Mga papel ni Sue
Sa huling yugto ng kanyang buhay, aktibo si Sue Prado sa laban para igiit ang karapatan ng mga manggagawang pangkultura lalo na sa pelikula.
Sa napakaraming ginampanang papel ng aktres na si Sue Prado, mababakas natin ang iba’t ibang imahen ng pagkababaeng binigyang-hugis ng mga puwersa ng panlipunang karahasan. Inilalantad ng ilan sa mga tauhang ito ang lakas at sikhay ng kababaihan bilang aktibong puwersa sa kilusang mapagpalaya tungo sa pagbabagong panlipunan.
Sa pelikulang “Barber’s Tales” (2013), ginampanan ni Prado ang papel ni Rosa. Si Rosa ay isang babaeng naglalako ng aliw na mayroon ding kapatid na yumakap sa armadong pakikibaka sa panahon ng diktadurang Marcos.
Nakahulma ayon sa arketipo ng “prostitute with a heart of gold,” inilantad ng pag-iral ni Rosa ang kahungkagan ng pasistang moralidad na inilalatag ng Bagong Lipunan. Taktikal na nagamit ng tauhan ang kanyang seksuwalidad upang magpakita ng pakikiisa sa pangunahing tauhan na si Marilou na noon ay sumasagupa sa mga piyudal at patriyarkal na limitasyon sa maaaring gawin at naisin ng kababaihan sa kanayunan.
Sa huli, naging kaisa si Rosa sa kolektibong pagkilos ng mga kababaihan upang masuportahan ang rebolusyonaryong kilusan laban sa mga sundalo ng diktadura.
Sa “Liway” (2018), isa pang pelikula na tungkol din sa dahas ng diktadura, ginampanan ni Prado ang papel ni Pinang, isang aktibistang naipiit kasama ng pangunahing tauhang si Liway. Namatayan ng anak sa loob ng piitan si Pinang at pilit na inihiwalay sa kanya ang bangkay ng anak.
Sa kabila nito, maging sa mga tagpo na walang diyalogo, inilantad ng naghihinagpis na mukha ni Prado ang hindi sumusukong diwa ng tauhan, isang tahimik na ekspresyon ng paggigiit laban sa sistemang nagkait sa kanya maging ng karapatang magluksa.
Isinabuhay ni Prado ang diwa ng matatapang at progresibong kababaihang kanyang ginampanan sa kanyang makabuluhang karera.
Marahil isa sa pinakamakapangyarihang papel na ginampanan ni Prado ang tauhang si Julia sa pelikulang “Alma Ata” (2018). Si Julia ay isang migranteng Pilipina na umuwi sa Pilipinas upang siyasatin ang pagpaslang sa kanyang mga magulang na kapwa rebolusyonaryong doktor sa pamayanan ng mga Lumad sa Mindanao.
Binaybay ng pelikula ang kanyang paglalakbay sa kanayunan kung saan natuklasan niya ang bagsik ng karahasang paramilitar sa rehiyon. Ngunit mula rito, naunawaan niya ang kadakilaan ng rebolusyonaryong proyekto na niyakap ng kanyang mga magulang.
Sa sensitibong pag-arte ni Prado, nabigyang-buhay ang proseso ng pagkamulat ni Julia na lumundo sa maituturing na pinakaprogresibong representasyon ng isang migrante sa pelikulang Pilipino.
Mapalad ako na nakasama ni Prado sa produksiyon ng “Alma Ata” sa Melbourne, Australia noong 2018. Dito’y nasaksihan ko kung paano siya napalapit siya sa solidarity work ng mga migranteng Pilipino sa pangunguna ng Migrante.
Sa pag-uwi niya sa Pilipinas matapos ang produksiyon ng pelikula, nagpatuloy si Prado sa pagsuporta sa mga adbokasiya ng Migrante. Naging masigasig na volunteer siya ng Damayang Migrante na naglunsad ng mga gawaing pangkomunidad kasama ang mga maralita sa kalunsuran at mga OFW sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19.
Dagdag pa rito, palagiang maaasahan si Prado na magbigay ng pahayag ng suporta sa mga panawagan at kampanyang masa na inilulunsad ng iba’t ibang sektor gaya ng mga guro at mga artista.
Sa huling yugto ng kanyang buhay, aktibo si Prado sa laban para igiit ang karapatan ng mga manggagawang pangkultura lalo na sa pelikula.
Isinabuhay ni Prado ang diwa ng matatapang at progresibong kababaihang kanyang ginampanan sa kanyang makabuluhang karera.
Para rito at sa higit pa, marubdob na pasasalamat at pagpupugay, Sue.