Mga ‘elephant in the room’ sa Israel-sponsored ‘cultural exchange’
Hindi kalabisan na ipagpalagay na bahagi ng kampanyang Hasbara ang pag-imbita sa mga Pilipinong mamamahayag sa Israel.
Maituturing bang mali para sa isang mamamahayag na sumama sa isang Israel-sponsored media visit dahil sa mga nangyayari sa Gaza sa mga nakaraang taon?
Kamakailan, naging mainit na usapin sa social media ang post ng Embahada ng Israel kaugnay ng pagdating ng 19 na Pilipino sa Israel para diumano sa isang “cultural exchange.” Kapwa mamamahayag at halo-halong eksperto kuno ang naglabas ng kani-kanilang mga pagtingin.
Ayon sa ilang peryodista, kalakaran ng mga bansa ang pag-imbita ng mga mamamahayag upang makapaglabas ng mga ulat na pumapabor sa nag-isponsor. Pero anila, hangga’t hindi curated ang bisita, hindi madidiktahan ang isusulat at hindi ang isponsor ang maglalabas nito.
Nagpapatuloy na henosidyo
Subalit malayo sa normal ang sitwasyon sa teritoryong inookupa ng Israel, lalo sa Gaza, at dito umiinog ang ubod ng debate.
Ayon sa opisyal na tala, mula Oktubre 2023, nasa 73,000 na Palestino ang pinatay habang 173,000 ang sugatan sa Gaza dahil sa sistematikong henosidyong ginagawa ng Israel. Higit kalahati ng bilang ng namatay at sugatan ay kababaihan at mga bata.
Nagkakaisa ang United Nations (UN) International Commission of Inquiry, ang Special Rapporteurs at eksperto ng UN, ang South Africa at iba pang bansa, ang mga internasyonal human rights organization gaya ng Amnesty International, at mga iskolar, mamamahayag, aktibista—walang dudang isang henosidyo ang isinasagawa ng Israel sa Gaza.
Bukod pa rito, marami rin ang nagsikap makapagdala ng pagkain at ibang batayang pangangailangan para sa mga nagugutom na populasyon ng Gaza.
Sinubukan ng mga aktibista (may ilang Moro human rights advocates na sumama), health worker, human rights workers at advocates, at mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng mundo na lumusot sa naval blockade ng Israel para makapaghatid ng humanitarian aid sa mga Palestino sa Gaza.
Hindi nagtagumpay ang Global Sumud Flotilla nitong Abril 2026. Dinakip at at dinahas, may naiulat na ilang seksuwal na pangaabuso, ng Israel Defense Forces (IDF) ang maraming kalahok. Nanatiling populasyong gutom at binobomba ang mga Palestino sa Gaza.
Kauna-unawa bagaman malungkot na walang nakasama na Pilipinong mamamahayag sa Global Sumud Flotilla, subalit nakagagalit, para sa mga sumusubaybay sa kalagayan sa Palestine na mabalitaan na may 19 Pilipinong lumahok sa sponsored “study tour” sa Israel.
Para ilapit sa puso ng mga Pilipino ang bigat ng isyu, naghain ng tanong sa mga mamamahayag si Dana Batnag sa isang episode ng Media Nation On Air, “Kung halimbawa imbitahan kayo ng mga Ampatuan na tumungo sa Maguindanao nang libre, para maipakita nila ang nagawa nila sa probinsiya matapos ang Maguindanao massacre, sasama ba kayo?”
Pagbura sa ebidensiya
Mahalagang suriin ang balak ng Israel sa kasalukuyan. Sa araw-araw na kilos nito na wala itong balak na itigil ang panlilipol sa mga Palestino; bagkus, pinalawak pa nito ang kampanyang henosidyo sa timog Lebanon at Syria.
Ayon sa TRT News, naglaan ng $730 million ngayong taon ang Israel para sa kampanyang Hasbara—sa esensiya, isang kampanya para baguhin ang umiiral na naratibo, pasinungalingan at burahin ang ebidensiya ng kanilang war crimes. Bumulusok ang opinyon publiko laban sa Israel makalipas ang mga taon. Bago ang henosidyo sa Gaza, nasa $7 milyon hanggang $10 milyon lang ang aniya ang laan para sa ganitong gawain.
“Kaya bang banlawan ng pera ang dugo ng mga Palestino?” tanong nito noong Mayo 5.
Hindi kalabisan na ipagpalagay na bahagi ng kampanyang Hasbara ang pag-imbita sa mga Pilipinong mamamahayag sa Israel.
Nitong mga nakaraang linggo, ibinalita ng grupo sa karapatang pantao na Euro-Med Monitor na araw-araw, aabot sa 100 trak ng IDF ang naghahakot palabas ng Gaza ng mga mga guho kasabay ng mga labi ng mga Palestinong natabunan bunga ng pambobomba ng Israel. “
“Burahin ang ebidensya ng henosidyo—ito ang layunin,” ayon sa isang opinion piece sa Haaretz ni Taghreed El-Khodary nitong Ago. 10.
Aabot sa 8,500 katao ang opisyal na nawawalang Palestino sa Gaza na pinangangambahan natabunan ng mga guho.
Ayon kay UN Special Rapporteur on the Occupied Palestinian Territories Francesca Albanese, kasabay ng paghahakot ng mga trak ng IDF sa mga guho palabas ng Gaza sa isang banda, ay ang paghadlang ng Israel sa mga eksperto sa ebidensiya at forensic na makapasok ng Gaza. Hinahakot na nito ang ebidensiya palabas nang walang pagsusuri ng mga eksperto.
Bukod pa sa pagbura sa ebidensiya, hindi na rin nirespeto ng Israel ang karapatan sa maayos na libing at pagkakataon makapagluksa ng mga kaanak.
Ang layunin ng Israel na pabulaanan ang henosidyo at burahin ang mga ebidensiya ng war crimes nito sa Gaza ang isa pa sanang isinaalang-alang ng mga kapatid natin sa media bago nagdesisyon.
Sino ang makikinabang?
Dahil sponsored at dinisenyo ng Israel, sadya man o hindi, madaling kikiling sa naratibo ng Israel ang kuwento ng mga mamamahayag.
Sa isang episode ng Media Nation On Air, isinalaysay ni Dempto Anda, batikang mamamahyag ng Palawan News, ang karanasan niya sa Israel. Mahirap daw mabuo ang kuwento dahil wala silang access sa mga Palestino sa Gaza.
Aniya, nang dalhin sila ng kanilang bantay sa unang kibutz na pinasok ng Hamas, nakapanayam niya ang isang babaeng Israeli na ayon dito, dadalhin hanggang kamatayan ang nangyari sa kanya noong Okt. 7, 2023 sa kamay ng Hamas.
Dagdag pa niya, “Are these stories [Israeli] propaganda? Ang hirap magbigay ng judgment. But these to me are legitimate stories.”
Tinanong ng beteranong peryodistang si Inday Varona kung paano ang timbangan ng istorya kung saan lubhang mas malupit ang kalagayan at sinapit ng mga Palestino.
Sagot ni Anda, “I agree, pero paano ang handling namin na you cannot reach the other side.”
“Ang tamad na tugon diyan, banggitin mo lang na the other side cannot be reached, may limitation ang istorya mo,” paliwanang ni Anda.
Naglabas naman ang ThePhilBizNews ng artikulo na isang output mula sa study tour sa Israel na pinamagatang “Israel’s envoy: Truth is strongest weapon vs disinformation”.
Ayon umano sa Israeli Special Envoy to the Christian World George Deek, sinisikap umano ng Israel na patibayin ang ugnayan sa mga Kristiyano sa buong mundo, protektahan ang kalayaan sa relihiyon at labanan ang tinukoy niyang isang organisadong kampanya upang sirain ang imahen ng bansa.
Ayon sa tanggol-kalikasan at manunulat na si Ina Silverio, hindi ito journalism lalo’t hindi nito binanggit ang maaaring ituring na “elephant in the room,” ang patuloy na panggugutom at pagpatay sa mga Palestino sa teritoryo.
Ayon naman sa isang post sa Facebook ng tanggol-karapatan at peryodistang si Caloy Conde hinggil sa debate sa curated visit sa Israel, “Ang maaring gawin ng isang journalist ay tumanggi kung ayaw mo ang motibo ng sponsor.”
Aniya, hindi uubra ang “sige, journalist naman ako, tingnan natin, baka may matisod akong istorya habang nagliliwaliw sa Jerusalem.”
Gaano man kagaling ang mamamahayag o ano man ang kanyang career goals, alalahanin sana nila na tanging ang pagsiwalat sa katotohanan, sa ngayon, ang pinakamabisang pananggalang ng mga Palestino laban sa ganap na paglipol sa kanilang lahi.
Ang pagsama sa “cultural exchange” ng Israel, na sa kasalukuyan ay walang puknat na ipinagpapatuloy ang henosidyo ng mga Palestino sa Gaza at West Bank, sa isang antas, ay pagpayag na makipagtulungan sa layunin ng estadong Zionista.