Dekanong Makabayan

Pera, katahimikan at pananagutan


Ang opening statement ay hindi paghatol. Hindi rin ito ebidensiya. Isa itong mapa na nagpapakita kung saan tutungo ang paglilitis.

Sa ikasampung araw ng paglilitis sa impeachment, nagsimula na ang usapin tungkol sa confidential funds. Tumayo si Rep. Leila de Lima upang ilahad ang kaso ng prosekusyon sa ilalim ng Artikulo I. Sentro ng kanyang argumento ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon.

Isang tanong ang nais niyang ipabaon sa isip ng Senado at ng sambayanan: Iginagalang ba ang tiwalang ipinagkaloob ng taumbayan sa mga humahawak ng salapi ng bayan?

Hindi natapos ni de Lima ang kanyang pambungad.

Tumutol ang depensa. Ayon kay Michael Poa, tila nagbibigay na si de Lima ng mga legal na kongklusyon bago pa man mailahad ang ebidensiya. Bahagyang pinagbigyan ni presiding officer Sen. Chiz Escudero ang pagtutol. Binalaan niya ang prosekusyon na huwag munang magbigay ng mga kongklusyon sa batas at pinasimulan na lang ang presentasyon ng mga saksi.

Para sa akin, hindi iyon ang tamang pasya.

Ang opening statement ay hindi paghatol. Hindi rin ito ebidensiya. Isa itong mapa na nagpapakita kung saan tutungo ang paglilitis. Karapatan ng bawat panig na ilahad ang kabuuan ng kanilang teorya bago pa man magsalita ang mga testigo. Kung may kahinaan ang kanilang argumento, doon ito dapat mabunyag—sa ebidensiya at sa cross-examination, hindi sa pagpapatigil sa kanilang pambungad.

Pagkatapos nito, nagsimula ang paglalatag ng mga dokumento at testimonya.

Unang tumestigo si Violeta Constantino, manager ng LandBank Shaw Boulevard branch. Kinumpirma niya na apat na tseke na tig-P125 milyon, o kabuuang P500 milyon, ang na-encash ni noo’y Office of the Vice President special disbursing officer Gina Acosta mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023. Ipinaliwanag din niyang ang ganitong kalalaking halaga ay hindi basta inilalabas, kailangan itong paghandaan ng bangko.

Sumunod si Nenita Camposano, manager ng LandBank DepEd branch. Pinatunayan niya ang tatlong tseke na may kabuuang halagang P112.5 milyon, na na-encash ni dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda. Kinumpirma rin niya ang pagiging tunay ng mga dokumentong iniharap ng prosekusyon.

Sa kabuuan, umabot sa P612.5 milyon ang mga cash withdrawal na napatunayan sa korte.

Ngunit mahalagang tandaan ang hangganan ng kanilang testimonya. Pinatunayan nila ang mga rekord at proseso ng bangko. Hindi nila sinabi na ilegal ang mga transaksiyon. Hindi rin nila sinabi na may sinumang personal na nakinabang sa mga ito. Hanggang sa paglabas lang ng pera sa bangko ang kanilang nalalaman.

Doon pa lang nagsisimula ang tunay na laban ng prosekusyon. Hindi sapat na maipakita kung paano lumabas ang pera. Kailangan ding mapatunayan kung saan ito napunta at kung paano ito ginamit.

Gayunman, may isang katotohanang hindi maikakaila. Kapag cash ang inilalabas sa ganitong kalalaking halaga, nagiging mas mahirap itong subaybayan. Humihina ang bakas ng dokumentasyon. Humihina rin ang kakayahan ng publiko na tiyaking ang bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay napunta sa tamang layunin.

Dito pumapasok ang mas malaking usapin.

Maaaring may panahon na makatuwiran ang confidential funds para sa tunay na operasyong panseguridad. Ngunit sa paglipas ng mga taon, naging napakalalaki na ng pondong ito habang nananatiling limitado ang pagsusuri rito. Hindi ito dumaraan sa parehong antas ng audit na ipinapataw sa karaniwang paggasta ng pamahalaan.

Ipinakikita ng kasong ito kung bakit dapat itong pag-isipan nang mabuti. Ayon sa prosekusyon, P125 milyon ang nagastos sa loob lang ng 11 araw. Hindi pa ito patunay ng paglabag sa batas. Ngunit sapat itong dahilan upang itanong kung sapat ba ang mga umiiral na mekanismo ng pananagutan.

Bahagya nang kumilos ang Kongreso nang alisin nito ang confidential funds ng Office of the Vice President sa mga badyet ng 2025 at 2026. Ngunit nananatiling bilyon-bilyong piso ang confidential at intelligence funds ng Office of the President. Kung ang prinsipyo ay transparency, hindi ito maaaring pili lang. Dapat iisa ang pamantayan para sa lahat.

Hindi rin dito nagtatapos ang usapin.

Sa loob ng maraming taon, kabilang ang Davao City sa may pinakamalalaking confidential funds sa bansa. Sa panahon ni Sara Duterte bilang alkalde, lumaki ang pondong ito mula P144 milyon noong 2016 hanggang P460 milyon sa kanyang huling mga taon sa puwesto. Umabot sa mahigit P2.6 bilyon ang kabuuang halaga sa loob ng anim na taon. Nagpatuloy ang ganitong sistema sa ilalim ni Mayor Sebastian Duterte, at noong 2024 ay umabot pa sa P530 milyon ang confidential funds ng lungsod.

Madalas itong ipaliwanag bilang bahagi ng kampanya laban sa insurgency. Ngunit mismong pamahalaan at militar ang nagsabing insurgency-free na ang Davao City noong 2022. Kung wala na ang banta, bakit patuloy pang lumalaki ang pondong hindi madaling masuri ng publiko?

Iisa lang ang aking paninindigan.

Sa Malacañang man, sa Office of the Vice President o sa alinmang city hall, dapat iisa ang pamantayan ng pananagutan. Nawawalan ng saysay ang accountability kapag pinipili lang kung sino ang pananagutin.

Kaya malinaw ang aking panawagan: panahon nang buwagin ang sistema ng confidential funds. Mas kailangan ng bayan ang mga silid-aralan, ospital, kalsada, pabahay at disenteng serbisyo publiko kaysa mga pondong nananatiling nakatago sa likod ng limitadong pagsusuri.

Habang nagpapatuloy ang impeachment trial, nagsisimula pa lang ang pagtunton sa daloy ng pera. Napatunayan na may mga transaksiyon. Ang tunay na hamon ngayon ay patunayan kung saan napunta ang salapi at kung ito ba ay ginamit nang ayon sa batas.

Sinabi ni de Lima na walang tunay na paghilom kung walang pagsasara. Sumasang-ayon ako. Ngunit idaragdag ko ito: walang ganap na pagsasara kung hindi pinahihintulutan ang bawat panig na maipahayag nang buo ang kanilang kaso. Dapat siyang pinayagang tapusin ang kanyang opening statement. At higit sa lahat, dapat manatiling bukas sa taumbayan ang bawat pisong nagmumula sa kaban ng bayan.