Tulay sa pag-ibig sa pinagmulan
Naging isang uri ng paglubog ang paglalakbay ko sa Mindanao upang tanggalin ang puwang sa pagitan ng pamumuhay sa kalunsuran at kanayunang kinamumuhayan ng masa.
Sa loob ng mahabang panahon, ang pagiging isang Maguindanao ko ay tila nagiging isang tuyot na impormasyon. Isa lang itong naninilaw na linya sa aking birth certificate.
Tunay akong anak ng semento na ipinanganak sa gitna ng Kamaynilaan at lumaki sa mga kulay abong mga kalangitan ng Taguig. Tila tahimik na naglaho ang koneksiyon ng aking mga magulang. Ang tatay ko, mula sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, habang ang nanay ko naman ay mula sa bayan ng Sultan Kudarat sa dating iisang lalawigan ng Maguindanao.
Sa edad na 16, naramdaman ko ang pagiging estranghero sa sarili kong dugo. Lalo na sa baluktot kong lente sa Mindanao dala ng mga sensationalized na balita at matinding stereotype ng mga nasa kalunsuran.
Sabi nga ni Renato Constantino, “Nakikita natin ang ating kasalukuyan nang may kasingbabaw na pag-unawa sa kung paano natin tinitingnan ang ating nakaraan, dahil ang mga aspekto ng nakaraan na maaaring magbigay liwanag sa kasalukuyan ay itinago sa atin.”
Dahan-dahang nanumbalik ang aking mga ugat noong 2021. Nagdesisyon ang pamilya kong bumiyahe pauwi sa aming pinagmulan at manatili roon nang dalawang linggo. Hindi ko inakalang mapupuno ng tuwa ang biyahe namin sa Mindanao dahil sa daraanan namin ang iba’t ibang kabundukan at karagatan.
Binaybay namin ang malaking pulo ng Mindanao, ‘yong inaakala kong puno ng “war zone” at “kaguluhan” na ipinapangako ng mga nasa ulo ng balita. Imbis na karahasan, isang tahimik at mala-paraisong ganda ang sasalubong sa’yo, lalo na sa pagpasok na namin sa Maguindanao.
Mas naging malinaw na kadalasang sa relihiyon sinisisi ang kaguluhan, ang katotohanan ay nag-uugat ito sa kung ano ba ang mga tunggaliang nangyayari sa lupa, dignidad at mga pangangailangang mapagkukunan.
Kung talagang mahal ko ang pinagmulan ko, hindi ko lang dapat tanggapin ang mga mali, bagkus ipaglaban pa ang pagpapalaya ang kaisipan ng mga Maguindanao sa anumang uri sistematikong pang-aapi.
Ayon nga kay Mao Zedong, “Ang mga tao, at ang mga tao lamang, ang siyang dahilan ng paglikha ng kasaysayan ng mundo.” Malinaw kong nakita na isinasabuhay ito ng mga tao sa Mindanao.
Sa bawat pagbisita sa aming mga kakilala at kaanak, napagtanto ko na hindi biktima ang masa roon. Bagkus, mga kasama natin sila na may kolektibong kultura ng kabayanihan at iisa ang kanilang makasaysayang pakikibaka.
Sa loob ng dalawang linggo, nakinig ako ng mga kuwento na kadalasang binabaliwala, pinagtatakpan o binubura ng dominanteng midya sa Kamaynilaan.
Lumilitaw sa aming mga pag-uusap ang matinding epekto ng piyudal na kapangyarihan at sistematikong pagpapabaya. Dahil dito, nananatiling atrasado pa rin ang ekonomiya sa amin sa kanayunan.
Sinimulan ko nang ihiwalay ang mga kalakasan ng mga tradisyon namin sa masamang kulturang impluewensiya ito ng naghaharing uri sa lipunan. Kung talagang mahal ko ang pinagmulan ko, hindi ko lang dapat tanggapin ang mga mali, bagkus ipaglaban pa ang pagpapalaya ang kaisipan ng mga Maguindanao sa anumang uri sistematikong pang-aapi.
Naging isang uri ng paglubog ang paglalakbay ko sa Mindanao upang tanggalin ang puwang sa pagitan ng pamumuhay sa kalunsuran at kanayunang kinamumuhayan ng masa.
Bilang isang mag-aaral ng peryodismo, mas nauunawaan ko nang nagsisilbing armas ang aking panulat para sa mga tinig na pinapatahimik o binubura ng sistema. Lalo na’t hindi na lang bilang tatak ng pagkakakilanlan ang huling pangalan ko, bagkus isa itong panunumpa na buong ipagtatanggol ang dignidad ang matatapang na mga taong Bangsamoro, lalo na sa mga kapwa ko Maguindanao.
Hindi na ako isang malayong tagalabas na tumitingin na lang, bagkus isa na akong anak ng lupang umuuwi na may pusong lumiliyab.
“Ang pakikibaka ng tao laban sa kapangyarihan ay ang pakikibaka ng alaala laban sa pagkalimot,” ika nga ni Milan Kundera, kaya’t pipiliin kong maalala ang mga pinagmulan ko.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.