Tindig ng 2013 Million People March
Dahil sa lakas ng mamamayan, idineklara ng Korte Suprema na ilegal at labag sa Konstitusyon ang pork barrel.
Bago pa man naging matunog ang sigaw na “Ikulong na ‘yan mga kurakot!” matapos pumutok ang anomalya sa mga proyektong flood control, matunog na ang sigaw ng masang sawa na sa korupsiyon noong 2013 na “Noynoy Pork Barrel King!”
Katulad ng malawakang protesta kontra korupsiyon noong Set. 21, 2026 sa Luneta, Maynila, ang 2013 Million People March naman ay nangyari noong Ago. 26, 2013 sa parehong lugar.
Gamit ang social media, na kahit papaano’y bago-bago pa noon, para mag-imbita sa publiko at naging epektibong nga naman. Sunod-sunod ang mga Facebook posts para mag-trending ang mga panawagan kontra korupsiyon.
Umabot sa 100,000 katao, at tinatayang mahigit doble pa sa iba’t ibang lugar sa bansa, ang dumayo bilang pagtutol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam o mas kilala bilang “pork barrel.”
Pork barrel ang tawag sa pondong nakalaan sa mga mambabatas at iba pang opisyal gobyerno para sa kani-kanilang mga proyekto. Sumiklab ang galit ng mamamayan matapos ilantad ang pagnanakaw nina negosyanteng Janet Lim-Napoles at mga mambabatas para sa inilaang pondo sa mga “charity” at non-government organization (NGO).
Ginamit ang P10 bilyon pondo sa mga pinasimunong pekeng NGO ni Napoles at sa mga senador at kongresista sa kanilang “ghost projects.” Sangkot din ang dating Pangulong Benigno Aquino III na ipinagtanggol pa ang PDAF at sa pakanang Disbursement Acceleration Program (DAP), ang sinasabing “presidential pork barrel.”
Dahil sa lakas ng Million People March, idineklara ng Korte Suprema na ilegal at labag sa Konstitusyon ang PDAF at DAP. Ikinulong naman sa kasong plunder sina Napoles, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla Jr., Sen. Juan Ponce Enrile at iba pang mga sangkot sa pork barrel scam.
Ipinapaalala ng protesta noong 2013 na patuloy nating ipanawagan ang pagpapanagot sa mga kurakot. Hanggang ngayon, hindi pa natatapos ang paniningil natin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang kapalpakan, kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte sa pagawawaldas ng confidential funds at pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa mga proyektong flood control.