Dekanong Makabayan

Obserbasyon sa impeachment (Araw 7–9)


Ang katotohanan ay hindi dapat itago at ang hustisya ay hindi dapat manaig lang para sa iilan kundi para sa buong sambayanan.

Ang ikapito hanggang ikasiyam na araw ng impeachment trial ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte ay maituturing na isa sa pinakamahalagang yugto ng paglilitis.

Dito unti-unting lumipat ang sentro ng usapan mula sa mga teknikal na usapin at procedural objections tungo sa mas mahalagang layunin ng impeachment—ang paghahanap ng katotohanan sa pamamagitan ng mga ebidensiyang maaaring magpatunay o magpabulaan sa mga paratang laban sa pangalawang pangulo.

Pinakamahalagang pangyayari sa loob ng tatlong araw na ito ang naging pasya ng Senado, bilang impeachment court, na pagbigyan ang kahilingan ng House prosecution panel na magpalabas ng subpoena upang makuha ang piling mga rekord pinansiyal ng pangalawang pangulo.

Kabilang dito ang mga rekord mula sa mga bangko, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kaugnayan sa mga alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment.

Bagama’t nilinaw ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero na ang pagpapalabas ng subpoena ay hindi pa nangangahulugang awtomatikong tatanggapin bilang ebidensiya ang mga dokumentong makukuha, isa pa rin itong mahalagang hakbang sa pagtuklas ng katotohanan.

Ang magiging timbang at halaga ng mga dokumentong ito’y pagpapasyahan pa ng impeachment court sa tamang panahon, alinsunod sa Rules of Evidence at sa mga alituntunin ng due process.

Kapansin-pansin ding naging maingat ang Senado sa pagbalanse ng karapatan ng magkabilang panig. Hindi isinama sa subpoena ang foreign currency deposits ng pangalawang pangulo dahil protektado ang mga ito ng umiiral na batas. Gayundin, hindi pinagbigyan ang kahilingan hinggil sa dalawang pribadong kompanya dahil hindi sapat ang naipakitang kaugnayan ng mga ito sa mga paratang.

Ipinakikita nito na hindi pinahintulutan ng hukuman ang isang walang limitasyong paghahalungkat ng mga rekord, kundi tanging ang mga dokumentong may malinaw na kaugnayan sa kaso.

Malugod namang tinanggap ng House prosecution ang desisyong ito. Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, ang naging pasya ng impeachment court ay nakabatay sa batas at sa wastong proseso. Samantala, sinabi ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima na ipinakikita ng desisyong ito ang kahandaan ng Senado na timbangin ang mga dokumentaryong ebidensiya at hindi lang umasa sa mga testimonya o argumento ng magkabilang panig.

Sa katunayan, ang pagpapalabas ng subpoena ay isang mahalagang hakbang tungo sa higit na transparency at pananagutan sa pamahalaan. Ang mga rekord pinansiyal, kapag nailabas at napatunayang tunay, ay maaaring magpatibay o magpahina sa mga alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na pagyaman. Sa huli, ang mga dokumentong ito ang magsisilbing batayan ng hukuman, sa halip na mga haka-haka o propaganda mula sa alinmang panig.

Samantala, ang ikawalo at ikasiyam na araw ng paglilitis ay nakatuon sa Article IV ng Articles of Impeachment, na may kaugnayan sa mga alegasyon ng grave threats at inciting to sedition. Bilang huling saksi ng prosekusyon para sa bahaging ito, humarap si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.

Ipinaliwanag ni Matibag na alinsunod sa Administrative Order No. 11 ay bumuo ang NBI ng isang Special Task Force na binubuo ng mga eksperto mula sa iba’t ibang dibisyon upang imbestigahan ang mga pampublikong pahayag ni Vice President Duterte noong 2024. Iniharap din ng prosekusyon ang ilang video recordings ng mga pahayag nina Vice President Duterte at Davao City Mayor Baste Duterte bilang bahagi ng kanilang ebidensiya.

Ayon kay Matibag, hindi itinuring ng NBI ang mga naturang pahayag bilang simpleng retorikang pampolitika lang. Sa halip, sinuri ang mga ito bilang mga posibleng banta na maaaring magkaroon ng pananagutang kriminal.

Mas lalo pang tumibay ang posisyon ng prosekusyon nang ipahayag niyang napatunayan ng Digital Forensic Division ng NBI na ang mga video ay tunay, walang anumang pagbabago at hindi minanipula. Dahil dito, lalong tumibay ang kredibilidad ng mga ebidensiyang iniharap sa impeachment court.

Sa kanyang cross-examination, sinikap ng depensa na kuwestiyunin ang kredibilidad ni Matibag sa pagsasabing hindi pa siya ang NBI Director nang simulan ang imbestigasyon.

Gayunman, ipinaliwanag ni Matibag na pinahihintulutan ng Rules of Evidence ang pinuno ng isang ahensiya na tumestigo batay sa mga opisyal na rekord ng kanilang tanggapan. Kinumpirma rin niyang may mga natukoy nang persons of interest, ngunit tumanggi siyang pangalanan ang mga ito sapagkat nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Bago matapos ang kanyang testimonya, pinaalalahanan siya ni Escudero na umiwas sa anumang pahayag na maaaring makaapekto sa pagiging patas at walang kinikilingan ng mga senador na nagsisilbing mga hukom sa impeachment court.

Sa kabuuan, maituturing na naging matagumpay ang naging presentasyon ng House prosecution sa nakalipas na tatlong araw ng paglilitis. Ang pagpayag ng impeachment court na ipalabas ang subpoena para sa mga rekord pinansiyal ay nagbukas ng pagkakataong masuri ang mga dokumentong maaaring magbigay-liwanag sa mga alegasyon ng mga iregularidad sa pananalapi.

Samantala, ang testimonya ni Matibag ay nagbigay ng matibay na batayang factual upang suportahan ang Article IV ng impeachment complaint, partikular sa usapin ng grave threats at inciting to sedition.

Gayunman, mahalagang tandaan na ang mga pangyayaring ito’y hindi pa nangangahulugan ng pagkakasala o kawalang-sala ng pangalawang pangulo. Ang tunay na layunin ng impeachment trial ay bigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na iharap ang kanilang mga ebidensiya upang makapagpasya ang Senado batay sa batas, sa mga katotohanan at sa bigat ng mga ebidensiyang naiharap.

Sa huli, ang tunay na panalo sa prosesong ito’y hindi ang prosekusyon o ang depensa, kundi ang sambayanang Pilipino. Sa isang demokratikong lipunan, ang pananagutan ng mga pinakamataas na opisyal ng pamahalaan ay hindi dapat katakutan kundi yakapin.

Ang katotohanan ay hindi dapat itago at ang hustisya ay hindi dapat manaig lang para sa iilan kundi para sa buong sambayanan. Ito ang diwa ng impeachment—isang prosesong konstitusyonal na naglalayong tiyakin na ang kapangyarihang ipinagkaloob ng taumbayan ay ginagamit nang may integridad, pananagutan, at paggalang sa batas.