Tayong ipinagkanulo ng mga ganid at kurakot
Saan raw kukunin ng gobyerno ang lalamanin ng kaban ng bayan kung tatanggalin ang value-added tax sa mga bilihin at excise tax sa langis? Paano raw ang pera para sa mga pampublikong proyekto?
Imbis na sumalok sa balon-balon na kayamanan ng mga kurakot at mga bilyonaryo, sa kakarampot na salapi ng karaniwang Pilipino pa kinukuha ng gobyerno ang tugon sa krisis.
Saan raw kukunin ng gobyerno ang lalamanin ng kaban ng bayan kung tatanggalin ang value-added tax (VAT) sa mga bilihin at excise tax sa langis? Paano raw ang pera para sa mga pampublikong proyekto?
Posibleng umabot sa P197 bilyon ang ninakaw sa kaban ng bayan sa pagitan ng 2023 at 2025 dahil pa lang sa mga proyektong flood control. Kung sisinsinin ang pondo para sa mga proyektong nakalaan dapat sa gastos so sa pagtugon sa krisis pangklima, posibleng lumobo pa ito sa P1.089 trilyon na naibubulsa ng mga kurakot.
Wala pang nahahatulan sa mga sangkot. At sa mga halal na opisyal, si dating Sen. Bong Revilla pa lang ang nakadetine.
Dagdag pa sa listahan ng insulto mula sa mga halal na opisyal ang higit tatlong buwan nang absent na si Sen. Bato dela Rosa. Napakalaking sampal sa mukha ng taumbayan na nagbibilang ng barya na sumasahod ang senador ng aabot sa P300,000 kada buwan nang walang presensiya. Dahil walang “no work, no pay” na gabay sa etika ng Senado, posible pang ma-dismiss ang reklamong isinampa sa senador.
Sa milyong manggagawa sa Pilipinas, hindi lang sumipot ng ilang araw sa trabaho panigurado wala nang babalikan. Itong parehong milyon-milyong Pilipino rin ang lumilikha ng kinikita na bilyon ng gobyerno mula sa buwis, na gusto pa ngang palakahin ni Finance Secretary Ralph Recto. Hindi na ito nakakagulat dahil noong 2005, siya rin naman ang nagtulak sa batas para sa expanded VAT mula 10% tungong 12%.
Ngayon, hindi na magkamayaw ang mga Pilipino saan kukunin ang gastos sa panahon ng krisis bunga ng imperyalistang giyera ng United States at Israel sa Iran. Sasaluhin ba ng mga tsuper, ng mga mananakay, ng mga manininda, ng mga simpleng mamimili? Para itong puwersahang pag-aayuno, arawang penitensiya para sa mga Pinoy.
Madalas nila ibida na ang VAT ay pantay-pantay sa lahat, na lahat naman ng tao, parehong apektado. Pero kung itatapat ang VAT na binabayad ng karaniwang Pilipino kumpara sa arawan nilang kinikita, at ang VAT ng mga bilyonaryo, gumuguho agad ang argumento. Hindi naman arawan ang sahod ng mga bilyonaryo.
Ang mga tulad nina Razon, ng mga magkakapatid na Sy, nina Ang, nina Villar, at silang mga lupon ng mga bilyonaryo, humakot ng dagdag na 30% sa kayamanan nila noong pandemya, parehong panahon na naghihigpit ng sinturon ang taumbayan.
Kaya hindi nakakagulat na noong 2020 pa lang, itinulak ng Ibon Foundation ang pagkakaroon ng wealth tax o dagdag na buwis sa mga bilyonaryo. Kung may 1% sa kada bilyon na nalilikom, may P500 bilyon hanggang P600 bilyon na makukuha ang gobyerno. Barya lang ito sa mga tulad nila at ng iba pang ganid sa mundo na nakahakot pa ng dagdag na P3.94 trilyon noong pandemya.
Pero silang mga bilyonaryo, na parehong mga pangalan na may hawak rin sa mga gasolinahan, parehong nasa likod ng milyong donasyon sa mga halal na opisyal, sila-sila ang pinagsanib na Hudas at Poncio Pilato para sa mga Pilipino.
May higit 150,000 na kulang na klasrum, pasahod para sa kulang na higit 80,000 na mga guro, 200,000 na mga nars at 60,000 na mga doktor, at kulang na higit 15,000 na Barangay Health Center para mayroon na kada barangay.
Ngayon, hindi na magkamayaw ang mga Pilipino saan kukunin ang gastos sa panahon ng krisis bunga ng imperyalistang giyera ng United States at Israel sa Iran. Sasaluhin ba ng mga tsuper, ng mga mananakay, ng mga manininda, ng mga simpleng mamimili? Para itong puwersahang pag-aayuno, arawang penitensiya para sa mga Pinoy.
Kaya nagsasalubong ang mga sektor sa lansangan para sa mga welga, protesta at diskusyon. Dahil dito na lang ang damayan laban sa nagkakampihang mga nasa posisyon.