Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Umalis sa libingan ang pag-ibig

Ang pag-ibig na tumatakbo palabas ng libingan ay nagiging pag-ibig na tumatakbo patungo sa kapwa.

Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay – Mga Gawa 10:34a, 37-43| Salmo 117 | 1 Corinto 5:6b-8 | Juan 20:1-9

May mga uri ng pag-ibig na marunong maghintay. Pero meron ding pag-ibig na hindi mapakali, iyong hindi kayang manatili, hindi kayang tumigil, hindi kayang manatili sa isang lugar lalo na kung ang minamahal ang nakataya. Ito ang pag-ibig na tumatakbo.

Sa Ebanghelyo ng Pasko ng Pagkabuhay, ito agad ang mapapansin natin. Madilim-dilim pa, ngunit si Maria Magdalena ay pumunta na sa libingan. Hindi niya hinintay ang liwanag. Hindi siya naghintay ng kasiguruhan. Ang nagtulak sa kanya ay pag-ibig. At nang makita niyang wala na ang bato, hindi siya nanatili. Tumakbo siya. Tumakbo papunta kina Pedro. At sina Pedro at ang alagad na minamahal ni Hesus, tumakbo rin papunta sa libingan. Parang sunod-sunod na pagtakbo. Isang galaw ng pag-ibig na hindi mapigil.

Kung tutuusin, kakaiba ito. Dahil ang pupuntahan nila ay libingan, lugar ng wakas, ng katahimikan, ng pagsasara. Pero sa halip na huminto ang pag-ibig sa harap ng kamatayan, lalo pa itong kumikilos. Parang sinasabi ng kuwento na ang tunay na pag-ibig ay hindi kayang ikulong ng libingan.

Sa Unang Pagbasa, si Pedro na ang nagsasalita. Hindi na siya tumatakbo papunta sa libingan kundi tumatakbo na palabas nito, sa mundo, upang magpatotoo. Siya ang ipinako sa krus, ngunit muli siyang binuhay ng Diyos. Ang pag-ibig na tumakbo papunta sa libingan ay naging pag-ibig na tumatakbo palabas, papunta sa misyon. Dahil kapag naranasan mo ang muling pagkabuhay, hindi ka na mananatili sa loob. Lalabas at lalabas ka.

At dito lalong luminaw ang sinabi ni Pablo. Alisin ninyo ang lumang lebadura. Sapagkat kung ang pag-ibig ay hindi na kayang ikulong ng libingan, bakit tayo patuloy na nananatili sa mga bagay na matagal nang patay. Mga galit na hindi mabitawan. Mga kasinungalingang patuloy na inuulit. Mga sistemang alam na nating hindi nagbibigay-buhay pero pinipili pa rin nating panatilihin.

Dito nagiging mas matindi ang hamon ng Pasko ng Pagkabuhay, hindi lang sa personal na antas kundi sa panlipunang antas. Dahil kung titingnan natin, may mga “libingan” na hindi lang indibidwal kundi kolektibo.

May mga estrukturang parang matagal nang naaagnas pero pilit pa ring binubuhay. May mga kultura ng karahasan na tinatanggap na parang normal. May mga kasinungalingang inuulit-ulit hanggang magmukhang totoo. At may mga sistema ng kahirapan at kawalan ng katarungan na parang wala nang gustong galawin dahil masyadong mahirap baguhin.

At dito kailangang maging malinaw. Hindi lang tayo tinatawag na maniwala sa muling pagkabuhay. Tinatawag tayong maging saksi nito sa gitna ng ganitong reyalidad.

Kung si Kristo ay tunay na nabuhay, hindi puwedeng ang lipunan ay manatiling parang nasa libingan. Hindi puwedeng tanggapin na lang natin ang sitwasyon na parang wala nang magagawa. Hindi puwedeng manahimik na lang tayo habang may naaapi, habang may nilalamon ng sistema, habang may unti-unting pinapatay ang dignidad ng tao.

Ang pag-ibig na tumatakbo palabas ng libingan ay nagiging pag-ibig na tumatakbo patungo sa kapwa. Ito ang pag-ibig na hindi lang emosyon kundi paninindigan. Pag-ibig na handang magsalita kapag kailangan. Pag-ibig na handang kumilos kahit hindi ito komportable. Pag-ibig na hindi natatakot sumalungat sa agos kung ang agos ay patungo sa kamatayan.

Sa madaling salita, ang muling pagkabuhay ay hindi lang kuwento ng tagumpay ni Kristo. Ito ay hamon sa atin na huwag maging bahagi ng mga puwersang naglalagay ng tao sa libingan. Bagkus, maging bahagi tayo ng gawaing nagbubukas nito.

Kaya ang tanong, nasaan ang direksyon ng ating pagtakbo? Papunta ba tayo sa mga libingan para manatili doon, para balikan ang dati? O handa ba tayong tumakbo palabas, palabas sa takot, palabas sa kasinungalingan, palabas sa mga sistemang hindi nagbibigay-buhay?

Ang pagtakbo ng mga alagad ay hindi lang simpleng kilos ng pagmamadali. Ito ay larawan ng pusong hinahatak ng pag-ibig, isang pusong hindi na kayang manatili sa kamatayan kapag naranasan na ang pangako ng buhay.

Kaya ngayong Pasko ng Pagkabuhay, hindi lang tayo inaanyayahang bumisita sa libingan. Inaanyayahan tayong umalis dito, at higit pa, tumulong na buksan ang mga libingan ng iba.

Dahil sa huli, ang pag-ibig na tunay ay hindi nananatili sa libingan. Ito ay laging tumatakbo at laging lumalabas tungo sa buhay.