Binahang maralitang komunidad sa Rodriguez, nakapagdiyalogo sa alkalde 


Humarap ang mga maralitang residente ng Rodriguez, Rizal sa kanilang alkalde na si Ronnie Evangelista para itulak ang pag-aabot ng tulong matapos ang pagbaha nitong mga nakaraang linggo

Humarap ang mga maralitang residente ng Rodriguez, Rizal sa kanilang alkalde na si Ronnie Evangelista para itulak ang pag-aabot ng tulong matapos ang pagbaha nitong mga nakaraang linggo

Sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), tumungo ang ilang mga residente ng Farmville sa Barangay San Isidro sa munisipyo nitong Set. 14.

Isa ang Farmville sa mga nalubog sa baha sa mga nagdaang buwan. Sa gitna ng pag-ulan, nagulat na lang ang ilang mga residente rito pagkauwi nila galing evacuation center nang malamang inanod na ng baha ang kanilang bahay. 

“Ang sinabi ni [Mayor Evangelista], pupuntahan niya [‘yong Farmville] para ma-check at kung ano ‘yong puwedeng maitulong,” sabi ni Kadamay secretary general Mimi Doringo. 

Nagprotesta ang mga residente pagkatapos nilang makipagdiyalogo sa kanilang alkalde. Ipinanawagan nila ang agarang tulong mula sa gobyerno para sa kanilang mga nasalanta ng habagat at mga bagyo.

Kinilala naman ni Doringo ang lawak ng usapin ng quarrying na nakakapagpalala pa ng pagbaha sa munisipalidad. Aniya, hindi lang ito usapin ng isang opisina, usapin ito ng maraming ahensiya na kailangang kalampagin ng mga tao para maaksiyunan ang mapaminsalang proyekto.

Hinikayat niya ang mga maralita na maging matalino sa susunod na pagpili ng mga itatalagang mamumuno sa kanilang bayan. 

“Lagi’t lagi tayo ang mga nabibiktima ng mga pagbahang ito. Kailangan talagang maging matalino tayo sa susunod na pagpili ng mga taong ipupwesto natin saan mang baitang ng paglilingkod,” sabi ni Doringo.