Mga komunidad sa Marikina, binaha muli
Isang linggo bago ang pagbaha, iniulat ng mga residente na hindi gumagana ang Tumana at Iwahig pumping stations noong bumabaha noong Ago. 9.
Muling sinalanta ng baha ang mga komunidad sa Marikina City noong Ago. 17 matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulang dala ng habagat.
Nagpatupad ng preemptive evacuation ang siyudad nang umabot sa ikalawang alarma ang Ilog Marikina, na nasa 16.8 metro. Umabot hanggang baywang ang baha sa barangay San Roque, habang binaha rin ang Santo Niño, Malanday at Santa Elena.
Sinabi ni Mayor Maan Teodoro na maihahambing ang limang oras ng pag-ulan sa kalahating araw na pagbuhos noong Bagyong Ondoy noong 2009. Aniya, sinasalo rin ng lungsod ang tubig mula sa Rizal. Ayon kay city engineer Kenedy Sueno, hindi nakayanan ng drainage interceptor sa Marcos Highway ang tubig.
Para sa mga residenteng paulit-ulit na lumilikas, hindi lang lakas ng ulan ang dapat suriin kundi ang imprastrukturang nariyan. Isang linggo bago ang pagbaha, iniulat ng mga residente na hindi gumagana ang Tumana at Iwahig pumping stations noong bumabaha noong Ago. 9.
Ayon sa Kabataan Partylist Marikina noong Ago. 10, 266 pamilya o 1,411 indibidwal ang nasa anim na evacuation center. May 109 pamilya ang lumikas sa Nangka Elementary School. Ayon kay Kristoffer, residente ng Nangka, umabot hanggang tuhod ang baha sa kanilang bahay.
“Nakakalungkot lang na nag-fail ‘yong pumping station, hindi sana aabot sa amin ‘yong baha kung okay ‘yon,” aniya.
Hiniling ni Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo ang imbestigasyon ng Kamara sa hindi paggana ng dalawang pasilidad at pananagutan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kontratista. Sinabi naman ni Teodoro na hindi pa naipapasa sa lungsod ang pangangasiwa sa mga ito at nagpadala umano ang DPWH ng technician at mobile pumps.
Ipinanawagan ng Kabataan Partylist Marikina ang agarang pamamahagi ng pagkain, tubig, hygiene kits at relief assistance, kasabay ng masusing pagsusuri sa flood-control projects, drainage, pumping stations at evacuation facilities.
Para sa mga komunidad sa lungsod, kailangang gumagana at napakikinabangan, hindi lang nakatala sa papel ang mga proyektong pinondohan ng mamamayan, lalo na sa oras ng sakuna.