng karamihan.
Ang ganitong larawan ay lalong pinatindi sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni San Pablo, si Kristo ay “hinubad ang lahat.” Siya’y nagpakababa, naging alipin, at naging masunurin hanggang kamatayan sa krus. Ito ang kabaligtaran ng inaasahan ng marami. Sa halip na umakyat sa kapangyarihan, siya ay bumaba sa kahinaan. Sa halip na manaig sa lakas, siya ay nagtagumpay sa pag-aalay ng sarili.
Habang sinisimulan natin ang Semana Santa, magandang tanungin ang sarili: ang aking “Hosanna” ba ay nakabatay lang sa inaasahan ko kay Hesus? O handa ba akong sumunod sa kanya kahit ang daan ay patungo sa krus?
Sa tradisyon ng kanilang panahon, may malinaw na inaasahan ang mga tao tungkol sa Mesiyas. Ang Mesiyas na kanilang pinapangarap ay isang tagapagpalayang politikal—isang lider na magpapalaya sa kanila mula sa kapangyarihan ng Roma, mag-aangat sa kanilang kalagayang pang-ekonomiya at magbibigay ng bagong kaayusan sa lipunan. Isang makapangyarihan, matalino at karismatikong pinuno na kayang ibalik ang dangal ng Israel.
Ngunit ang dumating na Mesiyas sa katauhan ni Hesus ay ibang-iba—hindi siya dumating upang sakupin, kundi upang maglingkod; hindi upang maghari sa paraan ng mundo, kundi upang ialay ang sarili hanggang kamatayan sa krus.
At dito natin makikita ang matinding banggaan sa Ebanghelyo ng Pagpapakasakit. Ang parehong mga taong sumigaw ng “Hosanna” ay siya ring sumigaw ng “Ipako sa krus!” Ang mga naglatag ng kanilang balabal sa daan ay siya ring naghubad sa kanya ng kanyang damit. Ang mga pumuri ay siya ring nanlait. Ang mga umasa ay siya ring nadismaya. Dahil ang Mesiyas na kanilang sinalubong ay hindi tumupad sa kanilang inaasahang paraan ng pagliligtas.
Kapag pinagsama-sama natin ang mga pagbasa, parang ipinapakita sa atin na ang problema ay hindi lang kung sino si Hesus, kundi kung paano natin siya tinatanggap. Madali nating tanggapin si Hesus kapag umaayon siya sa ating inaasahan, kapag siya ang nagbibigay, nagpapagaling at nagtatagumpay. Ngunit kapag ang landas niya ay dumadaan sa krus, kapag may hinihingi siyang sakripisyo, katotohanan, o paninindigan, doon tayo nag-aatubili, o minsan, bumabaligtad.
Dito nagiging mas matindi ang hamon ng Linggo ng Palaspas. Sapagkat hindi lang natin ginugunita ang nangyari noon; kinikilala rin natin ang ating sarili sa kwento. Tayo ang sumisigaw ng “Hosanna,” at tayo rin ang may kakayahang sumigaw ng “Ipako sa krus.” Tayo ang naglalatag ng palaspas, at tayo rin ang maaaring bumunot ng tinik. Sa madaling salita, hindi tayo hiwalay sa kuwento—bahagi tayo nito.
Ngunit sa ating lipunan ngayon, makikita pa rin ang ganitong galaw ng karamihan. May mga pagkakataon na malinaw ang katotohanan ngunit mas pinipili nating manahimik dahil hindi ito popular. May mga sitwasyon na alam natin ang tama ngunit sumasabay tayo sa uso dahil iyon ang mas madali. Parang inuulit lang natin ang eksena ng Ebanghelyo, kung saan ang sigaw ng karamihan ang nagdidikta, at ang personal na paninindigan ay nawawala.
Habang sinisimulan natin ang Semana Santa, magandang tanungin ang sarili: ang aking “Hosanna” ba ay nakabatay lang sa inaasahan ko kay Hesus? O handa ba akong sumunod sa kanya kahit ang daan ay patungo sa krus? Sapagkat ang tunay na pagsunod ay hindi lang nasusukat sa sigaw ng papuri, kundi sa katapatan na manatili kahit nag-iisa, kahit mahirap, kahit hindi popular.
Sa huli, ang paanyaya ng Linggo ng Palaspas ay malinaw: huwag lang sumabay sa sigaw ng karamihan. Matutong manatili kay Kristo, siya na Mesiyas na nagdurusa, nagmamahal at nagliligtas hindi ayon sa inaasahan ng mundo, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.