Muni at Suri

Elehiya

Sa panahon ng pagluluksa sa mga martir ng Toboso 19, inilalantad sa atin kung paano natin uunawain sa ating mga sarili ang kahulugan ng kabayanihan at sakripisyo para sa sambayanan.

Mapalad ako na naanyayahang maging tagapagpadaloy ng isang palihan na inilunsad ng Karapatan noong nakaraang buwan. Sa palihang naitakda na lahukan ko, kasama ko ang mga kaanak at kaibigan ng mga aktibista at rebolusyonaryong namartir sa kamay ng estado.

Nauwi ang talakayan sa pagmumuni hinggil sa proseso ng pagtatala ng alaala ng mga pinagpupugayang buhay, partikular na sa anyo ng sanaysay/creative non-fiction.

Paano nga ba isusulat ang buhay na nakabigkis sa pakikibaka at inialay para sa sambayanan? Ano ang mga etikal na konsiderasyon lalo pa’t batbat pa rin ng panganib ang larangan kung saan inaasahang mailimbag at mabasa ang mga talang ito?

Masigla at nakaaantig ang mga bahaginan ng mga kaanak. Nariyan ang pagbabahagi ng masalimuot na proseso ng pag-identify at pag-recover sa katawan ng pinaslang at nilapastangan ng mga sundalo. Nariyan ang pagdedetalye sa iba’t ibang paraan ng pagluluksa at paghihinagpis.

Pero higit sa lahat, nariyan ang paglalarawan sa katauhan at diwa ng pumanaw na bayani. Hindi lang ito tungkol sa pagkilala sa kanilang kabayanihan, kundi pagbabahagi rin ng iba’t ibang dimensyon ng kanilang pagkatao—ng pakikipag-ugnayan nila bilang mga magulang, anak at kapatid sa kanilang mga pamilya, at kaibigan sa mga kasama; ng magagaang alaala, mga pagbibiro at mga kakulitan.

Kaugnay nito, nagkaroon ako ng pagkakataong mapanood ang dulang “Elehiya sa Huling Yugto ng Banyuhay” ni Vienna Pabalan, Theater major sa UP Los Baños na naitanghal noong Abril din.

Umiinog ang dula sa isang imahinaryong pakikipag-usap ng tauhan sa kanyang kaibigang pumanaw, isang tauhang batay sa martir ng Timog Katagalugan na si Jian Tayco na pinaslang bilang pulang mandirigma noong 2024.

Bilang isang malikhaing paglalahad ng pagluluksa, ang dula’y isang pagtatangka sa amalgamasyon ng sinematiko at teatrikal na mga porma. Ginamit ang maraming bidyo ng martir na bumabaybay sa kanyang pagbabanyuhay mula sa pagiging masikhay na mag-aaral na bahagi ng isang performing arts group sa high school hanggang sa pagiging masigasis na organisador at kabataang aktibista sa Timog Katagalugan.

Sa pagtalon sa entablado mula “screen memories” na ito, tumuon naman ito sa hindi pinangalanang tauhan—marahil ay may autobiograpikal na batayan kay Vienna—bilang kaibigan ni Jian. Gamit ang imahen ng paru-paro bilang simbolo ng pagbabanyuhay, sinuong ng dula ang transpormasyon ng tauhan mula sa pagluluksa patungo sa pagtanggap.

Nakapadron ang dula sa isang time-tested na estruktura ng panaginip sa paglalahad ng imahinaryong engkuwentro sa pumanaw na mahal sa buhay. Kung ang panaginip ay isang paghahalukay sa interyoridad ng nananaginip, marahil inilalantad ng dula kung paanong ang pag-unawa natin sa pagluluksa ay pagbabalik din sa sariling nagluluksa upang maunawaan ang kahulugan ng kamatayan at kabayanihan ng lumisan.

Sa panahon ng pagluluksa sa mga martir ng Toboso 19, inilalantad sa atin kung paano natin uunawain sa ating mga sarili ang kahulugan ng kabayanihan at sakripisyo para sa sambayanan.

Kagaya ng tauhan sa “Elehiya,” ang pagluluksang ito ay hudyat din ng mas malalim na pag-unawa natin sa kanilang kadakilaan. Marahil ito rin ay pagsilip sa kanilang mga adhikain—sa panaginip ng isang mas patas na pag-iral.