Pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng krisis sa langis
Upang makatulong na pagkasyahin ang namimilipit na badyet, narito ang ilang simpleng hakbang na maaaring gawin.
Sa gitna ng walang humpay na pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo dahil sa krisis sa langis, ang bawat pamilyang Pilipino ay muling sumasabak sa sining ng diskarte.
Hindi lang usapin ng pagbabawas ng gastos ang pagtitipid dahil isa itong paraan ng wais na pamumuhay at pagmamalasakit sa kapakanan ng ating pamilya.
Upang makatulong na pagkasyahin ang namimilipit na badyet, narito ang ilang simpleng hakbang na maaaring gawin.
Likas na liwanag
Ang pagbubukas ng mga bintana tuwing umaga ang isa sa pinakaepektibong paraan ng pagtitipid upang pumasok ang sariwang hangin at natural na liwanag. Hindi lang ito nakakabawas sa paggamit ng bombilya at bentilador, nagbibigay din ng mas presko at maaliwalas na pakiramdam sa buong pamilya.
Disiplina sa enerhiya
Ugaliing bunutin sa saksakan ang appliances na hindi ginagamit. Ang tinatawag na phantom load o ang kuryenteng kinokonsumo ng mga nakasaksak na kagamitan kahit naka-off ay maliit mang tingnan ngunit nagiging malaking dagdag sa buwanang bayarin sa kuryente kung pagsasamahin.
Wellness sa biyahe
Isang magandang “wellness routine” ang pagpili sa paglalakad o pagbibisikleta kung malapit lang ang pupuntahan. Bukod sa nakatipid na sa pamasahe, nakakatulong pa ito sa pagpapatibay ng ating katawan, pagpapababa ng stress at pag-iwas sa abala ng mabigat na trapiko.
Wais na pagluluto
Ang paggamit ng takip sa kawali at paghahanda ng lahat ng sangkap bago magbukas ng kalan ay mabisang paraan upang makatipid sa paggamit ng liquified petroleum gas (LPG). Nakakatulong ang sabayang pagluluto ng mga pagkain upang mas kaunti ang konsumo at tumagal ang laman ng tangke ng LPG.
Pagpaplano ng lakad
Gawing isahan ang iyong mga lakad. Sa halip na lumabas ng bahay nang paulit-ulit, pagsama-samahin na ang pagpunta sa palengke, pagbabayad ng bills at iba pang gawain sa iisang araw at ruta. Nakakatipid ito hindi lang sa pamasahe at langis, pati na rin sa mahalagang oras at pagod.
Maintenance ng mga gamit
Siguraduhing malinis ang mga filter ng air con at electric fan, at walang sira sa appliances. Hindi nangangailangan ng sobrang lakas ng kuryente o tubig ang mga gamit na maayos ang kondisyon upang gumana nang tama. Ang wastong maintenance ay paraan upang mapatagal ang buhay ng mga kagamitan at maiwasan ang biglaang gastos sa pagkumpuni.
?Community bayanihan
Subukan ang bultuhang pagbili sa mga kapitbahay o kaibigan para sa mga pangunahing sangkap sa kusina. Ang pagbili nang bulto ay madalas na mas mura kumpara sa tingi, at sa pamamagitan ng pagtutulungan, mas napapagaan natin ang gastos ng bawat pamilya sa ating barangay. Ang pagtitipid ay mas madali kung ito ay ginagawa nang sama-sama.
?Mahalaga ang pagtitipid. Gayunpaman, kailangang maging malinaw—ang pagpiga sa tuyot na nating bulsa ay may hangganan.
Hindi kailanman magiging responsibilidad ng masa ang magdusa sa krisis kung nananatiling walang kibo at walang kongkretong hakbang ang gobyerno mismo upang kontrolin at pababain ang presyo ng langis at kuryente.
Hindi dapat maging lisensiya para sa kapabayaan ng estado ang “resiliency.”